Mahal ngayon bilihin ngunit tayong mga nasa probinsya ay malabong magutom. Kailangan lang nating maging madiskarte. Maraming tayong halaman na tumutubo lang sa mga likod-bahay o tabing bakod na pwedeng maging pagkain. Hindi lang nakakabusog kundi marami pang sustansyang makukuha.
Isa sa mga pagkaing masustansya na madaling hanapin ang edible fern. Sa paligid ng bahay natin ay maraming tumutubong fern pero may isang particular fern na ang simpleng tawag ng mga taga bukid ay “Pako.” Ordinaryong pagkain ito ng mga ninuno natin. Ang Pako sa panahon ngayon ay inihahain na din sa mga mamahaling fine dining restaurants – bilang main ingredient ng salad na tatampukan ng kamatis at itlog na pula na tunay namang masarap at babalik balikan. Mayroon ding Pako pizza na naiiba ngunit malasa. Karaniwan ay ginagataan ang pako na may lahok na inihaw na isda gaya ng tilapya.
Ang ng edible fern ay libre at madaling makukuha sa paligid ligid lang kung masipag at masinop tayo.
Sa pag aaral ko, hindi lahat ng variety ng pako ay pwedeng kainin. Ang iba ay nakalalason. Sa mga buntis hindi din ipinapayo ang sobrang pagkain nito.
Ang mga fern na hindi edible ay ginagamit lamang sa mga landscaping at pang dekorasyon sa mga events place dahil sa kakaibang gandang taglay ng halamang ito.
Ang edible fern ay maaaring hindi na masyadong pinapansin ng mga kabataan ngayon dahil sa dami ng mga pagkain pwedeng pagpilian sa mercado. Pero kung atin iisa isahin, ang sustansyang makukuha dito, hindi tayo magdadalawang isip na ito ay maging regular sa ating mga putahe.
Nutritionally speaking, ang pananaliksik sa edible fern ay kalat na sa internet. Ang ilang mga website ay nag-postulate na “mataas ito sa Omega-3 at 6,” habang ang iba ay nagsasabing, “mataas sa iron at fiber,” at maraming antioxidant.
Ang pagkain ng mga dahon nito ay makakatulong para sa maayos at malinaw na paningin. Sinasabi rin sa pag aaral na mahusay ito sa puso dahil ang dahon ng pako ay puno ng potassium. Alam naman natin na ang potassium ay isang uri ng electrolyte. Ang isa sa benepisyo ng potassium ay pagbabawas sa presyon ng dugo dahil inaalis nito ang sodium sa daloy ng dugo. Batid din natin kapag kontrolado natin ang presyon ng dugo ay makakaiwas tayo ang stroke.
Importate na sariwa ang pako kapag kinakain o niluluto dahil ang dami ng protina, bitamina A, calcium, magnesium at potassium ay nababawasan kapag na frozen ito. Ang dahon ng pako ay nagtataglay din ng Vitamin A.
Isa ang pako sa mga gulay na nagtataglay ng maraming sustansya na kailangan ng ating katawan. Ilingap lang natin ang ating mga mata sa paligid ay makakakita na tayo ng mga biyaya ng lupa na kaloob ng Diyos at pakikinabangan nang ating pamilya upang magkaroon ng malusog na katawan.
Joel Frago
Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor. Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming. Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018. Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.