Bawas positibo sa dami ng negatibo? Positibong pananaw pa rin dapat

0
556

Sa kasagsagan ng pandemiya, umusbong ang mas malawakang bolunterismo. Kinalaunan, sa panahon ng kampanya sa eleksyon, dumami rin ang nagpahayag ng pinagandang pamantayan sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa kasabay rin ng mas de kalidad na bolunterismo ng mga taga suporta ng mga kandidato. Ilan ito sa mga positibong kaganapan mula 2020 hanggang taong kasalukuyan. Iyon nga lamang, wala bang negatibo? Marami.

Bago natin tunguhin ang pambansang kaunlaran, tanawin natin ang pandaigdigang pag-unlad: sa isang mamamayan ng isang bansa na nakaahon sa kahirapan limang taon ang nakalilipas, meron namang 0.5 na katao ang inasahang makatatakas din sa kahirapan makalipas ang dalawang taon. Iyon ang taon ng 2019. Hindi ganoong kaganda ang takbo ng pagpapabawas ng kahirapan. May kabagalan. Maganda sana kung dalawang tao ang sasagana matapos ang dalawang taon, sa halip na 0.5. Pero ganun talaga.

Sumama ang pagtayang ito nang makaranas ng pandemiyang COVID-19 ang mundo, sa kagagawan ng (no thanks to) Wuhan, Hubei sa malaking bansa ng mga Intsik.

Para bang nakakataas ng karangalan ng mga pesimista ang pangyayari dahil sila nama’y hindi naniniwala sa umpisa pa lamang na masu-sustain ang mga gawain sa pagpapaunlad sa iba’t ibang bansa. On target sila kahit hindi nila akalaing parating ang pandemiya na maka pagpapatibay pang lalo ng kanilang pananaw – negatibong pananaw. Nakakasakit ng damdamin ito, lalo sa Africa. Hirap na hirap na ang mga mamamayan sa kontinenteng ito, sasamahan pa ng ganitong negatibong pagtanaw sa kanilang lugmok na ekonomiya ng kanilang mga bansa.

Para sa mga pesimista, nakakagaan naman sa sitwasyon – at talagang nakakadagdag sa positibong pangyayari at pananaw – ang mga imprastraktura, dagdag-buwis sa mga kumpanyang multinasyunal, at dagdag-tulong sa mga mahihirap na bansa. Sa kalusugan, edukasyon, agrikultura, proteksyon sa kalamidad, sistemang pang-enerhiya, transportasyon, tubig, patubig, at ayuda, malaki ang porsyento ng maidaragdag dito sa kabuuang kita ng bawat bansa. Idagdag pa natin sa mga positibo ang mga repormang pang katarungan at pangkapayapaan. Kaya hindi rin masamang ipagdiwang ang mga progreso sa mga natukoy na sektor.

Balik tayo sa Pilipinas. USD 361.5 billion (2020) ang ating gross domestic product (GDP) na nasa average na USD 93.65 billion mula 1960 hanggang 2020, kabilang na ang all-time high nating USD 376.70 billion noong 2019. Sa papel, lumago pa rin tayo nang bahagya sa kabila ng pandemiya (lugmok noong umpisa nito at hindi nawala ang korupsyon). Huwag nating kalimutang merong 16 na industriya at 12 expenditure components ang GDP natin sa ngayon. Paano kung ayaw mong itratong kabahagi ng industriya o salik ng produksyon ang isang bagay? Diyan lumalabas ang argumento na maaaring hindi ramdam ang pag-unlad na nairereport sa papel ng pamahalan. O kaya nama’y ayaw mong pasakop sa kung paano sinusukat ang pag-unlad natin. Kunsabagay, sa paglipas ng panahon, pabago-bago rin naman ang sukatan kaso napagdedebatehan at napagkakasunduan.

Kaya naman ang pananaw natin – kung pananaw lang – hindi dapat naaapektuhan ng mga negatibong pangyayari. Patuloy ang mga positibong pangyayari. Walang patutunguhan ang negatibong pag-iisip kundi pagkadismaya, sa halip na pagkamangha sa kung papaano tayo nabibigyan ng pagkakataon ng Diyos na magpaunlad ng ating mga sarili at bansa. Walang mararating ang mga negatibong pananaw sa ekonomiya kung hindi natin ikokondisyon ang ating kaisipan na meron tayong dapat gawin sa mga negatibong bagay. Hindi lang iniisip ang mga iyan. Gagamit at gagamit din tayo ng kalsada kahit na may putik iyan. Nasa taas man tayo, bababa pa rin tayo sa paliparan. Maglayag man tayo, hindi tayo mananatili sa tubig dahil dadaong at dadaong tayo. May alon. May putik. Ang mahalaga: May daan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.