Ipinagdiriwang ng mga pamayanan ng mga Filipino-Chinese na mas kilala sa katawagang Tsinoy o Tsinong Pilipino ang Chinese Lunar New Year taon-taon na may mga parada sa mga Chinatown. Sa Binondo nitong Biyernes, Pebrero 9, tampok ang magarbong fireworks display. Tamang-tama, dagsa ang tao sa pinagandang paligid ng Jones Bridge at nasunog na lumang gusali ng Post Office. Nasaksihan ko ito at ng aking mag-iina, at makailang beses na ring tinutukan veinticuatro horas ng GMA news team sa pangunguna ni Katrina Son (siya lang ang aking nakita sa dami ng tao) at iba pang mga tagapagbalita, pati vloggers. Pinakamatanda sa lahat ng mga Chinatown sa mundo ang Binondo na itinatag noong 1594 at makailang beses nabanggit mismo ni Pambansang Bayani Dr. Jose Rizal ang makasaysayang distritong ito ng Maynila sa kanyang mga nobela kagaya ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Maidagdag ko lang para sa mga mambabasa mula sa Laguna na noong 1639, lugar ng paghihimagsik ng mga magsasakang Chinese ang Calamba. Sapilitang pinatira sila doon ni Gobernador Sebastián Hurtado de Corcuera. Lumaganap ang paghihimagsik sa hilaga ng Ilog Pasig at kalauna’y nagtapos sa pagkamatay ng mahigit 20,000 Chinese sa buong rehiyon na nakapalibot sa Maynila.
Malalim ang pag-uunawaan ng Tsina at Pilipinas, at ng mga mamamayan ng dalawang magkalapit na bansa. Kaya marami pa ring umaasa at nananalanging magkakaayos ang dalawang pamahalaan sa kabila ng lumalalang sigalot sa teritoryo sa may bandang West Philippine Sea.
Magdahan-dahan nawa ang mga Pilipino at huwag naising makipag digmaan sa Tsina kahit pa walang pakundangan ang superpower sa paglabag sa arbitral ruling noong Hulyo 12, 2016 na nagbasura sa nine-dash claim ng Tsina sa South China Sea na pumabor naman sa Pilipinas.
Gayunman, maigi pa rin sa mga Pilipino ang may alam sa kalakaran ngayon sa labas ng bansa. Nananatili pa ring nangunguna ang Tsina sa pamemeke at pangangalakal ng mga pekeng produkto (Fleming 2014; United States Trade Representative 2023). At mas lumala ang panahon: maraming pinasarang fake social media accounts mula sa Tsina (Meta 2023). Nagbabala rin noong Agosto 2023 mismong si Defense Secretary Gibo Teodoro na mag-ingat ang Pilipinas at huwag umanong mahulog sa mga fake news ng Tsina hinggil sa Ayungin Shoal. Aniya: “Alam ‘nyo, maraming nagtatanim ng fake news, tulad ng sinasabi nila may pangako ang kung sino man na gentleman’s agreement na hatakin ang BRP Sierra Madreo mula sa Ayungin [Shoal]. ‘Pag ating pinatulan ‘yan, ang lalabas tayo-tayo magtuturuan, tayo-tayo mag-aaway-away sa tanim na propaganda na ‘yan.”
Nabanggit na rin lang ang pekeng isyu, pangalawang paksa naman ng kolum: deepfakes, artificial intelligence (AI), at iba pang pambudol sa kabataan.
Kung tutuusin malawak ang epekto ng ganitong mga pambubudol. Kapwa kabataan at mga nakatatanda ang biktima. Sinabi ko lang na “sa kabataan” upang mas mapansin ang tungkulin natin sa edukasyon. Isa pa, hindi naman kaila sa marami na sa makabagong panahon ng ICT, halos awtomatikong apektado ang mga matatanda kung apektado rin ang mga bata. Kung nabibiktima ang mga mag-aaral na kabataan sa deepfakes at AI, paano pa ang mga napag lilipasan ng naturang komplikadong panahon – ang mga matatanda?
Pakinggan si Edna Aquino na isang kampeon ng karapatang pantao at aktibista sa loob ng 50 taon tungkol sa teknolohiyang digital sa konteksto ng karapatang pantao sa pangkalahatan: “Sa ngayon, kung titingnan ko ‘yung nangyayari sa ngayon, may sariling difficulty ang mga aktibista ngayon kasi ang dami-daming kalaban. Nandiyan ‘yung kalaban mo ang disinformation because of social media. Nandiyan ‘yung problema ng navigating the terrain of government institutions na akala mo… mayroon kang premise na madali mong kakausapin kasi civil servants sila pero very corrupt.
“Nandiyan ‘yung walang tigil na stereotyping sa ‘yo ‘pag ikaw ay maingay sa komunidad. At nandiyan na rin syempre, kasama na riyan ‘ang usapin ng red tagging. Mas complex ang sitwasyon sa ngayon. Hindi siya madali, sa totoo lang. Seemingly maluwag siya. Kasi may environment ka na nakakakilos ka supposedly na maluwag. Pero may sarili siyang complexities na wala nu’ng panahon namin.” (https://podcasts.apple.com/us/podcast/video-whats-wrong-with-the-opposition-activist/id1561087938?i=1000638144922)
Hindi raw niya pinaniniwalang masyado ang algorithm na kunwari napakaraming followers at maraming nagla-“like” subalit hindi naman nagbabasa. Dagdag pa ni Edna, mababaw ang naaabot ng pag-uusap pero maasahan ito sa bilis ng impormasyon. “Ang kabilang mukha naman nu’n ‘yung ang lakas ng disinformation,” dismayadong kwento niya sa Howie Severino podcast kamakailan.
Hindi lang sarili ang iniisip
May solusyon pa rin sa suliranin ng makabagong pamemeke: digital activism. Paano?
Doblehin ang sipag ng kabataan na sila rin ang magbebenepisyo sa larangan ng pakikipagkomunikasyon. Magandang pattern ang narating ng aktibismo ng mga katulad ni Edna. Siya ulit ang pakinggan (pakaisiping nakapattern nawa ito sa digital activism):
“(A)ctivism per se, I think it’s still the most important part of my life na hindi ko lang iniisip ang sarili ko. And, you know, and my radar every day until now at age 71 is still about what’s happening in society.
“And that’s I think it’s a gift na I will always cherish na you’re always looking at, you know, doing something good for others. And it aligns with my own foundation as a Christian. Ganu’n. Nu’ng bata pa ako. Because I was brought up as a Baptist by my mom. So, ‘yun ang ano, ‘yun ang reflection ko.
“Pero kung magbibigay ako ng advice, actually tinanong ako ng anak ko nung nasa La Salle siya. Iniimbita raw siya na sumali in one of those youth organizations ng militante. So, sabi ko sa kanya, “Anak, hindi kita pipigilan. Pero suggest, ang maa-advice ko lang sa ‘yo, magbasa ka pa. Study history. And, you know, take critical thinking as one of your ano, as one of your foundations or your pursuit.”
Lumalalim man ang pekean, malaki man ang tsansang mabudol ang kabataan, tamarin man ang iba sa kanila, meron pa ring uusbong na makabagong aktibismong digital. Maaaring hilaw pa ang pananaliksik sa deepfakes pero sistematiko na itong nasusuri. Sa ngayon, minsan pa, magpaalalahanan tayong huwag magpabudol.
DC Alviar
Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.