Patuloy ang pag-aray ng mga mamimili sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Humahataw din kahit hindi pangunahin ang isang sabon – papayang natural daw – at malamang na ang itinuturong dahilan ay ang pagtaas din ng halaga ng papaya. Ang tanong: Makatwiran bang ipagkaila pa natin at sabihing wala sa 6.1 percent ang inflation rate nitong Hunyo?
Matagal din akong nakikisuyo sa statisticians ng pamahalaan bilang business reporter hanggang maging editor. Nakikisuyo dahil natural sa amin sa business beat ang follow-up sa mga istorya at sila ang masusing nagtataya ng mga numero, nagpapaalam sa publiko ng data, at nagbibigay din ng paliwanag sa mga mahahalagang impormasyong sila mismo ang nagpapakawala. Saludo ako sa mga nakasalamuha kong kawani ng pamahalaan (mula ministries na kinalauna’y departments, pati authorities). Kaya nang malaman kong ang Philippine Statistics Authority (PSA) ay nag-ulat ng 6.1 percent, ipinagpapalagay ko na itong tumpak na pagtaya sa pagtaas ng mga bilihin.
Pero heto ang sumunod na balita: Ang kauupong Pangulo’y nagwika, “6.1? I think I will have to disagree with that number. We are not that high.”
Sa komento diyan, sinabi ni National Statistician and PSA chief Claire Dennis Mapa, “The (PSA) stands by its report.”
Boom!
Habang pinag-uusapan ng masinsinan kung kalian magbu-boom sa iba’t ibang panig ng mundo ang ekonomiya, heto tayo sa tsismisan. Pero sandali, hindi tsismis ang pahayag ng hepe ng PSA. Meron itong siyentipikong proseso at pag-aanalisa mula sa mga tauhan nila. Ang pangangalap ng data ng PSA, National Economic and Development Authority (NEDA), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), tatlong tanggapang matitino sa paghahayag ng data sa aking kapanahunan (maging sa iba pang ahensya na pinako-cover sa akin ng Top 3 broadsheets sa magkakahiwalay na panahon) ay dapat may kaukulang pagpapahalaga sa pamahalaan at pribadong sektor. Sinasabi kong matitino sila dahil kung may pinalilinaw kaming mga kagawad ng tri-media, natutugunan naman nila. Kung pangit ang impormasyon, wala naman kaming magagawa; sumasalamin lang naman ang aming mga ulat sa kung ano ang meron sa lipunan.
Maling anggulo ang tinututukan? Hindi rin. Sa dami namin, at nariyan din ang mga tagapag pahayag mula mismo sa PTV, PNA, OPS/PIA, pati communication and press secretaries ng pamahalaan, matalinong pasya sa mga mambabasa, tagapakinig, at mga tagapagsaliksik ang pagkalap ng totality ng lahat ng mga report, kaya tapos ang problema sa anggulo. Ang salamin bang hawak ng media ay dapat pang pakaisiping kakaiba? Huwag palabuin, malinaw ang bawat salamin. Kami pa ba sa tri-media noon ang magnanais ng malabong salamin (magbasa muli: salamin ng lipunan)?
Palpak ang unang Cabinet meeting kamakailan? Hindi. Sa katunayan, maraming positibo, mahusay, at madiskarteng panimula ng mga usapin. Pero kung bakit kailangang ang maayos na pag-uulat ng 6.1 percent na inflation rate ng PSA ay sasalungatin mismo sa Malacañang, wala akong nakikitang magandang dahilan. Makikita sa mga video na ilang hakbang lang ang layo ng bagong press secretary pero iyon ang narinig ng madla mula sa mikropono ng kanyang boss. Sa pananaw ko, mahalagang tanawin na malaking utang na loob na meron tayong civil servants sa ilalim ng Civil Service Commission (CSC) dahil padalang ng padalang ang servants natin mula sa elected positions. Marami sa CSC servants, kakaiba ang kasanayan, pinanday ng mga karanasan sa loob at labas ng bansa. Tapos sa ganoon tayo magsisimula? Baliktad. Tanggapin natin ang mga ulat pang-ekonomiya mismo ng mga ahensya ng pamahalaan, tanggapin din ang constructive criticisms mula rito, at subukang pagandahin ang sitwasyon.
Kung pangit ang palitan ng impormasyong pinalalabas sa publiko mismo ng mga nasa pamahalaan, tayo pa ba sa publiko ang aayos ng gusot nila? Nagsasabon tayo. Sila rin naman, diba? Kailangan nating tutukan ang 6.1 percent dahil hindi sinasabon ang inflation rate.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.