Kailan nagiging mali ang pamantasan at tama ang mga mag-aaral?

0
588

Kailangang magbalanse nang maigi sa tuwing may mga nagbabanggaang karapatan. Maaaring tama ang mag-aaral pero may desisyon na ang propesor niya at, sa pangkalahatan, ang individual academic freedom ng propesor ang nasusunod. (May institutional academic freedom din ang higher education institutions.) Kwestiyunin man siya ng estudyante, hanggang doon na lang iyon. Pagpag-kamay si prof, at iiyak mo na lang iyan, Totoy/Nene. Ibang sitwasyon naman: Paano kung nagpoprotesta ang mga mag-aaral at mismong kaguruan (faculty) ang sumusuporta sa kanila?

Hindi na bago ang pagkiling ng mga propesor sa university student demonstrations sa halos lahat ng kontinente. Natututukan ng mga camera ang kaganapan sa Estados Unidos at sa Europe kaya ang dating ay doon lang ang malalakas at patuloy na lumalakas na mga panawagan. Pero hindi lang sa kanila. Sa Pilipinas din.

Maaaring tumatamlay ang mga protesta, pero dahil iyon sa pagpapakabuti ng mga pamahalaan at mga pamantasan. Kaso, sa pag-ikot ng mundo, bumabalik din ang problema. Bumabalik ang mga pang-aabuso, pagwawaldas ng pampublikong pondo na ang malaking bahagi ay dapat na napupunta sana sa sektor ng edukasyon (pangkalusugan at pagawaing bayan din).

Dati: “The British are coming!” Ngayon: “The fascists are coming!” (Ressa, 2024)

Merong labintatlong estudyante ng Harvard ang hindi pina-graduate. Dahilan: Kakaprotesta nila, kakasigaw nila laban sa itinuturing nilang mapaniil na lipunan kontra sa lipunan ng iba. Itigil na ang digmaan, karahasan, kagutuman sa Gaza, anila.

Hindi na mapigil-pigilan ang pagdagsa ng mga ralyista sa kalsada mula sa malalaki at kapita-pitagang pamantasan sa mundo. Ang tanong: Kung mali ang mga nagpoprotestang estudyante, bakit pa sila nasusuportahan ng university staff and faculty? Baka wala namang mali at pinalalala lang ang turing sa kanilang ginagawa hindi para sa sarili kundi para sa bayan at sa sangkatauhan.

Sa nag-iisang frame sa TV, nasa kaliwa ang host-interviewer, nasa gitna ang isang estudyanteng “nakatapos na ng lahat ng requirements para magkadiploma” pero naparusahang hindi mapabilang sa Class of 2024, at sa kanan, isang propesora. Kinaklaro muna ng guro na ang katabi niya at ang iba pang mga mag-aaral ang unang may panawagan. Matapos nito, motu propio silang mapakikinggan ng kaguruan, at doo’y mamumuo ang pinagsanib na pwersa ng studentry-faculty. Pero sumusuporta lang ang faculty, hindi sila ang promotor ng panawagan, sang-ayon kay prof.

Mahalaga ang naturang paliwanag. Isipin mo na lang, ikaw na nagtuturo, matapos mong turuan ang mga kabataan, kakikitaan mo sila ng konkretong aplikasyon ng mga naituro mo. Tunay ngang hindi nagtatapos ang pag-aaral at pagkatuto sa apat na sulok ng silid-aralan. Lalabas at lalabas ang mga mag-aaral, makikihamok, magpupursige, magdodoble o tripleng gawain, dahil merong ibang tao sa paligid nila na nagbabalewala sa pagtupad sa tungkuling napakalaki ang ambag sa proseso ng katarungan at kapayapaan, pero mga sariling kapakanan ang inaatupag.

Kung oras ng gulo, tulog. Kung kailan namang may mga giyera, saka pa mapagwaldas ng pera.

Kaya hindi masisisi ang mga mag-aaral na mangalampag ng mga natutulog sa tungkulin. At heto na, hindi masisisi, dahil doon, ang mga tagapagturo, na magbigay ng karampatang suportang emosyonal, na naisasabuhay sa papel sa paraang ipepetisyon sa pamantasan ang karaingan ng mga kabataan gaya ng nangyari at nangyayari sa Harvard. Sa abot ng kanilang makakaya, patuloy nilang hinihiling na marebisa at maisama sa listahan ng mga magsisipagtapos ang mga lider-estudyante (tapos na ang seremonya ng pagtatapos).

Speaking of leaders, hinimok ang mga nagsipagtapos sa Harvard na kung nais nilang manguna sa lipunan gaya ng pinangangalandakan ng kanilang respetadong institusyon ng karunungan, gawin na nila ito ngayon. Hindi bukas. Mauubusan na raw sila ng mga isyung napapanahon, mga samu’t-saring suliran at kung bukas pa sila aaksyon, paano pa ang panawagan ng nag-arugang alma mater nila na umaasang sila ang mamumuno? Maaaring huli na ang lahat at wala nang kakailanganing liderato o pangunguna bukas, sang-ayon sa naturang paghimok ng kanilang panauhing pandangal at tagapagsalita sa madamdamin at maaksyong pagdiriwang ng kanilang pagtatapos sa pag-aaral.

Nauna nang binati sila sa kanilang pagtatapos dahil talaga namang sila’y “battle-tested.” Na-lockdown sa COVID-19 pandemic, at nasundan pa ng dalawa sa pinakamamalala, pinakamagastos (at patuloy pang pinagkakagastusan at inaarmasan ang mga bansa), pinakamapanghating digmaan sa kasaysayan ng daigdig. Kulang ang pagbati. Nagsanga-sanga ang problema ng mga bansa na nagpagulo sa kalendaryo ng mga gawaing pangkampus at pagtuturo at nahirapan ding magkaintindihan ang mga estudyante at kanilang mga magulang dahil bukod sa nawalay sa piling nila, mas magastos ang sitwasyon na nauwi pa nga sa patong patong na utang. Kung sumapat ba ang teknolohiya at metodolohiya sa online, face-to-face, at blended learning, hindi na masusing pinag-uusapan ang mga iyon sa mga bulwagan ng kongreso ng mga demokratikong bansa, bagama’t sapat ang pananaliksik at maraming tagapagsaliksik mula sa mga pamantasan.

Kinulang man sa pagbati, sumapat naman sa halos perpektong pananalita ang commencement speaker. Iba talaga ang speech. Sabi ko nga sa post ko sa X (dating Twitter na dating nasa twitter.com, ngayo’y nasa x.com na lang; pwede pala iyon): Action speaks. Speech entails action. Harvard is getting better now, I guess.

Hindi kabisado ni Maria Ressa ang kanyang talumpati. Master niya ito.

Naalala niya si Mark Zuckerberg na isa sa mga nagtatag noong 2004 ng napakamakapangyarihan na ngayong social networking site na Facebook. Parehas daw kasi silang napiling magtalumpati sa harap ng mga napakatatalinong estudyanteng magsisipagtapos (batch 2017 ang kay Zuckerberg); tiningala siya at ang Facebook ng graduating class noon. Ngayong 2024 nama’y ang Pilipinang Nobel Laureate at ang news site na Rappler.

Pero dito mo masasabing mas maigi ang panahon ngayon, kaysa dati. (Kalimitan, mas maigi ang panahon noon, kaysa ngayon kung titingnan mo sa antas ng pinasimpleng pamamaraan ng pagtuturo at pagkatuto, pati pagtitiis pero malayo ang ninais at narating para ang kasalukuyang henerasyon naman ang pangunahan at pagtiisan sa dami ng gadget at oras sa kalayawan.)

Bagama’t hindi o (pinaka-hindi) makontrol-kontrol ang teknonolohiya sa impormasyon at komunikasyon, may mga kabataang mag-aaral na namumulat, may mga mamamahayag na bumubusisi ng kung ano-ano ang “facts, truth, trust” kung meron man (Ressa 2021).

Kung panatag tayo na hindi maalon patungong Panatag Shoal; kung maayos kausap ang mga kapit-bahay natin; kung payapa tayong nakapaglalayag; kung atin talaga ang atin (tutal hindi naman natin inaangkin ang South China Sea kundi yung ating West Philippine Sea lamang); kung ang mga pinuno ng mga bansa ay puno ng pilosopiya at integridad, sa halip na katraydoran at pagkakamal ng salapi at kapangyarihan; kung walang krisis sa edukasyon; kung walang nagugutom; at kung walang napapatay o nakukulong sa maling akala o gawa-gawang akusasyon; masarap talagang pakaisiping hindi tayo nangangailangan ng pangangalampag. Masarap isiping magsusunog lang ng kilay ang mga mag-aaral, magtuturo lamang ang mga tagapagturo, at hindi magpapakaaktibong gamitin ang karapatang magpahayag at humingi ng makabuluhang pagbabago ngayon. Muli, hindi bukas kundi ngayon dapat kakikitaan ng pagbabago.

Kung saksi ang mga durungawan at pader ng pamantasan sa kabuktutan, pagmamalabis, pamemera, pagbabalewala sa karaingan ng mga mamamayan, maaaring maging tama ang mga mag-aaral. Maling order. Maling kagawian. Hindi lang sa pwede silang pakinggan, kundi maaari rin silang suportahan.

Hindi mahirap unawain ng mga propesor iyan. Batid nilang mahuhusay sa paggamit ng mga makabagong kagamitan ang mga kabataang nakatuntong ng kolehiyo at, higit sa lahat, hindi nagpapabayad ng prinsipyo ang mga kabataang mag-aaral lalo na kung ang pagkamamamayan nila ang nakataya. Dahil dito marami na ring desisyon ang Korte Suprema sa Pilipinas na pumapabor sa mga progresibong estudyante at hindi pumapabor sa mapaniil na gawi ng ilang pamantasan.

Inaasahang mag-aaral din ang mga namamahala ng pamantasan kung paano sila magtatama ng mga nakakitaang mali sa kanilang pamamahala na kalimitan ay hinggil sa due process o kawalan nito. Nauulit kasi ang kasaysayan. Baka nagkakalimutan. Sa hanay naman ng mga nagkokolehiyo, inaasahang sa kabila ng pagtatanggol sa mga karapatan, hindi mawawala ang kanilang kababaang-loob, pagkamagalang, at pagpapakahusay/pagpapakadalubhasa habang kapiling sila ng pinakamamahal nilang pamantasan.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.