Joke, No Joke, No? Sayang

0
374

May maikling pagtalakay ako noong nakaraang Martes sa kolum na ito para o laban sa katatawanan (joke or making fun, not necessarily humor) sa mga bumubuo ng Kongreso. Sinabi kong hindi natin nilalahat na ang mga senador at kinatawan ay mga “senatong” at “tongressman”. Mahalagang mabigyang-diin na malayo na ang narating ng mga batas na nakakapagpa husay at nakapagpa angat ng buhay ng marami nating kababayan, at maraming pang batas ang nakatugon sa epekto ng mga napaglipasang batas. But we do not rest on laurels, so what more needs to be done by Congress?

Sa aking pagkakaalam, marami pang dapat isiniwalat sa imbestigasyon sa maanomalyang transaksyon ng pamahalaan sa Pharmally. Nakababahala ang “procurement service” ng isang kagawaran (PS-DBM) sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Ayon sa mga tumutok sa isyu, mukhang pre-meditated ang pandarambong noong mga panahong iyon. Kailangang ituloy ang pagtutok dito “in aid of legislation”, gayundin ay mapanagot ang mga dapat managot. Huwag isa o dalawa kundi marami-raming ulo ang gugulong, ika nga. Matatandaang ikinasa ang pagsisiyasat sa mga kontrata ng Pharmally matapos punahin ng COA sa pagkaka-flag nito ng P42 billion na halagang naisalin sa PS-DBM mula sa DOH nang walang mga suportadong dokumento. Nabutasan tayo, mga mahal naming mambabatas. Pakibuwag na itong PS-DBM. Merong dalawang Pharmally executives na nakulong sa pangyayari, pero paano naman sa katransaksyon nila sa pamahalaan? Papanagutin din natin sila.

Abot-tenga ang ngiti ni Mariel Rodriguez dahil sa sobrang kasikatan ng asawang si Robin Padilla hindi dahil sa bagong pelikula kundi sa pagkakahalal sa kanya bilang numero uno sa Senado. Isa si Padilla sa aminadong mag-aaral muna ng mga kalakaran sa bagong tungkulin sa kanya. Siyempre, hindi naman siya katulad ni Ambrosio Padilla na dating senador at minority floor leader noong dekada ’50 hanggang 1972. Aktibo siyang nagsulong ng mga bagay na ikabubuti ng bansa habang lumalaban sa mga pang-aabuso noong rehimeng Marcos gamit ang kasanayang legal at paniniwala sa kasarinlan, samantalang si Robin nama’y maaksyon sa pinilakang tabing at ex-convict na nabigyan kamakailan ng absolute pardon ng nakaupong pangulo.

Kaya naman ang tanong: Nasaan ang mga katulad nila Haydee Yorac (hindi nanalo noon) o isa man lang na Chel Diokno sa Senado? Sa 24 na senador, walang ba tayong puwang sa isang napakahusay na abogado ng mga maralita at propesor/dekano Diokno? Mukhang hanggang tatlong takbo siya bago pagbigyan ng mga botante, katulad ni Senadora Risa Hontiveros.

Nakapanghihinayang na walang Diokno sa Mataas na Kapulungan ng 24 (“Mataas” pa man din, hindi Mababang Kapulungan o Kamara), ngayon pang naipaalala sa atin ng mainit-init na balitang nanalo ang mga nag-akusa sa Marcopper sa paglilitis ng mababang hukuman. Isa sa kanila ay nagsabi sa isang panayam, “Hindi kami iniwan (sa laban) ng mga abogado namin kahit hindi namin sila nababayaran.” (Mangosing & Lagran, 2022)

Dalawang dekada ng paghihintay ng katarungan? Ang haba. Nangamatay na nga ang ilang mga nag-akusa nang hindi nadedesisyunan ng korte ang kanilang ipinaglalabang pangkabuhayan, pangkapaligiran, at pang kinabukasan ng kanilang mga anak.

Inutusan ni Presiding Judge Emmanuel Recalde ng RTC Marinduque Branch 38 ang Marcopper na bayaran nito ng P200,000 bawat isa sa 30 nag-akusa bilang “temperate” at P100,000 bilang “moral damages”. Sa desisyon din ng hukom, kailangan ding magawaran ng isang milyong piso ang lahat ng mga nag-akusa bilang “exemplary damages”.

Ganoong kahalaga ang mga katulad ni Chel Diokno. Ang hirap intindihin ng mga tao pagdating sa pagpili ng mga mamumuno sa Senado, pati sa mas matataas pang posisyon. Gayunpaman, nariyan na iyan, ipanalangin natin silang mga wagi sa eleksyon na makatamasa ng karunungan mula sa Diyos upang tunay na makapaglingkod sa bayang salat sa hustisya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.