Bakit walang paliwanag ang endorsement? Hindi acceptable ang basta ginusto lang

0
639

Kay sarap balikan ng kasaysayan. Sina Adan at Eba. Ang mabubuti at masasamang hari at lider ng mga bansa. Mga pag-aaklas at rebolusyon. Mga hamon sa digmaan, kalamidad, at pandemiya. Mga pagtuklas. Mapait man ang kasaysayan, mahalaga pa rin ang pagkamulat. Walang pagkamulat kung walang magsasabi sa katotohanan ng kasaysayan. Kung kalaban ka ng kasaysayan, babaguhin mo ang kasaysayan at kakampi mo na ang mga sinungaling. Habang binabago mo ang kasaysayan, nalilito mo ang mga tao, maliban sa mga ayaw magpaloko. May tsansang maniwala sa kasinungalingan mo ang ilan.

Mas malaking tsansa kung may pera kang pansuhol sa kasinungalingan mo at meron kang binabayarang PR firms na silang bahala para pabanguhin ang pangalan mo at siraan ang mga naninira sa iyo. Sa gayon, hindi halata na naninira ka ng tao. Kaninong formula ito? Sa ilang yumaong lider ng mga bansa. Minsang nagamit ito ni Donald Trump bukod pa sa siya mismo’y nakapaghasik ng fake news, pero nagapi rin naman siya ng katotohanan dahil sadyang merong tagapaghatid o tagasuporta ng facts, at nabigong pagtiwalaan pa rin siya ng mas nakararaming botanteng Amerikano sa pagtakbo niyang muli sa pagkapangulo. Nakagawa tuloy si Trump ng makabagong kasaysayan doon: nakaupong pangulo pero talo sa re-election.

Sa Pilipinas, talamak din ang fake news. Mahirap patunayan ang masasamang gawi sa industriya ng PR sapagkat, una, mahirap din namang lahatin; marami pa ring matitinong PR firms and practitioners. Lehitimo ang paggawa nila ng positive publicity, saka merong sinusunod ding etika para rito.

Makatutulong talaga sa pagdedesisyon ng botante kung meron silang pinanghahawakang kasaysayan dahil, gaya nga ng naituro ni Edward Augustus Freeman (1880) at nailathala sa kanyang Lectures to American Audiences (1882), ito’y dating pulitika at ang pulitika ay kasalukuyang kasaysayan. (Orihinal na pahayag: “Now the position for which I have always striven is this, that history is past politics, that politics are present history.”) Nakilala si Freeman bilang tagapagtaguyod ng kasaysayan ng England na nagbigay ng tamang diin sa pagkakaisa ng kasaysayan, at nagturo ng kahalagahan at tamang paggamit ng primary sources o mga pangunahing sanggunian. Kung merong pag-iingat ang tao sa katotohanan, maipakikita niya ito sa salita, hindi lang sa gawa. Napatunayan ito ni Freeman, samantalang sa makabagong takbo ng pulitika sa Pilipinas, napatunayan naman ni Luke Espiritu ang kahangalan ng mga pulitiko.

Ayon kay Atty. Espiritu na isa sa pinakatumatak sa isipan ng mga nakapanood ng debate niya sa kapwa senatorial candidates, meron siyang nalalamang kasaysayan. Sabi niya sa dating presidential spokesman: “I know your history. You were anti-Marcos before. You were for human rights before. You spent your life against the Marcoses. You worked for human rights, and now that you were given a Senate spot under the party of Bongbong Marcos, you cry hallelujah and praise Marcos.”

Tumugon man nang maayos ang kanyang katunggali, napabilib naman ni Atty. Espiritu ang mga manonood sa pagbangga niya sa batikang abogado/propesor sa debate. Isa pang abogado pero suspendido ang binara ni Espiritu sang-ayon sa pagtingin niya sa kung ano ang mahalagang maituro sa mga kabataan. Biglang dami ng tagasubaybay ngayon ni Atty. Espiritu sa social media. Kaya nga, sa tingin ko, mahalaga ang kasaysayan para hindi maloko sa kasalukuyan at hinaharap. Magpakita man ng suporta ang dating defense minister noong diktaduryang Marcos sa kanyang Jr, wala itong saysay. Nailalagay pa nga sa bingit ng alanganin ang reputasyon ng matanda dahil, anumang pagbabaligtad ang sabihin niya sa panayam sa kanya ni Marcos Jr, ang nagawa na ay nagawa na. Bahagi na ng kasaysayan ang aksyon at pananalita ng pagtalikod ng defense minister habang may pinag-uutos sa kanya ang matagal nang pangulo ngunit malapit nang mapatalsik ng taumbayan sa kasagsagan ng EDSA 1986. Katunayan, sabi ng Minister, “We are no longer afraid to die because enough is enough. Mr. President, I think you know that your time is up.” Napag-aralan sana ni Marcos Jr ito, maliban na lang kung talagang handa siyang makipagbolahan dito, makakuha lang ng dagdag-suporta sa kandidatura niya ngayong Mayo.

Isang pagpapatibay (validation) sa kasaysayan ng paglilingkod ang isang endorsement na may maliwanag na pagpapaliwanag para sa naghahangad na maging lider ng bansa.

Ang endorsements na natatanggap ni VP Leni Robredo ay puro malalaman. Bawat paliwanag ng endorso sa kanya ay kumakain ng dalawang pahina. Maiksi ang nagugol na oras ni Robredo sa pagiging pulitiko, pero ang kailangan lang tingnan ng endorsers ay kasaysayan ng kanyang paglilingkod sa publiko. Nakatataba ng puso ang bawat endorso sa kanya kung ikaw ang babae o isa ka sa mga babaeng anak ni 2000 Ramon Magsaysay Government Service Awardee Jesse Robredo. Ewan ko na lang kung meron ding ganoong positibong epekto ang mga natanggap na endorsement ng kalaban ng nangungunang katunggali ni VP Leni. Masyado kasing salat sa paliwanag ang pagkakaendorso o pahayag ng suporta sa kandidatura ni Marcos Jr mula sa mga pulitiko at ilang grupo na maaari na namang mauwi sa pagbaba niya sa pwesto sa surveys ilang buwan bago mag-eleksyon. Kasaysayan din ang makapagtuturo sa kanya: parang panalo pero talo noong 1995 at 2016.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.