Ginto rin naman: Pagkakataong makabawi kahit maraming bagahe at pagkakamali

0
338

Noong Sabado mismong ang nangunguna sa maraming survey sa pagkapangulo ang nagsabing “walang ginto” na kung sa konteksto ibabatay, walang ganun karami, taliwas sa sabi-sabi na pantulong daw ang mga tone-toneladang ginto ng kanyang pamilya sa mga boboto sa kanya at pambayad-utang ng Pilipinas. Mabuti naman at may bagong pahayag na ganoon. Matatandaan na may kaparehong pahayag na ganyan: “It’s a scam pure and simple.” (Marcos Jr., 2017).

Meron kasing tag-iisang milyong piso ang libo-libong taong dumagsa sa UP Los Baños, ayon sa pangakong napako o kaya nama’y pampakwela lang pero walang napala kundi nganga ang ganoon karaming tao maliban na lamang sa konswelong naka-first time naman daw sila sa pagbisita sa UPLB limang taon pa lamang ang nakaraan. Unti-unting sumusulong ang matinong usapin na walang ganoon kalaking halaga ng pera o ginto na madaling maipamumudmod ng mga Marcos maliban kung ill-gotten wealth nila ang tutukuyin. Sa paglipas kasi ng maraming taon, patuloy ang pag-recover ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) – sa maayos at dokumentadong pag-recover – ng umano’y nakaw na yaman nila na umabot na sa P170 bilyon, at patuloy pa sa proseso ng paghahabol ng P125 bilyon pang pag-aari. Naiuulat ng PCGG ang lahat ng ito sa mahabang panahon, anupa’t pati sa mga taon ng panunungkulan ni Pangulong Duterte, meron pa rin silang pag-uulat ng nakaw na yaman na nare-recover. Ang tanong tuloy ni dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno (Meilou Sereno sa Facebook): Kung walang nakaw, bakit may nare-recover?

Gayunman, iboboto pa rin si Marcos Jr. anuman ang sabihin laban sa kanya, ayon sa maraming taga-suporta ng anak ni Imelda na convicted sa seven counts of graft sa Sandiganbayan at Ferdinand na tinanggal sa pagka pangulo via EDSA People Power. Honest observation tayo: Marami mang taga-suporta ang anak, pabawas naman sila ng pabawas sa mga huling yugto ng pagalingan ng tapunan ng putik, paramihan ng mga nagawa, at pakontian ng sablay. Ganitong pagkatalo ang sinapit ni Manny Villar, Jojo Binay, at Grace Poe. Maging si Marcos Jr., tinalo din sa bandang huli kahit una sa mga survey sa unang paghaharap nila ni VP Leni Robredo noong 2016, kaya ang kanilang pangalawang paghaharap na pampanguluhan naman, nangangailangan na ng sure-win tactics. Natalo na rin kasi si Marcos Jr. noong 1995 sa unang sabak sa pagka senador at sawi rin sa kanyang electoral protest laban kay VP Leni nang ito’y “unanimously dismissed” sa Korte Suprema. Wala ni isa sa labinlimang mahistrado ang pumabor kay Marcos Jr., kaya hindi maaalis na bigay-todo na siya sa pangangampanya para hindi na maulit ang pagkatalo ngayong Mayo.

Napakalaking halaga ang mawawala sa kanya kung matatalo na naman bukod pa sa sinasabi ni Senadora Imee noong Agosto na kailangan na ng kapatid niyang magkatrabaho, sa ganitong eksaktong salita: “Hey, my brother needs a job. He’s been hanging around, jobless for the past six years.” Anim na taong walang trabaho? Mahaba na iyon, pero may iba ring pagtantya. Kapag walang pwesto sa pamahalaan si Marcos Jr., hindi isang taon kundi isang dekada siyang jobless; nasa 14 na taon naman sa tantya ni journalist and book author Marites Vitug.

Ayon kay Marcos Jr., marami siyang naipanalong kaso hindi bilang abogado kundi mismong siya ang nasasakdal o nagpepetisyon sa korte. Kaya’t walang duda, marami siyang bagahe at pagkakamali. Sa lahat ng ito, may pagtuturo na hindi dapat palampasin: Ginto ang oras. Kung may Larry Gadon na suspendido sa pagiging abogado, meron din mga abogadong itinuring na ginto ang panahon na magbago para sa sarili, sa propesyon, at sa komunidad na ginagalawan. Isang Danilo De Guzman, matapos tanggalan ng lisensya bilang abogado, minarapat na paghirapan ang Petition for Judicial Clemency and Compassion. Granted in part o bahagyang pinaboran siya ng korte dahil napatunay niya sa mahabang panahon ang kanyang pagbabalik sa katinuan na inaasahan sa isang abogado. Sa desisyon na paiksiin na lamang sa pitong taong suspension sa halip na disbarment sa nagbagong si De Guzman, ayon sa hukuman: “Petitioner has sufficiently demonstrated the remorse expected of him considering the gravity of his transgressions. Even more to his favor, petitioner has redirected focus since his disbarment towards public service…” (B.M. NO. 1222, April 24, 2009)

Sa bilis ng panahon na mala-ginto ang pagkakagamit dahil sa ginintuang pagkakataong magbago, balik abogado simula 2011 si De Guzman na na-disbar noong 2004.

Pakinggan naman natin ang korte sa desisyon na ibasura ang isang petisyon ni Marcos Jr.: “Samakatuwid, hindi namin maaaring tanggapin ang pagpupumilit na hindi raw siya binigyan ng due process. Kapag mayroong pagkakataong tumutol sa aksyon ng pamahalaan, at binalewala ang naturang pagkakataon ng walang makatwirang dahilan, ang panig na iginigiit na inapi ang siya mismong nagiging mapang-api sa mga gawaing maaayos ng pamahalaan. Ang sinumang pumupunta sa hukuman ay kailangang humarap ng may malinis na mga kamay. Kung hindi, hindi lamang niya sinisira ang kanyang pangalan, kinukutya niya rin ang mismong istraktura ng establisadong awtoridad.” (G.R. No. 120880, June 5, 1997).

Cover portion
Dispositive portion

Ginintuang pagkakataon nga para kay Marcos Jr. ang maglaan ng oras, taon, panahon na bumawi sa mga bagahe at pagkakamali. Isang taong hindi siya nagbayad ng buwis, anong remorse meron sa kanya o ikinalungkot niya ba ito? Sumunod na taon, hindi na naman nagbayad ng buwis. Tanong ulit: merong remorse o wala? Pero hindi isang beses na may pagkakataon sa remorse dahil 1982, 1983, 1984 at 1985 ang pinag-uusapang mga taon ng kanyang hindi pagpa-file ng income tax returns, batay sa desisyon ng isang Regional Trial Court na humatol na guilty beyond reasonable doubt si Marcos Jr. Halos ganoon din ang hatol ng Court of Appeals. Sa Supreme Court, umapela siya pero inurong din niya ito kinalaunan.

Magandang pagkaisahan ng mga taga-suporta ni Marcos Jr. ang pananaw na gamiting mala-ginto ang oras sa pagkakataong maging modelo siya ng pagbabagong-buhay; na makabawi siya sa mga responsableng mamamayan na nagbabayad ng buwis; na makaahon siya sa pagbabalik-tiwala ng kapwa, nasa pamahalaan man siya o wala. Kung kaya ng isang De Guzman sa nailahad nating maiksing kwento ng wisdom of second chances, kaya rin ni Gadon. Pero bibilang tayo – oo, tayo – ng mga taon, hindi isang araw lamang na “pagbabago”. Iyan tayo. Kasama tayo sa tunay na diwa ng pagkakaisa.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.