Kabayanihan, kabutihan, at kadakilaan: Mga hamon ng paggunita

0
1945

Nakaukit na sa puso ng mga Pilipino at Pilipina, maging ng mga kaibigan mula sa iba’t ibang lipi, ang mga uliran (models) sa kabayanihan sa kasaysayan ng Pilipinas na sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, Melchora Aquino, Gabriela Silang, Antonio Luna, Josefa Llanes Escoda, at marami pang iba. Ang pagpukaw nila sa kamalayan ng mga Pilipino sa mga aktwal na kapasidad nilang pamunuang ipaglaban ang kasarinlan ng bansa ay noong panahon ng mga digmaan. Iyon ang kaibahan nila sa kabayanihan ng makabagong panahon.

Nang makamit ang kasarinlan, umusbong pa rin ang kabayanihan. Bakit? Kinailangan (kinakailangan) pa ring paglingkuran ang mas nakararami dahil talamak pa rin ang pang-aabuso sa kapangyarihan, kahirapan, at pagyurak ng mga karapatang pantao’t pandignidad.

Mahalagang maunawaan ng mga tagapagmasid ng pulitika, ekonomiya, at kultura na ang kabayanihan ay hindi lamang sa panahong may giyera o magkakagiyera. Sa Himagsikan ng 1896 at sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, litaw na litaw ang kabayanihan ng mga personalidad ngunit batid nating hindi nagtapos ang pakikibaka at paglaban upang kagyat na maisulong ang kagalingan ng nagsasariling bansa. Kagyat sapagkat bugbog sarado na ang bansa sa paniniil ng mga bansang mananakop at nagkaroon na ng ginintuang pagkakataon ang freedom fighters o mga mandirigma ng kalayaan na lumaban nang tahasan na halos maihahambing din sa “ibigay ang aking laya o ang aking kamatayan” ni Patrick Henry.

Pista Opisyal din ang taunang anibersaryo ng kamatayan ni Ninoy Aquino at para bang ang kanya nama’y “ibigay ang laya ng mga kababayan ko o ang aking kamatayan.”

Doon maaabot ng ating pag-iisip na ang kamatayan ay hindi requirement o kinakailangan para maibigay ang parangal ng kabayanihan sa sinuman, bagama’t nagdikta na nga ang batas. Ayon nga sa mga historyador, hindi lahat ay dapat mamatay para maituring na bayani at hindi lahat ng mga maituturing na bayani ay kailangang mamatay. (“Not all heroes need to die, and not all who died for the Philippines can be considered heroes.”)

Isa pa, paano yung mga walang walang pagkakakilanlan? Marami-rami rin silang maituturing na mga bayani.

Pinakahuli naman sa mga umusbong na konsepto ay hinggil sa kabayanihan ng mga buhay katulad ng mga OCW/OFW. 8.9% hanggang 10% ng GNP ang naiaambag ng “mga buhay na bayani” sa pagre-remit o pagpapadala nila ng bilyon-bilyong piso sa bansa taon-taon. Hindi natin nilalahat ngunit marami silang mga migrante na buwis-buhay makapagpadala lang sa mga iniwang mahal sa buhay gamit ang mga banyagang salaping kinita. Kalimitan, daig pa nila ang mga taong gobyerno sa agarang tugon sa pampananalaping hamon ng marami nating kababayan samantalang ang kanilang kinikita ay mula pa sa ibayong dagat. (Tandaan ang nabanggit na kataga: hindi lahat sa kanila ay mga bayaning maituturing.)

Kabutihan at kadakilaan

Ngayong Agosto 26, tuloy ang taunang paggunita sa Araw ng mga Bayani. May tema itong “Kabayanihan ng Pilipino sa Panahon ng Pagbabago.” (National Historical Commission of the Philippines, 2024)

May bahagyang pagkakaiba ang kabayanihan, kabutihan, at kadakilaan sa isa’t isa.

At dahil din panahon ng fake news, mahalaga ring kilalanin ang mga huwad na bayani. Hindi sila kakaunti. Patuloy silang namamayagpag, kung gayon, malaking hamon sa civil society organizations, simbahan, at akademiya ang kampanya kontra sa pagkakalat ng maling naratibo at masasamang propaganda dahil hindi biro ang dami ng mga nalilinlang at ilan pa nga sa kanila’y nasa antas na ng pagkapanatiko samantalang natural lang naman ang makatulong ang mga nasa hiram na kapangyarihan. Naglipana ang mga abusado sa larangan ng pulitika – pami-pamilya pa nga – at ilan din sa kanila ay napagsasabay ang pagnenegosyo habang nakapwesto, samantalang marami ang naghahanap ng mapagkakakitaan (nasa 2 milyon ang walang hanap-buhay at nasa 3-4% ang unemployment rate sa kasalukuyang taon)

“(T)he agriculture sector lost 1.6 million jobs due to the impact of El Niño and Typhoon Aghon, while geopolitical tensions in the West Philippine Sea negatively affected fishing activities in the area… (NEDA Secretary Arsenio) Balisacan underscored the importance of disaster preparedness and support for workers affected by disasters and weather disturbances, particularly in agriculture. This includes improving meteorological monitoring and forecasting capabilities and providing livelihood support programs during disasters.” (National Economic and Development Authority, 2024)

Maraming “gains” at marami ring “losses” pero ang kambal na hamon ay huwag mainip at huwag pabaya sa tungkuling makipagtulungan sa agarang pag-ahon sa kahirapan ng marami nating kababayan. Halos wala talaga sa statistics ang laban, lalo pa’t hindi naman naipararating ang paliwanag at kumpletong impormasyon at datos sa mga aktibong namamasura, namamagpag para may makain at/o maipangkain ang kanilang pamilya. Kung hindi man aktibo, kumakalam ang sikmura, namumulubi sa lansangan o bangketa, o hirap nang maglaan ng oras sa mahahabang pila sa mga pampublikong serbisyong medikal ang mga maysakit at may nararamdaman. Sa naturang ulat ng NEDA sa talatang sinundan at sa maraming obserbasyon sa sakahan, palaisdaan, at pagbubungkal, pati na sa paghahalamanan at reforestation, sino ang makapagsasabing wala sa mga larangan nila ang kabayanihan ng makabagong panahon? Marami silang mapagtiis sa kabila ng kahirapan at kawalan ng sapat at regular na suportang pinansyal ng pamahalaan.

May kabutihan at may kadakilaan ding maituturing ang mga nasa adbokasiya ng pagmamasid sa naturang larangan at agarang pag-aambag dahil sila na mismo ang nasa mga larangan. Sariling kayod, sariling bulsa. Sarili, pero hindi mapagsarili. Merong kapwang pinagsisilbihan kahit wala sa pwesto ng paglilingkod na taumbayan ang binubuwisan para paswelduhin. Ang kabutihan at kadakilaang iyon ay kabayanihan na rin. Maliit na papalaki. O pinagsama-samang maliliit na ambag na may malaking kapakinabangan sa mga pinaglilingkurang komunidad.

Mahirap naman sabihing “simpleng pagtulong” ang kanila. Paano ang kanilang pamilya at ang sarili nilang kalusugan o katandaan? Kaya kabayanihan ang may pinagkatandaan. Kung tumatandang may pagbabago sa buhay at nakapagdudulot ng pagbabago sa kapwa, kabayanihan din iyon lalo’t kilala ang lahing Pilipino na hindi maramot sa pagpaparangal sa mga karapat-dapat mapangaralan. Dahil diyan, dadako na tayo sa problema – sa sobrang parangal.

Itinuring nang poon ang mga tagapaglingkod kaya naroon ang tendency o namimihasa nang mang-abuso sa kapwa alang-alang sa sariling kapakanan, isang patunay ito ng culture of impunity. Tutulong kunwari, pero kakabig nang mas malaki sa “tulong.” Sisikaping magposturang hirap sa paglilingkod, pero perpektong pamemeke at pagmamaniobra ng emosyon ang ginagawa para matiyak na maiboboto sila at maiboboto nang walang katapusan sa kabila ng term limits at anti-political dynasties na probisyon sa Saligang Batas.

Melody M. Aguiba, 56

Yumao noong Agosto 22 ang maraming beses na naging Reporter of the Year at Hall of Fame awardee ng PAJ o Philippine Agricultural Journalists, Inc. na si Melody Mendoza Aguiba sa edad na 56.

Si Aguiba ay kapwa bayani ng kanyang lahi at bayani ng kanyang pananampalataya.

Nagsilibi siyang resource person sa mga pagsasanay sa mga propesyunal at mag-aaral sa larangan ng pamamahayag, sulating pang-agham, pero higit na makikilala siya sa hustong ambag niya sa panitikan sa science communication, at pag-uulat ng takbo ng negosyo, teknolohiya sa agrikultura at repormang agraryo saan pa kundi sa Pilipinas na nakagisnan ni Aguiba na bansang agricultural and archipelagic.

Hango sa institutional briefs nina Mariechel J. Navarro at Sonny Tababa (2009):

“Among those who participated in these media workshops was Melody M. Aguiba, a reporter of the Manila Bulletin, a national daily newspaper reputed to have the highest circulation figure in the Philippines. Manila Bulletin ranks as one of the top three national newspapers, along with the Philippine Daily Inquirer and the Philippine Star. A former freelance writer and a university teacher of journalism… POWER OF MEDIA TO EDUCATE (She says:) ‘As far as I can remember, writing has always been a passion. In high school, I took a journalism elective and eventually rose from being a staff writer to editor of the newsletters Campus Light and Baptist Messenger. Science also fascinated me.’ In college, Melody took interest in the Strategic Defense Initiative that was proposed by the United States government to use ground and space-based systems to protect it from attack by strategic nuclear ballistic missiles. She read about this in magazines such as Discover and Popular Science. ‘It is amazing how powerful a medium the magazines are to educate non-scientists like me,’ she says to illustrate the importance of popularizing science to the laymen.”

Nakaburol si Aguiba simula Agosto 25 sa Chapel of Chimes sa Garden of Memories (Pateros) kung saan din siya ililibing sa Agosto 28 kasama ang dati nang mga yumaong magulang na sina Rodolfo M. Mendoza at Dolores R. Mendoza. Taos-pusong pakikiramay sa pamilya Mendoza-Aguiba, lalo sa asawang si Yolando Aguiba at anak nilang si Maro Aguiba. May iniwang salita sa atin si Ma. Lourdes “Melody” Mendoza-Aguiba (araw ng pagsilang: Oktubre 23, 1967) sa pagkaka-quote sa kanya sa Brief 40 – Communicating Crop Biotechnology: Stories from Stakeholders, sa publikasyon ng International Service for the Acquisition of Agri-biotech Applications (ISAAA, 2009). Aniya: “A media person can contribute to poverty reduction and economic development if he thinks of these as a mission in life, if he deems writing to be both a profession and a vocation.”

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.