Ang Hydrophonics farm na itinatag ng pandemya

0
490

Patuloy pa ring isinasalaysay ang mga kwentong naganap sa panahon ng pandemya.  Iba’t iba ang istorya na naranasan sa buong mundo tungkol sa kung paano hinagupit nito sa ating mga hanapbuhay at kabuhayan. Sari sari ang epekto nito mula sa mga nakakariwasa hanggang sa pinakamaliit natin mga kababayan na tunay na damang dama. Wala nga talagang pinipili ang pandemic. Maging ano man ang katayuan mo sa buhay, apektado ka. 

Hayaan nyong ilahad ko sa inyo ang isang kakaibang kwento. Isang kwento ng tagumpay na bunsod ng pandemya. Hayaan ninyong ipakilala ko ang isang kaibigan ni Myrna at ng aking anak na si Eph. Walang iba kundi ang popular at kilala sa larangan ng visual arts na si Julius Legaspi. Si Julius ay tubong Marilao, Bulacan. Bagaman at may dugong magsasaka, wala siyang exposure sa pagsasaka dahil hindi ito ang hilig nya. 

Sya ay nagtapos ng Fine Arts major sa painting (studio arts) sa UP Diliman. Dahil sa husay ng kanyang mga kamay hindi nakakapagtaka kung bakit sya ay napunta sa animation industry kung saan ay client niya ang Disney at Universal Pictures. Halos kalahati ng buhay niya ay ginugol niya dito hanggang maisipan nya na bumalik ulit sa kanyang first love – ang pagpipinta. 

Bago mag pandemic ay may 200 sq meters na lugar siyang inupahan. Ang 120 sq. meters ay painting studio at ang nalalabing 80 sq. meters ay ginawa niyang taniman. Noong 2019 ay may maliit na setup na siya ng  hydroponics na kangkong lang ang tanim. Pero ayon sa kanya ay out of curiosity at hobby lamang iyon. Sa mga oras na wala siyang ginagawa ay nagyu- Youtube siya hanggang sa nakita niya nga at na-appreciate niya ang idea ng hydroponics. Kaya’t sinimulan niya ito. 

Sa patuloy na pagsasalaysay niya, noong pumutok ang pandemic at nagkaroon ng lockdown noong March 16, 2020 na bawal lumabas kaya tumamlay ang art scene, walang art exhibition at nahinto din ang mga painting workshops na  source of income nya. 

Bagama’t noong una ay may ayuda naman galing sa local government pero ito ay nawala din agad. Noon siya nagdesisyon na mag focus sa hydroponics kahit para sa personal consumption man lang. 

Ang tanging hangad niya noon ay makapag produce ng sariling pagkain para sa pamilya kung hindi sya makakapag generate ng income lalo na noong mga panahon na iyon na limitado lamang ang pwedeng lumabas. 

Sa buong panahon ng pandemic ay naroon lamang siya sa kanyang maliit na rented studio. Doon niya nakita ang opportunity sa hydroponics na kahit paano ay nagkaroon ng income. Sa patuloy na pag aaral niya sa youtube ay nakapag produce siya ng malutong at malalaking lettuce gamit ang hydroponics technology. Kasunod nito ay nagtatag siya ng extension sa mas malaking area upang higit na mapalago pa ang kanyang hydrophonics garden. Sinakop na niya ang art studio kaya nakapag alaga din si Julius ng ibat ibang hayop gaya ng aso at mga ibon. At dito na nagsimula ang JS Legaspi Farms and Kitchen.

Malaki ang pasalamat niya dahil nakahiram ng lote na may sukat na  1,300 sq. meters doon din sa Bulacan. Sinimulan niya noong  March 2021 ang semi commercial farm kung saan nakakaproduce siya ng 1,800 heads ng lettuce sa loob ng isang buwan. Sa kasalukuyan, ang greenhouse niya na may laking 50 sq. meters lamang ay umaani ng 2,000 heads ng lettuce. Ang bentahan ng lettuce ay 30. 00 pesos per 100 gram head. 

Ayon sa karanasan ni Julius ang hydrophonics gardening ay hindi nangangailangan ng malaking espasyo. Kahit sa 1 meter x 1 meter makakaproduce na tayo ng 100 heads na lettuce. Walang problema kahit pa binabaha ang lugar dahil ito ay sinesetup ng may taas na 1 meter mula sa lupa. Hindi rin kailangan dito ng maraming trabahador. Kahit anong halaman pwedeng patubuin sa sistemang hydroponics. 

Ang isang drum na tubig ay tumatagal ng 2 weeks. Hindi katulad ng halaman nakatanim sa lupa na isang drum ay isang araw lamang na pandilig. 

Ayon kay Julius ay hindi na issue kung maliit yun lugar dahil dito ay naisip nya ang isang ‘what if.’ What if kung bawat family sa isang community ay may ganitong hydroponic set up. Kung mangyayari ito, sabi ni Julius ay wala ng dahilan para magutom ang ating pamilya. Kung ang mga likod ng barangay hall iko- convert sa isang community garden ay napakaganda talaga dahil ito ay sustainable. 

Naniniwala si Julius na darating ang panahon na wala tayong maaasahan kundi ang ating mga sariling diskarte. Likas sa mga PInoy ang pagiging maparaan. Kung paiiralin lamang ang galing sa diskarte ay solved ang problema sa gutom. 

Si Julius ay isang halimbawa ng madiskarteng Pinoy na dapat tularan. Nawa ay lumaki pa ang kanyang hydroponics garden at sana ay patuloy niyang maibahagi niya sa atin ang naipon niyang kaalam tungkol dito.

Ang JS Legaspi Farms and Kitchen ay isang huwarang agri business endeavor. Pasyalan natin si Julis at tikman natin ang kanyang mga pesticide free harvests sa kanyang Facebook page sa link na ito: https://tinyurl.com/yc4m2pfc

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.