Sa isa sanang debate na nauwi sa magkahiwalay na panayam pero tinutukan nang husto ng buong mundo bago ang snap election noong Pebrero 1986, merong dalawang quotable quotes na maaaring makatulong sa paggawa ng konklusyon kung gaano katatag o kahina ang isang kandidato sa pagkapangulo. Unang pahayag: “Filipinos are not known to be good losers. There are always sour grape losers. They never concede. But in this particular matter, Ted (Koppel, ABC News Nightline), I am so certain of victory.” Isusunod natin ang pangalawang pahayag maya-maya.
Ang tinutukoy na siguradong mananalo bilang pangulo ay si Ferdinand Marcos Sr. at kung sino ang may sabi: siya rin. Maghunos-dili sa konklusyon dahil si Cory Aquino nama’y ganoon din ang wika na mananalo sila sa hanay ng oposisyon laban sa pagpapatuloy ng 20 taong pamamalagi sa Malacañan Palace ni Marcos. Walang karanasan sa kung anumang pamumuno at walang kamalay-malay sa lideratong pulitikal ngunit kinalauna’y tumindig para sa bansa nang mapaslang ng rehimen ang asawang si opposition leader Ninoy Aquino, sinabi ni Cory na wala rin siyang karanasang magpapatay ng tao, mangurakot, at mang-abuso sa kapangyarihan.
Parehong nanumpa bilang pangulo sina Cory at Marcos, ngunit parang himala ang biglang sumunod na pangyayari: “Hindi Paoay kundi Hawaii” (isang biro-biro na tumutukoy sa maling dinig ng piloto) ang nilapagan ng eroplano ng bagong bagong nanumpang pangulong Marcos. The rest is history: Kalahating dekada ng pagkapangulo ni Cory ang tumapos sa dalawang dekada ng kay Marcos. Tig kakalahating dekada rin ang pag-upo ng mga sumunod na presidente maliban kay Erap na umupo lamang ng dalawang taon at pinalitan agad ng bise presidente bilang resulta ng EDSA Dos.
Sa isa sa dalawang pahayag ni Marcos tungkol sa umano’y hindi pala-concede o hindi pala-tanggap ng pagkatalo ang mga Pilipino sa kanyang kapanahunan, wala tayong magagawa kung iba ang kaalaman niya sa kaalaman natin dahil ang “kagandahan ay nasa tumitingin” at “may kanya-kanyang paningin” ang mga tao, maging mga hayop. Nalalakihan ang langgam sa ipis, pero naliliitan naman ang elepante. Subalit sa panibagong panahon ng pamamalakad sa bansa matapos ang diktaduryang Marcos, hindi naman magkakaiba ang tingin natin sa mga talunan sa eleksyon. Nagko-concede o tumatanggap ng pagkatalo ang mga kandidato. Taas-noo kahit talo. Iyan tayo, diba? Nakapaglalaan pa nga ng banner story sa mga pahayagan at unang hirit sa news broadcast ang pagtanggap ng pagkatalo ng maraming presidential at vice presidential candidates, gayundin ang mga talunan sa lokal na posisyon sa kapitolyo man, munisipyo, o city hall.
Sa pagko-concede, nariyan ang pakikipagkamay ng natalo sa nanalo at kung anupa mang gesture o galaw. Mas nakikita natin ang magandang eksenang ganito sa larangan ng palakasan, kaya taas-noo rin ang mga koponan ng basketbol na mina-manage ko noon, hindi lang ako, kahit talunan (bagamat minsan na rin kaming nagkampeon). Sa highly contested elections, ang pagko-concede ay kalimitang nadadaan sa mga statement o pahayag, dalawang halimbawa nito’y “Digong, I wish you success” ni Mar Roxas at kay Chiz Escudero nama’y ganito: “Buong pagpapakumbaba kong tinatanggap ang resulta ng halalang ito. Binabati ko si Mayor Rodrigo Duterte at ang sinumang mananalo sa pagka-pangalawang pangulo. Pero syempre gusto ko ring manalo ang aking kababayan.” Agad namang nababalitaan ang pagko-concede sa tri-media noon at sa social media sa makabagong panahon.
May mangilang-ngilang hindi basta-basta tumatanggap ng kabiguan sa kanilang kandidatura at umaabot pa nga minsan sa pagsasampa ng kaso para masabing sila’y nadaya o may sabotahe ng halalan. Doon ko naalala ang unang pahayag sa unang talata. Ganoon din yata ang lohikang pinairal ni Marcos Jr nang matalo siya noong 2016 na nagbunga naman ng dagdag-swerte para kay Vice President Leni Robredo sa kanyang “pangatlong pagkapanalo.” (Guiang, 2021)
Tinalo ni VP Leni ang anak ng diktador una sa eleksyon, pangalawa sa recount, at pangatlo sa desisyon ng Korte Suprema. Isang babae ang nanindigan laban sa isang Marcos noong 1986, at naulit ito matapos ang 30 taon.
Sino ang mag-aakalang isa pala sa tinutukoy ng ama na “not good loser”, “sour grape loser”, and “never conceding” ang kanyang Jr? Mahirap tuloy mag-conclude o tapusin ang usapin na sa ganyan nakikilala ang mga Pilipino. Isa pang pagkakaparehas ng Sr sa Jr: natitiyak daw nila ang pagkapanalo.
Sa pangalawang quotable quote sa yumaong diktador, natanong siya ni Ted Koppel na papaano naman daw kung matalo siya ni Cory Aquino. Ang tugon ni Marcos: “I have never thought of it (losing) but, certainly, if there is no question which nullifies the results of the election, as I said I will perform my duty as president in accordance with law.” Isa itong sagot na kalkulado at maingat. Magka gayunman, walang dudang konektado ito sa kung ano ang kinikilos at sinasabi ni Marcos Jr. Samantala, ang hindi pagko-concede o pagtanggap ng pagkatalo ng siyam niyang katunggali ay hindi natin nakikita. Si Marcos Jr. lang kasi ang may ganyang karanasan sa kanilang sampu.
Kilalanin ang sarili. Good loser ka ba? Baka ang napipisil mo sa Mayo, hindi. Mangamba.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.