Dalagita, ginahasa na pinatay pa

0
1384

Trece Martires City, Cavite. Wala ng buhay at walang saplot na pang ibaba ng matagpuan ang bangkay ng isang 16 anyos na dalagitang estudyante matapos gahasain at patayin sa ilalim ng tulay ng lasing na suspek noong Lunes, Setyembre 12 sa Brgy. Cabuco sa lungsod na ito.

Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Elden Alegria, 33 anyos, construction worker, tubong Talisay, Negros Occidental at residente Brgy. Cabuco, Trece Martires City, Cavite.

Batay sa report ng Trece Martires City Police Station, natagpuan ang bangkay ng biktima sa ilalim ng Forever Bridge Sunshine Ville Subdivision sa naturang lungsod.

Narekober ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang isang folding knife, pulang sumbrero, pink na face towel, isang pares ng tsinelas na may bahid ng dugo at asul na briefs.

Positibong kinilala ng live-in partner ng suspek na si Imelda Aberilla, 46 anyos ang mga gamit na natagpuan sa lugar ay pag-aari nga ni Alegria.

Sa salaysay ni Aberilla, bago ang krimen ay nag away sila ng suspek hanggang sa umalis ito ng bahay at nakipag inuman malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon naman ng ama ng biktima na hindi pinangalanan, hindi nagpaalam sa kanya ang anak kung saan ito pupunta ng umalis ng kanilang bahay noong Linggo pasado 10:00 ng gabi hanggang sa hindi na ito nakauwi kinabukasan.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na may kadiliman ang lugar at posibleng napadaan ang biktima at nakita ito ng suspek at siya ay napagtripan.

Ayon kay Cavite Provincial Police Office, OIC Col. Christopher Olazo, may posibilidad na ginahasa ang biktima dahil nakababa ang pang ibabang kasuotan nito nang matagpuan ang kanyang bangkay.

Nanawagan naman si Olazo sa publiko na nakakakilala sa suspek na agad makipag ugnayan sa pulisya kung makikita ang suspek upang papanagutin sa karumal dumal na krimen na kanyang isinagawa.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.