DAMARIÑAS CITY. Natagpuan ang dalawang bangkay, isa dito ay babae, sa isang construction site ng itinatayong tulay sa Brgy. San Agustin 1, lungsod na ito, na hinihinalang may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ang dalawang biktima na hindi pa nakikilala, ay natagpuang patay sa lugar. Ang lalaki ay may suot na gray jacket at shorts, habang ang babae naman ay nakaitim na jacket at may camouflage na shorts. Ang lalaki ay may taas na 5’2, samantalang ang babae naman ay may taas na 4’11.
Sa unang pagsisiyasat ng pulisya, nangyari umano ang insidente bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng ilang tenants na nakatira malapit sa Pala-Pala Bridge.
Agad na tumugon ang barangay at pulisya sa insidente. Pagdating sa lugar, natagpuan ang dalawang katawan na duguan at may mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakumpiska rin sa mga biktima ang isang cal 38 revolver, sachet ng shabu, timbangan ng droga, at iba pang kagamitang may kaugnayan sa droga.
Ang insidente ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad upang makilala ang mga biktima, matukoy ang mga suspek at ang tunay na motibo sa likod ng pamamaslang.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.