Ang basura ay ‘di biro

0
1157

Sa pagharap ng mundo sa mabigat na health crisis, sana ay hindi natin nakakaligtaan ang malaking problema ng mundo sa basura.

Ang basura ay isyu sa bawat bansa, region,lalawigan, lunsod, bayan at maging sa bawat tahanan. Kada bahay ay nakakapag generate ng average na 2 sako ng basura kada linggo. Kaya kung ang isang barangay ay may 200 pamilya, 400 na sako ito kada linggo. Hindi biro ang bultong ito ng basura kung pagsasama samahin ang basura ng 80 barangay dito sa aming lungsod ng San Pablo. Ang buong mundo ay nagtatapon ng hindi bababa sa 3.5 milyong tonelada ng plastik at iba pang solid waste bawat araw, 10 beses ang dami kaysa noong nakaraang siglo.

Matagal ng naituro sa atin na ang maling pagtatapon ng basura ay lubhang nakasasama sa kalikasan. Ang ating pamahalaan, national at local ay may mga programa sa solid waste management at waste segregation. Sa kabila nito, nananatili pa ring suliranin ang basura sa maraming lugar sa ating bansa. Maitatanong natin sa ating sarili kung sino ang dapat sisihin.

Sa linggong ito ay magbabalik-aral tayo sa tamang pagtatapon ng basura. At marahil ay magdagdag tayo ng ibayo pang pagsisikap upang mapagtagumpayan natin ang laban ng mundo sa mga problemang dulot basura at higit sa lahat ay makatulong tayo sa pangangalaga sa kalikasan.

Dito sa aming sa bukid, ang mga fish scraps na hasang, ulo, kaliskis at bituka ng isda ay ginagawa naming Fermented Fish Fertilizer. Ang mga iba pang nabubulok na basura ay inilalagay namin sa composting pit.  Ang mga bunot, pinaputulan ng kawayan ay ginigiling namin sa shredding machine upang magamit na soil medium. Ang mga tuyong tangkay ng puno ay iniipon namin para sa panggatong. Ang mga ipot ng manok, at dumi ng rabbit ay ginagawa naman naming vermi compost. 

Kahit ang ating lote o bakuran ay maliit lamang, pwede tayong gumawa ng ipunan ng mga basurang nabubulok sa malalaking paso. Tuwing maglalagay ng nabubulok na basura ay tabunan lang natin ng lupa sa ibabaw. Pagkaraan ng ilang buwan, ang compost pot na may matabang lupa ay pwede na nating taniman ng gulay o ornamental plants.

Ang mga junk shop ay instrumento sa solid waste management. Ang mga plastic, bote at papel ay ihiwalay natin at ipagbili sa junk shop. Sa aming kapitbahayan ay mayroon kaming Okne Junk Shop na bumibili ng  aming mga basura. Binibili din nila used oil o mantika na hindi na pwedeng gamitin sa pagpipirito. Malaking tulong sa aming araw araw na solid waste management ang junk shop na ito kaya’t sasamantalahin ko na ang pagkakataong ito upang pasalamatan si Shiela Calvero Cordero ng Okne Junk Shop.

Sa hardin namin ni Myrna ay mayroon kaming upuan na yari sa plastic na basura. Ingat na ingat namin ito dahil bigay ito ni Senator Villar. Nagsisilbi itong inspirasyon sa amin bilang mga recyclers.

Ngayong panahon ng pandemya ay limitado ang ating paglabas. Dahil dito ay marami tayong bakanteng oras. Pwede nating iukol ang kaunti nating panahon sa pag aaral at pagsisimula ng seryosong management ng ating mga basura. Hanapin natin ang mga pakinabang sa mga bagay na itatapon na. Hindi lang tayo makakatipid at kikita sa basura, makakatulong pa tayo sa pangangalaga sa kalikasan at sa nag iisang mundo natin.

Word of the week

Do not be conformed to this world, but be transformed by the renewal of your mind, that by testing you may discern what is the will of God, what is good and acceptable and perfect. – Romans 12:2

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.