Gaano kahalaga sa mga botante ang halalan 2022?

0
440

Wala pang opisyal na bilang ng mga kauna-unahang botanteng nakaboto na sa Overseas Absentee Voting (OAV) sa iba’t ibang bansa, pero masasabi na nating proud sila sa kanilang paggamit ng karapatang makapili ng mga susunod na lider ng Pilipinas. Ipinahahayag nila ang masarap na pakiramdam ng unang beses na makaboto sa kanilang social media accounts with matching pictures. Minsan na rin akong nakarining na meron ding nawalan na ng pag-asang may magbabago pa sa pamamalakad daw ng pamahalaan, sapat para desisyunan nilang huwag nang magparehistro at bumoto. Wala rin namang mangyayari, anila. Pero gaano ba talaga kahalaga sa mga kabataan at iba pang bagong botante ang halalan sa Mayo?

Lubhang napakahalaga nito sa marami. At, may mangilan-ngilan ding nakikiuso o katuwaan ng magbabarkada kaya lang sila nagpatala sa voter registration na isinagawa ng COMELEC ilang buwan o humigit kumulang isang taon pa lamang ang nakalipas. Sa kabila ng naituring na dalawang klase ng mga bagong botante, babaha pa rin ng mga post sa social media lalo na sa Facebook patungkol sa pagiging proud ng mga bagong botante (at mga dati na) sa gagawin nilang pagboto. Maaga pa’y sinasabi na nating karapatan din ng iba ang kawalang-partisipasyon o desisyon sa kung sino-sino ang dapat na maging susunod na pinuno ng bansa. Gayunpaman, huwag tayong maging negatibo sa bagay na ito; ipinagpapalagay nating kakaunti lamang ang merong ganoong pananaw at walang dudang mas marami ang sa tingin nila’y nangingibabaw ang responsibilidad nila bilang mga mamamayan at paggamit ng karapatan nila sa isang demokratiko at malayang proseso.

Pantay-pantay mapa mahirap o mayaman, tag-iisang boto lamang ang bilang sa kanila. Empowering o naka pagpapalakas ito sa taong salat sa buhay.

Pangalawa, nabibigyan ng ginintuang pagkakataon ang botante na makatuwang/kaisa siya ng ibang tao sa desisyon na merong direktang epekto sa kanilang lugar sa partikar at sa bansa sa pangkalahatan. Kaya nga merong OAV sa mga nasa ibayong dagat, ipinagpapalagay na uuwi rin sila sa lupang tinubuan. Magandang paraan ito para makuha ang naturang partisipasyon ng mga Pilipino sa iba’t ibang bansa, bagama’t sa mga nagdaang halalan, hindi maganda o sobrang kakaunti ang bilang ng overseas absentee voters (hindi tulad ngayong 2022).

Pangatlo, tanggap ng botante ang katotohanang accountable o mananagot siya kung sakaling magkamali siya ng iluluklok na mga kandidatong magaling lang sa panahon ng kampanya pero pangakong mapapako lang pala sa huli. Hindi mahirap intindihin ang accountability na ito sa botante; mararamdaman niya unti-unti na binabalewala lang ng wagi pero sablay na kandidato ang tiwala niya noong nililigawan pa lang ang kanyang boto. Magpaparamdam na lang ang mga ganitong klaseng pulitiko after three years or six years kung kailan magkaka eleksyon, hindi kung kailan kailangan silang maglingkod sa botante at sa mga mahal niya sa buhay. Mahalagang papanagutin sa ganito ang botante (bukod sa tiwaling pulitiko). Pero paano kung hindi nagkamali sa pagpili ng karapat-dapat? Isang kaso lamang ito ng tungkuling ginampanan ng mabuting mamamayan.

Pang-apat, naitatama ang mga dating maling resulta ng halalan kung ang mismong taong nakakaalam o nakahahatol na may mali ang nakaraan ay siya mismong magdedesisyon sa oras na makapili siya ng mga tamang pangalan sa kanyang balota. Kaugnay nito, kung ano ang tama ay iyon ang naipananatili sa tamang resulta ng mga nakaraang halalan nang mismong nag-iisip nang tama habang bumoboto sa kanyang presinto. Lagi niyang iniisip, “Ang boto kong ito’y para sa aking kinabukasan at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.” Hindi siya nagpapabayad sa kanyang boto at may pagsasaalang-alang sa dinidikta ng kanyang konsensya. Dapat pa bang isipin na ang Candidate No. 1 ay “mas nakatulong sa akin at sa aking pamilya habang siya’y nakaupo kaya siya pa rin ang aking iboboto” kung hindi naman siya marapat sa ibang pamilyang mas nangangailangan (selective/transactional politics)? Wala kang dapat tanawing malaking utang na loob sa pulitiko; isang kaso lamang ito ng tungkuling ginampanan ng mabuting opisyal ng gobyerno dahil kung hindi, tahasan mong mababalewala ang mas magagandang offer sa iyo ng Candidate No. 2, 3, 4, or 5.

Hindi ko ipagpipilitang ‘puro tama’ sina premyadong aktor Piolo Pascual at Miss Universe 2018 Catriona Elisa Magnayon Gray sa kanilang malalaman na endorsements sa isang kandidato sa pagka pangulo pero, kahit papaano, ‘buong tapang at talino’ ang kanilang naging desisyon sa isang pagtindig. Nawa’y pakinggan sila ng mga bagong botante.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.