Ang barangay at ang makabagong kaisipan sa paglilingkod

0
800

Sa pinakahuling tala ng Commission on Elections, 67,839,851 rehistradong botanteng hindi bababa sa 18 taong gulang ang maaaring bumoto sa barangay elections, habang 23,254,958 na rehistradong botante na 15 hanggang 30 taong gulang ang maaaring bumoto sa Sangguniang Kabataan elections. Ibig sabihin, 21,420,550 rehistradong botante na 18 hanggang 30 taong gulang ang maaaring bumoto kapwa sa barangay at SK elections. Meron lamang 1,834,408 rehistradong botante na nasa edad 15 hanggang 17 taong gulang ang maaaring bumoto sa SK elections. Binibilang natin ang mga katungkulang pupunan sa proseso ng halalan, ngunit marapat ding ibilang ang mga sarili sa mga naturang tungkulin.

Kung panahon ng “epal,” panahon din ng masusing pagmamasid sa takbo ng pamamahala ng may 42,001 barangay na nagsisilbing pinakamaliit na yunit pampulitika.

Bawat barangay ay maghahalal ng isang barangay kapitan at pitong miyembro ng barangay council, at isang SK chairperson at pitong SK council members. Gaya ng pagkakasalansan ng mga kapangyarihang maliliit at papalaki – mga kagawad, SK chairperson at mga punong barangay – pinalalakas din ng mga mamamayan ang kanilang kapangyarihan sa kanilang matalino at tapat na pagdedesisyon kung sino-sino nga ba ang pahihintulutan nilang mamuno.

Hindi tulad sa national elections, halos magkakakilala ang mga botante at mga aspirante sa pamahalaang barangay. Marami na silang pinagdaanang karanasan sa pagsasamahan o di-pagkikibuan, sa pagmamahalan o pagsisiraan, sa pagtutulungan o pagbabalewalaan. Merong kaaya-ayang istorya ng tagumpay ng tapat na pamamahala, ngunit lamang ang mga naratibo ng magulong pamamahala. Normal ito sa demokrasya. ika nga ng isang dating pinuno ng bansa bago tayo makalasap ng tunay na pagsasariling bansa (basa: kasarinlan) lagpas kalahating siglo na ang lumipas, mas ninanais pa raw nating pamahalaan tayo ng mga abusadong Pilipino kaysa ng mga dayuhan. Nakapaloob din kasi sa soberanya natin ang pumabor sa kapwa Pilipino, bukod sa magiging katawa-tawa naman tayo kung patuloy tayong magpapaalipin sa mga nagpapakilalang lahing matatalino at progresibo pero ang tunay na motibo’y pagpapalawak lamang ng teritoryo ng kanilang mga bansa. Medyo matagal-tagal na rin ang panawagan sa paglalansag ng imperyalismo at mas nangingibabaw na rin ang pagpapahalaga sa dekolonisasyon.

Ngayong establisado na ang halaga ng “sariling bansa, sariling panunungkulan,” napapanahon na ang pagbibigay ng sapat na oras sa pag-aaral sa mga lokal na pamahalaan (pambarangay, city/municipal, at panlalawigan). Kung bottom-up approach ang paiiralin, magandang simulain iyon dahil tunay ngang mas malakas ang panawagan sa barangay kaysa sa Malacanang o sa Kongreso. Pinalalapit ang serbisyo sa tao sa tuwing kagyat at epektibo ang pamahalaang barangay.

Heto ang dapat nating pagsumikapang unti-untiing lansagin sa barangay: dumi sa pulitika at sa kapaligiran (i-excuse na lang natin ang award-winning “clean-and-green barangays” o mga naturingang “cleanest barangays” pa nga).

Maruming pulitika ang nagpapasadsad sa ekonomiya. Archipelagic ang bansa pero “walastik” sa pagkakampi-kampi. Mabuti sana kung kampihan ng kaayusan, katarungan at kaunlaran; sa halip, kampihan sa kalokohan, korupsyon, kamangmangan.

Hangad natin ang kapitan na magmamanibela ng kinabukasan ng barangay, at walang kupitan sa development and related funds. Hangad natin ang mga sanggunian na tunay na may nalalaman at may napatunayang may karanasang makipagkaisa at magbigay ng tamang sangguni sa puno. Wala sa kanila ang pasimuno ng gulo at nagpapalagpas ng kriminalidad; bagkus, may dignidad at pinahahalagahan ang konstitusyonal na konseptong “may pagtitiwala sa publiko ang pampublikong tanggapan”, sa halip na sirain ang ganoong pagtitiwala.

Kung may inaasahan sa mga pinuno, umaasa naman ang Diyos sa kooperasyon ng mga nasasakupan. Ulitin natin: Inaasahan ng Diyos na pahahalagahan ng tao ang ipinamahaging kapangyarihan. Kung alam ng tao na madi-disappoint ang Pinakamakapangyarihang Diyos sa pagsunod sa maling gawi ng ini-appoint Niyang barangay/barangay officials gamit ang kapangyarihang hiram, may balik sa atin iyon.

Malaki ang pagkukulang natin, at deka-dekada na lamang na iniintindi ng political scientists sa Pilipinas, ang kritikal na usapin ng pagkamamamayan. Abala ang tao sa sariling pamamahay, ikinatutuwa ang katahimikan o pagsasawalang-kibo, at sa huli’y mararamdaman ang pagkukulang ng mga pinuno. Hanggang sa ang pagkukulang ay nanganganak ng magkakasunod na pagkukulang at ang mga pagkukulang ay nauuwi sa tahasang pang-aabuso sa kapangyarihan.

Sa hanay ng mga mauunlad na barangay, inaasahang magiging kaakibat sila sa pambansang progreso. Sila naman ang nakaaalam ng kanayunan na dapat nilang tulungan, kaya marapat lamang na pangunahan nila ang pagpapaunlad ng iba pang mga barangay habang napananatili nila ang kaunlaran ng sarili nilang matulunging barangay. Halimbawa, hindi na umuubra ang kilos-barrio sa mga gated subdivision. Makaiiging may matataas na pinag-aralan at innovators (mga maaambisyon) ang mga pinuno ng mga sagana at nakaaangat sa buhay na mga komunidad. Kapag hindi, baka mga sarili lang ang kanilang natutulungan.

Ang dumi sa paligid naman ay malawak na usapin din. Kailangan ang tapat na pamumuno at political will upang maiwasan ang pagtataksil sa integrity of creation dahil baka ang creek ay binenta na sa geek. Baka ang dagat ay dagat na ng basura sa di-pagtalima sa mga environmental laws at mga adbokasiya sa bantay-lawa at bantay-dagat. Baka ang sweldo sa barangay ay part-time na kita na lamang dahil nagiging tau-tauhan ng mga pasaway na mga pabrika.

Kung babaguhin at palalawakin ang isipan patungo sa modernong paglilingkod mapa-barangay o buong bansa, mas mapagtitibay pa natin ang tiwala sa mga gumagamit ng hiram na kapangyarihan.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.