Mas mahal na ang sibuyas kaysa karne ng baka. Masaklap dahil ang sibuyas ay pangunahing sangkap ng lutuing Pilipino. Ito ang base flavor ng ulam natin araw araw. Mula sa bulanglang hanggang sa ginisa. Pati sinigang at adobo ay sinisibuyasan natin kahit pwedeng wala. Paano yan?
Kung ikaw ay kusinerong Batangueño, ala eh mapapamura ka talaga dahil hindi makakapagluto ng kalderetang Batangas na isang damakmak ang sibuyas.
Aakalain ba nating ang sibuyas ay magiging isang sakit ng ulo?
Ang bansa ay ilang buwang ng nahaharap sa nationwide na kakulangan ng sibuyas. Ang krisis sa inflation sa Pilipinas ay dito masasalamin sa super pambihira at makasaysayang mataas na presyo ng sibuyas.
Malamang ay may kinalaman din ang climate change dahil walang tigil ang ulan, taas-baba ang temperature. Ang walang tigil na malakas na ulan ay masama sa pananim na sibuyas. Pwedeng sirain ng malakas na hangin ang talbos na posibleng dahilan upang makapasok ang bakterya at fungus, ayon kay Farmer Zach Parry ng Dixondale Farms.
Noong Miyerkules, ang lokal na pulang sibuyas ay PhP 550.00 kada kilo, ayon sa Department of Agriculture. Ayon naman kay Grendel Aranguren, isang bantog na palengke goods delivery man, PhP 600 kada kilo ng sibuyas sa palengke ng San Pablo City kanina.
Samantalang ang pigi ng baka ay PhP 420 kada kilo at ang isang buong manok ay PhP 210 per kilo. Nakakabahala dahil ang mga presyo ng sibuyas sa Pilipinas ay di hamak na mas mataas sa world average mula noong Agosto.
Noong nakaraang Biyernes, pinayagan ng Department of Agriculture (DA) ang planong mag-import ng 21,060 metric tons ng sibuyas para tugunan ang pambansang kakulangan at sa pagsisikap na maibaba ang presyo.
Darating ang imported na yellow at red onion sa Enero 27, ito ang sabi ni Department of Agriculture deputy spokesman Rex Estoperez.” Pansamantalang” solusyon daw ito, ayon sa kanya.
Bukod pa dito ang pag aalis ng DA ng mga layer ng mga traders at middleman na nagpatong ng ten times sa presyo ng sibuyas.
Ang shortage ay nagsimula kahit na ang mga lokal na grower ay nakapag ani na ng 23.30 metrikong tonelada ng sibuyas sa ikatlong quarter ng 2022, mula sa 22.92 metriko tonelada sa ganito ding panahon noong 2021, ayon sa Philippines Statistics Authority.
Para sa Pilipinas, na kumukonsumo ng humigit-kumulang 17,000 metriko tonelada ng mga sibuyas sa isang buwan, ang pag-import ng mga sibuyas ay hindi bago. Dati na itong inaangkat sa China, Thailand at iba pang mga bansa sa Southeast Asia.
Ganun pa man, may mga takot na ang pag-import ng mga sibuyas ay makakaapekto sa mga lokal na onion farmers dahil naghihintay na sila ng ani sa susunod na buwan ng Pebrero hanggang Abril. Ito ang bida ni Danilo Fausto, presidente ng Philippine Chamber of Agriculture and Food.
Umaasa naman ang mga opisyal ng gobyerno na ang pag-aangkat ng sibuyas ay tutugon sa kakatwang problema ng bansa sa sibuyas sa mga susunod na buwan.
Bukas, sabi ni Grendel, ay biglang bababa sa PhP 350 kada kilo ang sibuyas. Gagana na ba ang remedyong ginawa ng DA? Malalaman yan.
Maiba ako, maya’t maya ang pangungumpiska ng Bureau of Customs ng mga smuggled na sibuyas sa mga pier. Hindi ba pwedeng puntahan ang smugglers para pagbayarin ng tamang buwis at penalty para mailabas sa merkado ang mga puslit na sibuyas? Baka sakaling mabawasan ang shortage.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.