Mahigit 300 voting machines, nagkaaberya

0
40

MAYNILA. Umabot sa 311 automated counting machines (ACMs) ang iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na nagkaaberya sa kasagsagan ng midterm elections noong Mayo 12, ayon sa pahayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa isang pulong balitaan kagabi.

Bagamat ikinabahala ng ilan ang naturang aberya, tiniyak ni Garcia na mas mababa ito kumpara sa humigit-kumulang 2,500 machines na pumalya noong 2022 presidential elections.

Kabilang sa mga karaniwang naging problema ng mga makina ay ang hindi pagtanggap o pag-reject ng mga balota. Naobserbahan din ang mga isyu sa takip ng makina, scanner, screen, at iba pang bahagi ng ACMs.

Tungkol naman sa ilang ulat ng hindi umano pagtutugma ng mga resibo sa aktuwal na balotang pinunan ng mga botante, nilinaw ni Garcia na wala pa silang sapat na batayan para kumpirmahin ang mga ito.

Ayon kay Garcia, “Napakalaki ng posibilidad na nakalimutan lamang ng mga botante kung sino ang ibinoto nila o di kaya ay nagkamali ang mga ito sa pagboto sa kanilang balota.”

Gayunpaman, tiniyak ng Comelec na kaagad na napalitan ang mga pumalyang makina upang hindi maantala ang proseso ng pagboto. Aniya, “16,000 ang contingency natin. In fact nung 2022, umaga pa lang 2,500 na makina na ang pinapalitan. Of course, mga lumang makina ‘yan. Ang sa amin preventive measure, kahit ‘di pa sira ang makina pero nagpapakita na ng indication, pinu-pull out na agad.”

Dagdag pa ni Garcia, wala ni isang kaso ng failure of elections na naitala sa anumang bahagi ng bansa. “Wala po tayong failure of elections whatsoever,” giit niya. “Lahat naman po ay nag-function.”

Pinasalamatan rin ni Garcia ang lahat ng kawani ng Comelec sa matagumpay na pagdaraos ng 2025 National and Local Elections (NLE).

Pinaliwanag din niya ang kahulugan ng failure of elections, na aniya ay nangyayari lamang kapag hindi nakarating ang mga election paraphernalia, hindi dumating ang mga guro na magsisilbing electoral board, at nauwi ito sa kabiguang maisagawa ang aktwal na halalan.

Samantala, nanawagan si Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas sa Comelec na isaalang-alang ang paggamit ng manual ballot counting sa lahat ng mga presinto sa bansa. Ito ay upang matiyak umano ang kredibilidad ng resulta ng eleksyon, lalo na sa harap ng mga ulat ng aberya sa mga makina.

Ipinunto rin ni Brosas ang paggamit ng bersyon 3.5 ng ACM software sa isinagawang Final Testing and Sealing (FTS) sa halip na ang mas ligtas at sertipikadong bersyon 3.4 na dumaan na sa local source code review at pagsusuri ng isang international third party.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.