Delicadeza: ang mabuting asal na naghihingalo na sa Philippine politics

0
1089

Mahihiya ang K-drama sa naganap na candidate substitution nitong nakaraan linggo. Kahit ako ay napaiyak na parang napanood kong namatay uli si Ji-yeong sa katapusan ng larong dyolen sa Squid Game.

Nilait nito ang ating democratic process. Pinigilan nitong makabuo tayo ng maayos na partido na kailangan upang magkaroon ng maaasahang version ang kasalukuyang sistema ng ating pamahalaan.

Sana ay nakita ng Comelec at ng Kongreso ang pangangailangan upang sila ay kumilos at ipawalang-bisa o amyendahan ng bongga ang ang mga hindi mabubuting patakaran sa Omnibus Election Code para sa susunod na eleksyon sa 2025.

Sa candidate substitution, nagpapalit ng kandidato ang partido para sa partikular na political office gaya ng pagkapangulo. Ayon sa umiiral na batas, pwedeng gawin ito ng alin mang partido kahit kailan hanggang sa araw ng deadline ng Comelec.

Nakita natin kung paano nagkasa ng mga placeholder na kandidato na pagkaraka ay pinalitan ng final na kandidato. Nasaksihan din natin ang talamak na tawiran sa party lines alang alang sa self interest. Akala ko ba, ang partido ay naglalaman ng mga prinsipyo at issues na “pinakakasalan” ng kandidato bilang sagisag ng kanyang mga adhikain at mithiin para sa bayan?

Nakakalungkot isipin dahil ang mga naganap na drama ay pumatok sa ilang sektor ng botante na hindi nakakaunawa sa pagkukunwari sa likod ng mga scripted na pag aatubili sa pagtakbo. May bumili sa mga mala Teleseryeng acting upang i project na hindi sila ganoon ka ambisyoso ngunit diumano ay kailangan nilang tumugon sa “call of the people” kaya napilitang tumakbo na rin. Bravo!

Hindi na nga siguro uso ang delicadeza. At ito ang mas nakakaiyak na bahagi sapagkat isa ito sa mga katangiang ipinagmamalaki ng Pilipino.

Ang delicadeza ay isang kaugalian na naka angkla sa pamantayang moral na katanggap tanggap sa lahat. Kaya kung minsan, ang itinuturing na legal ay maaaring hindi morally acceptable.

Delicadeza ang batas ng magandang asal. Kung mababansagan kang walang delicadeza, ito na ang pinakamalaking insulto na pwedeng ipukol sa isang public official. Dahil ang delicadeza ay may kinalaman sa karangalan.

Sa kasamaang palad, sa public service, mas malaki ang taya, mas kakaunti ang delicadeza na nakikita natin.

Hindi dapat mawala ang delicadeza bilang haligi ng mabuting pamamahala, transparency, kawastuhan at pananagutan. Kailangan din nating magtiwala na alam ng ating mga public servant kung nasaan ang linya at kung kailan hindi dapat tumawid dito.

Photo credits: Fine Art America