Mas may saysay ang TikTok? Mga bagong hamon sa komunikasyon at pamamahayag

0
1056

Basta mga Muslim asahan daw na sila’y magagalitin at, pinakamalala sa mga ulat at opinyon ng mga nagdaang “pamamahayag” sa TV, radyo at telebisyon, mga terorista! Dumating ang panahong na-expose ang ganitong hasty generalization (panlalahat), inaral, at inusisa ang klase ng pag-uulat at pagbibigay ng kuru-kuro tungkol sa mga “hindi Kristiyano” matapos ang tinaguriang 9/11 attacks. Mula 2001 hanggang kasalukuyan, malaki na ang pinagbago ng mundo: may pagdahan-dahan sa pag-aakusa at may piling-piling salita para magparatang sa anumang relihiyon.

Fast forward sa dalawang dekada matapos ang teroristang pag-atake sa tatlong lokasyon sa Amerika, malinaw na ba kung gaano kahalaga ang komunikasyon at pamamahayag? Kapag hindi ba nakatutugon sa panawagan ng tungkulin ang mga alagad ng mass media, natatantya ba ng lipunan ang masamang epekto nito o nababalewala ang buong problema na para bang walang problemang dapat pag-usapan at hanapan ng solusyon?

Namatay ang Kodak at Nokia (o binubuhay muli?), namatay ang Friendster (o binubuhay muli?), ipinanganak ang Facebook (2004), YouTube (2005), Twitter (2006), Instagram (2010), at iba pang social networking sites katulad ng huling ipinanganak pero hindi nagpahuli sa kasikatan, Tiktok (2016). Ano ang epekto ng existence nila? Existential crisis ba sa iba? Kumusta ang mga peryodista, brodkaster, at communication professionals sa pagdedepensa sa sarili sa mga alegasyon ng kawalang etika (unethical practice)? Sa kasalukuyang imprastruktura ng social media, masagot man nila nang maayos ang mga alegasyon, may susunod na namang alegasyon. Samantala, tuloy-tuloy lang ang operasyon ng mga bulwagang pambalitaan mapa newsroom, editorial office, booth ng mga brodkaster. Tuloy-tuloy din ang paghahanap ng masisilungan ng mga field reporter. Ngunit kung anong dami ng komento, siyang konti naman ang nailalaang prominenteng espasyo o plataporma para mailahad ang pagtutuwid o pagsasabi ng paninindigan sa naunang pahayag at ulat.

Kapansin-pansin ang maraming kulang sa pansin kaysa sa dapat pag-ukulan ng pansin na mga propesyunal at establisadong mamamahayag. Hindi lang news avoidance ang suliranin, kundi ang pag-atake mismo sa personalidad ng mga mamamahayag, kabilang ang ad hominem attacks . Pareho nang binabaril ang mensahe at mensahero.

Kung may krisis sa edukasyon, anong pag-asa pa ba ang maibibigay natin sa susunod na henerasyon kung may krisis din sa komunikasyon at pamamamahayag? Madali lang namang sagutin kung totoong merong krisis sa komunikasyon at pamamahayag sa pamamagitan ng panibagong tanong: Gaano kalaking suporta ang natatanggap ng media kung meron man?

Madaling sabihing kung nasaan ang audience, naroon din daw dapat tayo (at marami pang makiki-“tayo”; hindi lang ako). Ibig bang sabihin ay mag-TikTok na rin tayo para diyan? Hindi maaari. May kaukulang limitasyon din kasi.

Turo ng University of Minnesota: “Bilang isang gatekeeper, gumagana ang media upang ihatid, limitahan, palawakin, at muling bigyang kahulugan ang impormasyon… Ang hypodermic needle theory of mass communication ay nagmumungkahi na ang isang nagpapadala ay gumagawa ng isang mensahe na may partikular na kahulugan na ‘itinuturok’ sa mga indibidwal sa loob ng mass audience.” (As a gatekeeper, the media functions to relay, limit, expand, and reinterpret information… The hypodermic needle theory of mass communication suggests that a sender constructs a message with a particular meaning that is “injected” into individuals within a mass audience.)

Dapat pag-aralan ng mga “in na in” ngunit “out pa rin” na journalists acting as social media influencers at the same time kung wala bang nasasayang na oras para sa air space o para busisiin ang dapat na maging laman ng print space na naaayon sa tawag ng panahon. At kung high-paying journalists na, nararapat lamang nilang aralin ang maitutulong nila sa maliliit na kamanggagawa, sa halip na masapawan pa sila at mawala pa sa kanila ang kakarampot na kita sa pinaghihirapang coverage at presensya sa Internet. Sila mismo ang dapat kumilala sa kahalagahan, at magbigay ng aktwal na pagpapahalaga, ng kanilang kabaro sa community journalism.

Marami nang pag-aaral ang naglulutang ng pruweba ng pagkakaroon ng krisis: susuportahan lang ang local journalists kung susuportahan din nila ang political ambitions at magtatago ng baho ng local politicians; dumodoble bilang PR men and women ng mga pulitiko; nakikialam ang management sa editorial content ng media outlets; may nananakot, namamahiya (lalo sa social media), at nangha-harass sa mga kagawad ng media; hindi mareso-resolba o matagalang kaso ng pagresolba sa pagpaslang sa community journalists; may nagtatakip sa mga abusadong opisyal ng pamahalaan; at sa mga bagong nagsisipagtapos ng mga kursong journalism and communication pero walang magandang oportunidad at mataas na pasahod sa pagiging journalists/writers/editors kaya nalilinya sa hindi nila larangan.

Madaling paratanganang “biased media” ang ABS-CBN, GMA, at TV5, pero napakaraming enabler o kunsintidor ang punum puno ng kontrobersiyang SMNI na pinamihasang OK lang ito sa red-tagging ng umano’y kalaban ng gobyerno at pagiging mouthpiece ng mga Duterte. May pagturing na kalaban ng pamahalaan, samantalang hindi pinahihintulutang ang katotohanan at ang paggarantiya ng Saligang Batas sa ilalim ng Artikulo III,Seksyon 4 na “hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.” (No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.)

Heto ang isa pang malalang problema – na kung tutuusin isang hamon lamang at kayang kaya namang mapagtagumpayan ng matitinong communication professionals and journalists – ang katrayduran ng ilan sa pamahalaan at gumagamit pa ng mga tao (troll armies) para maisulong ang propagandang hindi naman talaga ang Republika ng Pilipinas ang magbebenepisyo kundi ang kanilang mga sarili at siyempre pa, ang mga poong nagbabayad sa kanila. Sa umpisa, napahahalagahan sila, nababayaran sila, at pagdaka’y iiwan silang parang mga laruan. O basahan pa nga. Sa dulo nito, walang napala ang mga anak at apo dahil kabobohan ito, sa halip na dagdag-kaalaman. Pandaraya ito, sa halip na kabutihan sa sarili at sa kapwa. Panlilihis sa totoong isyu at pagsisinungaling ito, sa halip na ang pananaig ng mapagpalayang katotohanan. Pagkalugmok sa kahirapan at pagpapalalim ng bulsa ng mga kurakot ito, sa halip na katapatan sa paglilingkod sa pamahalaan. Magkakaugat ang problema; unang una dahil sa pinapurol na utak. Sa pinapurol na utak, ang puso’y nagsisilbi na lamang na lamang loob. Hindi na ito gagana para sa kapakanan ng sangkatauhan. Ipaglalaban nito ang kabobohan at pagtataksil sa Republika kapalit ng kaunting kabayaran.

Ang papel ng komunikasyon at pamamahayag, kagaya ng iba pang larangan, ay nahaharap sa seryosong usaping sila’y “under attack.” Maraming propaganda at pagmamanipula na naglalayong huwag silang seryosohin, at sa halip ay bigyan ng patong patong na problema hanggang sa maging hindi na sila kapani-paniwala o wala nang saysay. Kunwari, palalakasin ang mga taong tambay, pero gagamitin lang sila sa kasamaan at ang kasamaang iyon ang mag-uudyok sa kanilang makaahon sa kahirapan pero ang totoo pala at ang dulo nito’y kapahamakan ng mga magulang, anak, at apo. Meron nga bang kasamaang dapat papurihan? Kung pagbigyan ang masama, dadami ang masasama, at kung kabutihan ng komunikasyon at pamamahayag ang paiiralin at susuportahan, malaki ang tsansang maramdaman ito ng mga murang kaisipan. Magsisilbi itong inspirasyon para magpakabuti rin sila sa kanilang larangan o sa araw-araw na pagtutok sa aral sa binubuklat na aklat, at pinakikinggang guro, simbahan, at kinakasamang kamag-aral at kalaro.

Kahit may malawakang propaganda, pagmamanipula sa mga tao, at panggigipit na naglalayong huwag seryosohin ang mga mamamahayag, pagpapalain pa rin ang depensa at suporta sa katotohanan. Ibig sabihin din nito, pagpapalain din ang anumang online platform na sa pagpapalaganap ng katotohanan, sila ay katuwang, sa halip na ang hangad lamang ay katuwaan. Sa Pilipinas lang, noong una’y marami pang natutuwa sa isang matabil ang bibig at palamurang lider na hindi naglaon ay agad-agad ding kinamuhian at hindi na sineseryoso kapag nagsasalita na sa mikropono – kahit pa nasa “prayer rally” kuno – matapos ang kanyang termino.

Mapanghamon man ang panahon ng komunikasyon at pamamahayag, inaasahan nating ang mga malilinis ang konsensya at nagpapakatapat sa panawagan para sa katotohanan hindi lamang dahil tungkulin kundi dahil alam nilang iyon ang tama ay mapapasayaw sa tuwa, may TikTok man o wala.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.