Filipino, ‘wikang mapagpalaya’ kung bakit wala namang kibo sa kahirapan

0
3439

Sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at katuwang ang ilan pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Kagawaran ng Edukasyon at mga pribadong institusyon, ipinagdiriwang ng bansa taon-taon ang Buwan ng Wika tuwing Agosto. Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Filipino: Wikang Mapagpalaya.” Nais patingkarin ng okasyon ang Filipino bilang instrumentong nagpapalaya.

Tumutugon ang selebrasyon sa Proklamasyon Blg. 1041 s. 1997 na may pangunahing layuning iangat ang kamalayan ng mga mamamayan sa wika at kasaysayan nito.

Ama ng Wikang Pambansa si dating pangulong Manuel Luis Quezon. Nataong kapwa kapanganakan at kamatayan niya ay Agosto 19, 1878 at Agosto 1, 1944. Si Quezon at marami pang Pilipino ng mga sumunod na henerasyon ang gumamit ng wikang pambansa (kinalunan, Filipino at English ang mga opisyal na wika ayon sa Konstitusyon ng 1987) para maipalaganap ang mga usapin ng pagsasabansa ng Pilipinas, paglaban sa kahirapan, at pagkakaisa ng mga mamamayan tungo sa pagpapayabong ng mga wika, lalo na ang Filipino, at pambansang kaunlaran.

Nauna nang ipinagdiwang ang Buwan ng Panitikan (sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts, National Book Development Board – Philippines, at KWF) noong Abril sa temang “Ang Panitikan at Kapayapaan” na may layuning magbigay-daan sa malayang pagtalakay sa halaga ng panitikan sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng kapayapaan sa buong kapuluan. Batay sa simpleng pamantayan, naiparating sa mga tao ang katuturan ng panitikan. Bagama’t maiuugnay ang dalawang buwanang pagdiriwang sa isa’t isa, tahasan ang mga batas at memo sa pagkakahiwalay ng mga ito.

Kung ano ang dahilan kung bakit may pagbanggit tayo rito sa dalawa, heto: Parehong sobrang tayog ng mga pangarap natin at tayo rin ang nasasaktan sa di-pagkamit ng mga ito. Halimbawa, naiparating nga ang kahalagahan ng panitikan sa mga aspetong pagsasabansa at pangkapayapaan sa naunang okasyon, subalit hindi hitik ang pagkakaunawa ng mga mamamayan para masabing may kamalayan na sila sa paggamit ng panitikan para man lang sa layunin sa kapayapaan. Mabibilang sa mga daliri sa paa’t kamay ang mga alagad ng panitikan na nagpapalaganap ng usaping pangkapayapaan. Kalimitan, malalawak ang paksa ng mga materyal pampanitikan ngunit walang matinong kaugnayan sa mapayapang paraan ng pagbabago sa magugulong pook. Sa Marawi na isang lungsod sa katimugan ng bansa, iilan lamang sa 100,000 ang nakabalik sa lugar matapos ang limang buwang bakbakan ng militar at “mga kaaway ng batas”. May ilan pang localized conflicts sa iba’t ibang rehiyon, na kung susumahin, tuldok lang ang aktwal na ginampanan ng panitikan para maisangkapan ito sa pagbubuong muli ng mga nasirang lugar at pagbabalik sa tirahan ng mga naapketuhan.

Ligtas sabihing may papel na ginagampanan ang panitikan sa kapayapaan, ngunit dahil na rin sa mga maling prayoridad sa edukasyon, hindi na naiintindihan ang paggamit nito para isulong ang kapayapaan sa pangkalahatan. Natutugunan ang mga suliraing pangkapayapaan nang maayos, pero hindi sa paraang pampanitikan kundi sa mga proyektong pagpapaunlad ng conflict areas. Dapat maisa-isa ang mga tao at institusyong tuwirang gumagamit ng panitikan, nagpapalaganap nito, at nagpapalaganap ng kapayapaan gamit ito at, pagkatapos, punan sila ng programa na may kaukulang badget para kahit papaano, may dahilan silang pagsumikapan ang kanilang adbokasiya at mailinya na talaga ang panitikan sa layunin ng kapayapaan at pagpapaunlad.

Sa kasalukuyan namang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, wala pa ring direktang kaugnayan ito sa kalayaan. Kapag sinabing mapagpalaya ang wikang Filipino, saan natin hangad maging malaya? Sa sinasabi ng Deklarasyon ng mga Prinsipyo at Pang-Estadong Patakaran ng Saligang Batas na “free the people from poverty through policies that provide adequate social services, promote full employment, a rising standard of living, and an improved quality of life for all?” Ngunit maraming sablay mismo ang pamahalaan noon at ngayon sa pagpapalaya sa kahirapan ng marami sa ating mga kababayan. Merong social services kaso adequate o sumasapat ba? Naipo-promote ang paghahanap-buhay, pero kalimitan ba’y full employment o hindi? Merong pamantayan ng pamumuhay pero papataas ba ito? Merong kalidad na buhay para sa lahat? Ulit: sa lahat? OK siguro na may kalidad, pero sang-ayon sa konstitusyon, “improved quality.” Samantalang sa kalidad pa lamang ng mga niluluklok nating pinuno tuwing botohan, malayo na ang narating ng kabobohan sa paggamit ng kapangyarihang pumili ng mga ito at talagang mailagay sa balota ang mga karapat-dapat. Tinatalo sina Haydee Yorac at Chel Diokno na nakatamo ng matataas na edukasyon dito at sa labas ng bansa ng mga kandidatong walang tinapos na kurso sa kolehiyo sa panahong halos wala nang dahilan pa ang mga nakaluluwag sa buhay na hindi makatapos ng pag-aaral.

Sa sandaling pumalpak ang mga katulad ni Robinhood sa pwesto ng paglilingkod, wala nang pakialam ang mga nagluklok sa kanya. Dinamay lang ang iba. Kunsabagay, damay din ang maiiwang henerasyon ng kanilang mga apu-apuhan.

Mapagpalaya nga ba ang wika sa usapin ng kalayaan sa pamamahayag pati sa karapatang magpetisyon sa gobyerno para sa pagtugon sa mga hinaing? Sa pinairal na red-tagging – oo, pinairal ng anim na taon at hindi na pinaiiral kung pagbabatayan ang kamakailang desisyon ng Korte Suprema laban dito – at mga kahanay na pamamaraan ng pananakot (meron na ring nauwi sa pagpatay) at panggigipit, laganap ang pagbibingi-bingihan, pagmamaang-maangan, at pagbubulag-bulagan ng mga tao sa kahirapan, pang-aabuso ng mga maykapangyarihan, karahasan, at milyon hanggang bilyong pisong katiwalian sa pamahalaan.

Hindi malinaw kung bakit mapagpalaya ang wika at saang aspeto ito naging instrumento ng kalayaan ng makabagong panahon. Marahil, pagpapalagay lang ito. Sa iba, ilusyon ito. Gayunpaman, tama ito bilang hamon sa hinaharap. Kinalulugdan natin at sinusuportahan ang mga serye ng webinar o seminar, mga patimpalak sa sanaysay at iba pang sulatin, lalo na ang mga usaping may mga paksang katutubong wika sa pagpapaunlad ng edukasyon; Filipino sign language; sistematiko at makaagham na pananaliksik; paggamit ng IKSP o indigenous knowledge system and practices; at siyempre, fact checking o paglaban sa mga maling impormasyon at pamali-mali, gawa-gawa o mapanlinlang na naratibo.

Sa pagsulong ng panahon ng mga kabataan, patuloy natin silang itaguyod gamit ang karunungan at kaunawaan sa mahahalagang isyung panlipunan na may pinanghahawakang natural na sandata, ang wikang unti-unting magpapalaya sa kahirapan, karahasan, pang-aabuso ng mga maykapangyarihan, at korupsyon. Kung may wika, pero walang kibo sa mahahalagang usapin? Walang saysay iyon.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.