Anong meron sa miron? Kahit may tsismis, may kasaysayan pa rin

0
518

Sa pangkalahatan, mahirap pagkatiwalaan ang tsismis. Merong inspirado sa tsismis, pero sa tsismis din bumabagsak, nalulugi, nasasaktan, nasisira. Sa mga bagong sibol na peryodista at historyador, hindi ko sinasabing balewalain ang mga Marites (Mare, ito ang latest). Ang kasaysayan naman ang magbibigay ng saysay sa bawat sanaysay at kabanata ng pag-iiwanan nating henerasyon. Ang hamon ng panahon: pagkatuto sa kasaysayan, hindi sa tsismis.

Kagatin natin ang huling tsismis: Maraming nagsasabing hindi lang si Ella Cruz ang naniniwala na ang kasaysayan ay “parang tsismis.” Ang hatol ko: Hindi totoo. Hindi tsismis at hindi parang tsismis ang kasaysayan.

Pakinggan pa natin ang batang artista. “Hindi ko naman sinabi na history is tsismis tapos diyan nalang sila nag-focus, hindi na sa paliwanag.” Ayon pa kay Ella, kaharap ang isang senadora, ibinigay lamang daw niya ang kanyang opinyon bilang isang mag-aaral at artista, hindi bilang mananalaysay o historyador. “Isa pa, hindi ko naman sinabi na matalino ako. Hindi rin naman ako nagmamagaling. Pero Sen, nagbabasa naman ako ‘no. Nag-aaral naman ako… At totoo naman na ang kasaysayan ay tsismis na napatunayan dahil sa ebidensya at sa research.”

Sa harap ng camera, nagpakita ng suporta ang isa’t isa patungkol sa kanilang “kasaysayan.” Nakalulungkot dahil lito na ang bata, suportado pa siya ng nakatatandang senadora. Umani ng suporta mula sa netizens ang artista, ngunit marami ring nainis pati na ang inaakala niyang susuportang mga kapwa artista.

Kasamang mariing tumututol sa pinakawalang kuru-kuro si Gizelle Tongi, isang dating aktres at VJ. “Actors don’t need to justify the villainy of their roles. I would (heart emoji) to share with you how at 8 years old in 1986, I marched to the streets, along with countless others who (are) part of a history you are dismissing as (hearsay),” ani G Tongi na nakabatay sa Amerika. Matutunghayan ang tweet na ito sa account ni Ella dahil naka-tag siya. “Wag ‘nak! It feels like erasure. ‘Di tama!” dagdag pa ni G Tongi.

Maaaring hindi pa iyan maiintindihan ng mga kabataang tulad ni Ella, ngunit kinakailangan nilang mag-mature nang maaga. Si G Tongi kasi ay nagpahayag lamang ng punto bilang pagwawasto sa kapwa aktres na nakababata. Malayo na ang narating ng karera ni G Tongi, hindi siya para mang-inis, kundi isang pagkakataon sa kanya ang magbigay ng direksyon sa bata at ilang pang nalinlang at malilinlang.

Ang “Maid in Malacañang” ay pinagbibidahan ni Ella na gumaganap bilang Irene Marcos. (Ang “A Dangerous Life” at “The Kingmaker”, baka gusto ninyo ring panoorin. Nasa Youtube din ang mga ito “for educational and historical uses only.”)

Heto naman ang masasabi ni history professor and columnist Ambeth Ocampo: “History may have bias but it is based on fact, not opinion. Real history is about truth, not lies, not fiction.” Sa kasagsagan ng usapin, sinuportahan ng akademya si Ambeth kabilang na ang magkahiwalay na pahayag ng Network in Defense of Historical Truth and Academic Freedom at ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Kasaysayan (Tanggol Kasaysayan).

Maghunos-dila ka, Ella. Ang popularidad ay pansamantala lamang. Kahit gaano karami ang pumapanig sa kung ano ang popular, mas mabisa pa rin ang pag panig sa katotohanan. Nakalilito ba? Kung gayon, huwag munang pumanig. Mag-usisa muna. Kahit may tsismis, may kasaysayan pa rin. Ang pag-alam sa kasaysayan ay isang tungkulin ng gumaganap bilang artista, estudyante, mamamayan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.