Going dirty: Gabay sa pakikinig at panonood ng negative campaigning

0
716

Walang duda, ang negative campaigning ay isa sa mga natatanging tampok ng contemporary electoral competition. Kahit sinong sumusunod sa mga balita, kwento at tsismis tungkol sa pulitika ay makapagsasabi na ang kampanyang pampulitika ay madumi at bastos.

Karaniwang laro sa pulitika ang magpatakbo ng mga ad na umaatake sa mga patakaran, nakaraan, lifetsyle at personal na buhay ng kanilang mga kalaban, sa hangaring manalo sa halalan. Sa kaso ng Pilipinas, mistula itong karnibal dahil multi-party ang sistema natin. Kung hindi coalition ay demolisyon ang ating nasasaksihan tuwing eleksyon.

Kahit saang bansa ay may mga dramang pampulitika. Ang mga akusasyon ng pangangabit ay nagsimula sa Amerika noong 19th century. Ang isang memorable na halimbawa nito ay ang presidential campaign sa U.S. noong 1884, kung saan inakusahan ng kanyang mga kalaban si Grover Cleveland na may kabit at anak sa labas. “Ma, Ma, where’s my Pa?” Ito ang ang political catch phrase na ipinakalat ng mga kalaban para gibain siya. 

Pero nanalo pa rin si Cleveland kaya nagpakalat din ng sagot ang kanyang mga taga suporta na “Gone to the White House ha, ha, ha.”

Hindi lamang sa magkalaban sa pulitika ginagamit ang discrediting tactics. Ginagamit din ito sa panahon ng digmaan sa pagitan ng mga bansa. Sa kalagitnaan ng 20th century, nagpaputok ng propaganda ang Soviet at British na isa lang ang bayag ni Adolf Hitler upang ibagsak ang kanyang pagkalalaki. Dahil antipatiko na noon ang dating ni Hitler sa buong mundo, bumenta ito ng todo.

Tama ba o mali ang umatake sa pulitika? Para sa iba, ang negative campaigning ay isang usapin ng taste. Sa kabilang banda, ang pagpuna sa paninindigan at sa patakaran ng mga kandidato ay ito mismo ang tibok ng puso ng demokrasya. 

Ang intentional na pagpapakalat ng kasiraan, kahinaan, kalabisan at kawalan ng isang kandidato ay maaaring udyok ng tapat na layunin na balaan ang publiko laban sa mga tunay na panganib sakaling manalo at maupo ang kulang sa timbang na kandidato. Kung ang mga pahayag ng mudslinging ay mapapatunayang tama, ang mudslinging ay maituturing na moral dimension ng tungkulin ng isang kandidato na maglingkod para sa ikabubuti ng nakararami sa pamamagitan ng paglalantad ng kahinaan ng kanyang katunggali. Sa oras na mahayag ang mga katotohanang ito, ang mga botante ay bumoto na.

Sa bahagi ng botante, may assignment tayo na alamin kung totoo o hindi ang mga mapanirang ad sa social media, dyaryo, radyo, at telebisyon. Mag fact check tayo. Pwede tayong sumangguni sa kasaysayan, mag research o makipagtalakayan sa mga kaibigan, virtual, syempre dahil pandemic pa. Alamin, kilatisin at suriin natin ang bawat banat at sagot ng magkabilang panig. Nakasalalay ang tagumpay at kabiguan ng negative campaign sa kakayahan ng nakikinig o nanonood na kumilala ng katotohanan at kasinungalingan. Nakabubuting huwag lang emosyon ang paganahin kundi utak din.

Manood lang tayo. Enjoy!

Kasaysayan. Oil on Canvas, 2019. Antipas Delotavo.  Si Antipas Delotavo ay isang Pilipinong social realist visual artist.

https://www.facebook.com/antipasdelotavo

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.