DOH: Nipah virus hindi kakalat na kasing bilis ng COVID

0
531

Hindi kakalat ng kasing bilis ng COVID-19 ang Nipah virus, ayon kay infectious disease expert, Dr. Rontgene Solante.

“I don’t think we will experience the same intensity o rapid spread of infection nang gaya sa COVID. Ang COVID ay respiratory tract infection, itong Nipah, it is usually body fluids. ‘Yung transmissibility niya ay hindi rapid at high kumpara sa COVID,” ayon sa paliwanag ni Solante sa panayam ng DZBB.

“Although it’s remote naman talaga na that the infection will travel that fast kasi it’s so fatal that before somebody from India may be incubating mabilis ‘yung fatality niya mataas,” dagdag pa niya.

Noong Setyembre 14 ay dalawa na ang namatay dahil sa Nipah virus na kumakalat sa southern Indian state na Kerala.

Ayon sa state health official sa India, ang dalawang matanda at isang bata ay kasalukuyan pa ring infected sa ospital, at mahigit 700 katao naman ang sinusuri pa kung nahawaan ng virus.

Ang virus ay kumakalat sa pamamagitan ng contact sa bodily fluids ng infected na paniki, baboy o tao.

Sinabi naman ni Solante na wala pang aprubadong human vaccines o gamot sa Nipah virus, at ito ay sa pamamagitan lamang ng symptomatic supportive treatment.

“Ang endpoint ng Nipah virus ay brain kaya mataas ang mortality rate nito,” ayon sa kanya.

Hinimok ni Solante ang publiko na patuloy na imonitor ang posibilidad na makapasok sa bansa ang virus dahil sa pagbiyahe o iba pang dahilan.

“More or less monitoring those who have travel history in India, especially in that region of India, Kerala, based ang monitoring natin dahil medyo vague ang mga sintomas but alam natin na Nipah virus is really a deadly and fatal infection,” sabi ni Solante.

Ang Nipah virus ay unang natukoy noong 1999 sa isang outbreak sa mga pig farmers at iba pang may close contact sa mga hayop sa Malaysia at Singapore.

“The route of transmission comes from a bat, and then ‘yung body fluids ng bats at dumi niya will be transmitted to the pig and then the pigs are usually the secondary host. For those who handle those pigs, mangyayari ang transmission, animal to human transmission,” pagbabahagi ni Solante. 

Kaugnay nito, nilinaw ng DOH sa nanga­ngambang mga Pilipino na walang naitatalang bagong kaso ng Henipavirus sa Pilipinas mula noong 2014.

“To date, there is only one recorded case of Henipavirus infection in the country. Said case was detected in Sultan Kudarat in 2014,” ayon sa pagtitiyak ng DOH makaraan ang pangamba ng publiko sa pagpasok ng naturang virus matapos na matukoy at kasalukuyang naapektuhan ngayon ang India.

Ayon sa World Health Organization (WHO), itinuturing na may limitadong human-to-human transmission ang Nipah virus. Ang virus ay pangunahing nakakahawa mula sa mga hayop patungo sa mga tao, lalo na sa pamamagitan ng close contact sa mga infected na paniki o sa pamamagitan ng pagkain ng hilaw na dagta ng date palm na kontaminado ng dumi ng paniki. Maaring maganap ang tao-sa-tao na pagkalat, ngunit karaniwang limitado ito sa close contact ng mga nahawahan, tulad ng pamilya o mga healthcare workers.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.