Red flag at iba pang senyales, paano haharapin?

0
775

May lalaban kay Kapitan. Bago. Sariwa. Sariwa rin ang kaisipan. Babae. Pinakamahalaga: mabait daw, matulungin daw. Saan ka pa susuporta? Sa kanya na! Huwag na sa Kapitan o sinupamang lumalaban sa babae.

Heto ang problema: Huli na ang lahat. Maraming red flag sa bago. “Bagong salta” pa nga ang turing ng mga kalugar niya. Kalugar o kababayan? Dahil sa mga red flag, ituring na lang nating kalugar.

Huli na ang lahat; Mayora na siya, kahit pa maraming red flag sa kanya. Tinalo niya si Kapitan sa botong kulang limang daan.

“Nagsisilbi” na siya. Sa kaisipan ng COMELEC Chair, pwedeng sampahan ng quo warrant petition si Mayora para mawala siya sa posisyon ng “pagsisilbi.” Ang DILG naman, naghain ng rekomendasyon sa Ombudsman. Ipinasususpinde nila ang nakaupong Mayora. Ito’y matapos umanong kakitaan ng isang task force na merong “troubling findings of serious illegal acts which may have severe legal implications” hinggil sa kanya. Pinatatanggal (sa huling balita, baka natanggal na) din ng DILG, sa atas nito sa NAPOLCOM, ang kapangyarihan ni Mayorang magpasailalim at sumunod sa kanya ang lokal na pulisya. Anyare?

Akalain mo bang isang bayan/munisipalidad ang naloko niya, este, ang nagluklok sa kanya? May mangilan-ngilan pa nga rin sa kanila ang todo-suporta kay Mayora, ngunit marami-rami na rin ang natatauhan sa kanila. Patuloy nilang inaantabayanan kung anong bagong maibabalitang red flag na naman sa kanilang butihing punongbayan.

Punum-puno pa naman sila ng pag-asang heto na ang magpapaunlad ng kanilang bayan, maglilingkod nang tapat. Naisip din ba nilang heto na ang taas-noo at tunay na maipagmamalaki ng lahing Pilipino? Nakupo! Puno nga ng red flag kay Mayora.

Ang bilis namang maloko ng mga tao. Bakit? Nakadagdag dito ang mga personalidad na umaali-aligid sa kanya noong kasagsagan ng kampanya para sa 2022 national and local elections. Matapos ang dalawang taon, ang mga pulitikong ito’y isa-isa nang dumidistansya sa kanya. Wala daw nakakakilala kay Mayora? Ito’y sa kabila ng mga larawan kasa-kasama nila ang noo’y kumakandidatong talaga namang bagong sulpot lang pero suportado na kaagad nila. Kung hindi nakadagdag iyon para maloko ang mga tao, hindi ko na alam ang tawag doon.

Hindi rin naman natin sinasabing walang sala sa pagpili, sa pagiging kritikal sa oras ng pagpili at pagboto. Ganoon na bang kadaling maloko sa salita? Sa postura? Tandaan – at nabanggit na sa itaas – mabait daw, matulungin daw. Pero ngayo’y marami nang kumukutya sa kanya.

Memes here and there, everywhere. Millions of nasty written and verbal comments about her, about what she remembers, about what she tries and tries to forget.

Yung ngiti ni Mayora sa video at litrato, dati’y nakapagpapapintura ng libo-libong salita. Wari salita ng katapatan, kabaitan, katalinuhan, kagandaang panloob at panlabas. Mas kabigha-bighani kumpara sa ibang Pilipinang hindi lumahok sa eleksyong pambayan, maliban kila Kapitan.

Mahirap bang husgahan ang tao? Eh puro na nga red flag. Kaaabang abang na nga ang mga susunod niyang di-malilimutang pahayag, di-matanda-tandaang personal at napakapangunahing detalye ng kanyang buhay bilang anak ng kanyang nanay at tatay, bilang kapatid ng kanyang (mga) kapatid, bilang mag-aaral ng kanyang (mga) guro, at ang bilang ng kanyang taon ng pamamalagi sa Pilipinas at/o sa labas ng bansa. Birth certificate niya, balot din ng hiwaga. Saan ka pa? Bakit late registration?

Mahirap bang husgahan ang tao? Kung taong gobyerno, malaya tayong maging mausisa, magtanong, magpahayag ng sariling pananaw. Basta ba huwag palamura at huwag palahusgang wala namang pruweba. Ang pagtatanong, kung nakaangkla sa inaasahang serbisyo-publiko, ay bahagi ng karapatang ginagarantiyahan ng Saligang Batas. Ang pagtatanong ay may karampatang pagsagot. Napakapayak ng proseso. Subukan ang sarili kung takot mag-usisa sa anak na pagala-gala, baka huli na ang lahat at hindi na kayo muling magkita. Huwag naman sana. Subukang magturo sa silid-aralan na may code of silence ang mga estudyanteng napapariwara at walang pinapasang assignment. Napakanormal na magtanong sa klase.

Ibang usapan kung pribadong indibidwal ang inuusisa. Ang subject o pinag-usapan sa kritisimo ay may hawak ng hiram na kapangyarihan. Ilang opisyal din ng lokal na pamahalaan ang nasa ilalim niya bilang pinuno ng bayan. Sinuswerte. Kung nagpursige lang siya sa POGO at anupaman basta para sa ekonomiya sa abot ng kanyang makakaya bilang isang pribadong indibidwal, marapat lang na magdahan-dahan ang mga kritiko. Ngunit isa siyang opisyal ng pamahalaan. Pinasusuwledo siya ng pinaghihirapang pera ng mga nagbabayad ng buwis. Parating tamang sabihin at ipaalala, “Public office is a public trust.” Kung may alinlangang apektado ang tiwala ng publiko, hindi lang nagiging karapatan ang pagtatanong, pag-uusisa, o paglalahad ng sentimyento, kundi nagiging obligasyon pa nga ito ng isang mulat na mamamayan. Mamamayang may pakialam.

Simpleng pamumuhay sa farm nga ba? Bakit may sports utility vehicles, pick-up trucks, dump trucks? Naiulat din ng mga lokal na mamamahayag na McLaren ang sports car niya, merong chopper, at hindi lang isa kundi maraming negosyo. Insulto sa intelihensyang Pinoy ang nauna nang pagpapakilalang isa siyang simple at mapagkumbabang Pilipina.

Hindi basta-basta at agad-agad na nahuhugot ang pagtitiwala sa mga opisyal kagaya ng kay Mayor Alice Leal Guo ng Bayan ng Bamban, Lalawigan ng Tarlac. Bagamat respeto iyon, hindi dapat maapektuhan ang respeto sa pagkamamamayan. May pagbabalanse. Mas katakutan natin kung wala na tayong panahong magtanong. Pangarapin natin ang panahong kaaya-aya sa mga anak natin at sa kanilang magiging mga anak. O baka nama’y gusto nating matanong: “Nanay/tatay/lolo/lola/tito/tita/kaibigan/kakilala/kababayan, bayan pa ba natin ito? Ito na ba ang panahon ng pagtatanggol sa pagsasaprobinsya ng Tsina? Puro na red flag, babalewalain pa ba natin? Ibinabandera na ba natin ang watawat na puti? Mukha namang hindi. Salamat sa kritikal na pag-iisip ng marami sa atin. Kabataan, may pag-asa pa.

Sige lang. Tanong lang.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.