Isang OFW na pinatay sa saksak, natagpuan sa Saudi Arabia

0
292

JEDDAH, Saudi Arabia. Natagpuang patay ang isang 32-anyos na overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia, sa pangalang Marjorette Garcia, sa hindi pa malamang dahilan.

Ayon sa mga ulat, si Marjorette Garcia ay isang domestic worker sa bansang Saudi Arabia. Ngunit hindi pa tiyak ang mga detalye ukol sa nangyari sa kanya.

“Hindi pa namin alam ngayon kung ano talaga ang kinamatay niya. Pero ang sabi nila, sinaksak daw siya. Hindi pa namin alam kung ano ang resulta,” ayon sa biyenan ng biktima.

Ang pamilya ni Marjorette ay huling nakausap siya noong Setyembre 15, 2023. Dahil dito, humihingi sila ng tulong sa gobyerno upang makuha ang hustisya para sa kanilang yumaong kamag-anak.

“Mapadali po [sana] ang pag-uwi ng labi niya, tapos yung sa hustisya niya po na nangyari sa kanya. Hanggang ngayon, wala pang alam kung anong nangyari sa kanya. [Kung] bakit pinatay po,” pahayag ni Tito Garcia Jr., asawa ng biktima.

Ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay mag-aasikaso ng mga gastusin para sa biyahe ng pamilya sa Metro Manila upang maiuwi ang labi ni Marjorette pagdating nito sa Pilipinas.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.