Ipinagpapalagay nating gumagawa ng kabutihan ang mga taong gobyerno. Sa kaso ng Pilipinas, mas mataas na antas ng pagtitiyaga ang kailangan ng mga kawani ng pamahalaan, kumpara sa tiyaga ng mga nasa pribadong kumpanya at organisasyon. Napabayaan ang mga pampublikong pagamutan at paaralan, at halos huli na nang maaksyunan ang malalang sitwasyon sa mga ito. Dalawang salik ng kahirapan sa bansa ang kahinaan ng kalusugan at kamangmangan na agad mapapatunayan sa mahal na gamutan at matrikula sa mga pribadong ospital at eskwelahan. Gayunpaman, mapa nasa katungkulan sa pamahalaan o ordinaryong mamamayan, pinahahalagahan ang tiwala.
Ang makita mong umuunlad ang pinaglilingkuran at ang lipunan ay sapat na. Kung ipagmamalaki ang pagtulong, ito’y pagkontra sa malalim na pagtingin sa pananagutan at pagsalungat sa kabuuan ng pagkatao mapa ika’y lingkod-bayan o kapwa tao. Pribilehiyo ang makatulong sa kapwa. Walang bilangan ng tulong, walang bilangan ng natulungan. Hayaan na nating gawin iyon para sa angkop na dokumentasyon lamang, at hindi para makapanlamang o ipagmalaki ang sarili samantalang masisira naman ang “hindi nakakatulong”.
Ibahin natin ang may kapakumbabaan sa walang galang. Hindi tayo dapat magpaloko sa mga abusado. Patuloy silang manloloko kung merong magpapaloko. Hindi magbabago ang mga abusado kung alam nilang hindi rin nagbabago ang trato sa kanila. Iba’t ibang anyo ng kalayaan ang ipinaglaban at napagtagumpayan ng ating mga ninuno. Panahon naman natin ang ibayong pagpapaunlad ng sarili, ng lipunan, at maging pagtulong natin sa ibang bansang nangangailangan sa pagdating ng panahon na meron na tayong ganoong kapasidad. Sa kababaang-loob, naroon ang pagtanaw sa mga responsibilidad ng mga institusyon at mga indibidwal. Responsable tayo sa pagpapa-angat ng ating sarili. Responsibilidad din nating mag-angat ng responsibilidad. Walang hanggan ang pagpapaunlad. Walang hanggan ang pagpapakumbaba sa pagpapaunlad.
Nagpang-abot at parehas na-pressure si Ferdinand E. Marcos at Lee Kuan Yew sa pulitikal, sosyal, at pang-ekonomiyang pagpapaunlad ng Pilipinas at Singapore sa kanilang kapanahunan. Kung magsasaliksik lang ang bawat pilosopong Juan at Juana, makatutulong sa Pilipinas ang karunungan mula sa pinagdaanang karanasan ng Singapore at ng mga mamamayan nito na ipaglaban ang gobyernong walang pangungurakot kundi pagpapaunlad, walang pagnanakaw ng tulong pinansyal ng mga bansa kundi paglalaan ng serbisyong may katapatan at kapakumbabaan.
Kaya ang presumption sa binabanggit natin sa umpisa – na gumagawa ng kabutihan ang mga taong gobyerno – ay hindi nangangahulugang mas mataas iyon sa presumption of innocence o pagturing na walang-sala hanggang hindi napatunayang nagkasala ang sinumang akusado sa anumang kriminal na pag-uusig. May Saligang Batas na naglalahad ng mga karapatan at hierarchy ng mga ito batay na rin sa mga napagdesisyunang mga kaso sa Mataas na Hukuman. Kahit sinong heneral o hari (sa halip na Hari ng mga hari, ibig sabihin ay Diyos), pwedeng makapang-abuso sa kapangyarihan kaya hindi laging tama ang kanilang ginagawa, bagama’t naroroon ang presumption sa umpisa.
Kahihiyan ang mang-abuso sa kapangyarihan, pero mas kahiya-hiya at kaawa-awa ang bansa kung magluluklok ng mga tao sa posisyon ng paglilingkod na salat sa kakayahan at minsan nang naka pang-abuso sa kapangyarihan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.