Ekonomiyang pulitikal ng citizen journalism sa Pilipinas: Nasaan ang pagkukulang?

0
378

Parating nababanggit ng mga eksperto sa sosyal, pulitikal at pang-ekonomiyang usapin ang hiram na kapangyarihan. Halimbawa nito ang mandato ng mga nananalong kandidato mula sa paghalal ng mga malalayang botante. Hihiramin nila ang kapangyarihang mamuno sa panahon ng kanilang termino at matapos nito, kailangan na naman ng panibagong mandato para sa susunod na termino kung ihahalal pa rin sila ng mas nakararami. Kung merong hiram na kapangyarihan, maaari rin bang mahiram ang kredibilidad?

Maaari. Nangyayari at mangyayari pa ang hiram na kredibilidad kung gugustuhin ng mga tao. Sa Pilipinas, tila lugi ang bansa sa hiram na kredibilidad. Bago iyan, ano muna ang nangyayari sa labas ng bansa ukol diyan? Kasi gagayanin natin ang tama, at kung mali, may matutunan tayo sa kanilang mali.

Sa isang masusing pananaliksik na nilathala ng Public Library of Science sa PLOS One sa Estados Unidos, heto ang isa sa kanilang buod: “Our findings imply that dictators can actually ‘borrow credibility’ from their citizen journalists and even nondemocratic leaders can make themselves more trustworthy to potential dissenters through citizen journalism. Allowing information flow from non-official sources can be a practical measure for governments to address the problem of a credibility deficit during a pandemic.” (https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC8654212/)

 Ang hiram na kredibilidad na tinutukoy sa pag-aaral na isinagawa nila Sheen, Tung at Wu (2021) ay sa konteksto ng isang insidente ng pampublikong kalusugan. Maaari ba sa ating iyon? Ayon sa tatlong mananaliksik, ang pagbibigay ng kalayaan sa pananalita sa mga mamamayan ay mas nakapagdaragdag ng kredibilidad, sa halip daw na nakababawas. Dagdag pa nila, dahil sa nakakagawian ng mga kritikal na mamamayan na mas maging “responsive” o alerto sa mga ulat na ginagawa ng mga citizen journalists, ibig sabihin daw nito’y maging ang mga ganitong klaseng pinuno ng mga bansa ay mas magiging katiwa-tiwala sa mga potensyal na matitinding pagpuna sa pamamagitan ng citizen journalism.

Hindi lang sa impormasyong pang-COVID-19 nasalang ang mga lumahok sa makabuluhang pag-aaral kundi maging sa aktwal na patakaran na nakaaapekto sa ugali ng mga tao tuwing gagamitin nila ito sa kanilang kalagayan.

May mga pag-aaral pala na ang tiwala sa mga mahihigpit na lider sa labas ng bansa ay napalalakas ng mga pag-endorso mula sa mga source na may mga sariling pamamahala’t patakaran. Gaano pa kayang kapakinabangan ang maibibigay ng citizen journalism sa Pilipinas na isang demokratiko at republikang estado kung saan ang lahat ng kapangyarihan sa pamahalaan ay nagmumula sa mga tao? Maraming kapakinabang dapat. Pero ang kulang sa makabagong Juan at Juana para makuha ang ibayong pakinabang ng citizen journalism ay kritikal na pag-iisip. Sa maraming pagkakataon sa pag-usbong ng social media, kung sino pa ang kritikal na kalimitan nama’y matatagpuan sa tri-media (telebisyon, radyo, at dyaryo), sila pa ang binabalewala na halos gusto nang burahin sa lipunan. Maaaring namamanipula ng mga mapepera at makakapangyarihang propagandista ang ugali ng mga nagbababad sa social media, pero ang operative word ay critical. Kritikal ba sila sa mga patakarang taliwas sa dikta ng sentido kumon? Kritikal ba sila sa mga pamamahalang mapang-api? Nakikita ba nila ang kanilang mga sarili na hindi napag-iiwanan, kumpara sa iilang taong nakikinabang sa pagdikit-dikit sa mga maykapangyarihan? Kritikal ba sila sa masamang pamumulitika o suportado pa nila ito?

Palawakin man natin ang depenisyon ng citizen journalism, mananatiling “facts first” at “back to basics” ang ekonomiyang pulitikal na makapag-aayos ng kalagayan ng ating mga kababayan. Bumalik tayo sa tamang pamantayan kung bakit tayo nagpapahiram ng kapangyarihan. Ang kredibilidad ay awtomatiko, lantad, at nadarama sa malayang lipunan. Baka nasasanay na tayong magpahiram na lamang nito.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.