“Diktadurang Marcos” binura ng DepEd sa Araling Panlipunan curriculum

0
810

Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) ang umiikot na memo sa social media na nag-uutos na baguhin ang “Diktadurang Marcos” sa Grade 6 Araling Panlipunan curriculum at gawin itong “diktadura” lamang.

“I confirm that indeed there was a letter that was sent to the Office of Undersecretary for Curriculum and Teaching. This was made by our Bureau of Curriculum Development (BCD) specialist. This was submitted to my office and forwarded to the Office of Undersecretary for Curriculum and Teaching,” ayon kay Joyce Andaya, direktor ng DepEd Bureau of Curriculum and Teaching.

“That’s part of our internal processes. Our BCD specialist can really express themselves, and we respect their stand on curricular issues,” dagdag pa niya.

Gayunpaman, nilinaw ni Andaya na ang memo ay isasailalim pa rin sa proseso ng pagsusuri sa panahon ng pilot implementation ng revised K-10 curriculum ngayong taon. Ayon sa kanya, ang proseso ng pagsusuri ng kurikulum ay “iterative,” kaya’t wala pang kasunduan sa DepEd kung ano ang dapat ilagay sa pinal na dokumento ng kurikulum na ilalabas sa kanilang opisyal na website.

“Mayroon pa tayong pagkakataon na suriin muli ang kurikulum ng ating mga mag-aaral, mga guro, at iba pang kasapi ng sektor ng edukasyon. Kung mayroong mga pagbabago o komento ukol dito, irerespeto natin ang mga ito at isasailalim sa pagsusuri,” pahayag ni Andaya.

Ayon kay Andaya, ang layunin lamang ng BCD ay mag-organisa ng curriculum guide, at maaaring ituloy ang pagtalakay sa mga paksa ukol sa martial law period, partikular na ang pagpapatupad ng diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ipinabulaan din ni Andaya ang anumang intensyon na “historical revisionism o i-whitewash ang katotohanan na nangyari noong martial law era.”

“Ang pinaguusapan dito ay ang deklarasyon ng batas militar, pagpapatupad ng diktadura, epekto ng diktadura, pagkawala ng mga institusyong demokratiko, malayang lehislatura, paghina ng ekonomiya, paglabag sa karapatang pantao, ill-gotten wealth, paglaban sa diktadura, mga kilos laban sa diktadura, at pagpaslang kay Ninoy Aquino,” paliwanag ni Andaya.

“Hindi maaring hindi banggitin ang pangalang Ferdinand Marcos Sr. sa pagtalakay ng paksa ukol sa diktadura,” dagdag pa niya.

Sa kabila nito, walang political pressure mula sa kasalukuyang administrasyon na nag-udyok para sa pagtanggal ng pangalang “Marcos” mula sa “diktadurang Marcos” sa Araling Panlipunan subject sa ilalim ng revised K-10 curriculum.

Binigyang-diin ni Andaya na ang pag-aalis o pagbabago sa “nomenclature” ay “purely an academic discussion.”

“Wala pong pressure na kahit na ano na binigay sa amin para tingnan muli ang curriculum. Ito ay isang proseso na aming pinapatupad dito sa Curriculum and Teaching strand. Ito ay isang akademikong usapan na lagi naming sinusunod habang tinitingnan at ini-revise ang kurikulum,” ayon kay Andaya.

Sa ulat, tinuligsa ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) ang pag-alis ng pangalang “Marcos” mula sa terminong “Diktadurang Marcos.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.