Kawalang paki at kahinaang mabiktima ng maling impormasyon

0
523

May mga aksyong itinuturing ni columnist/professor Randy David na walang matinong politikal na posisyon. Ayon pa sa 2019 Fukuoka Grand Prize winner, gamit ang paliwanag ni French sociologist Pierre Bourdieu, alam naman daw ng mga botante lalo na ng mga hirap o etsapwera sa ekonomiya na wala silang kakayahang magbalangkas ng kanilang mga opinyon sa mga tanong pulitikal. Ang resulta nito, sa tingin ni David, ay kawalang pakialam at kahinaang labanan ang anumang uri ng maling impormasyon.

Sundan natin ang matalinong sosyolohiya na iyon.

Isang alituntunin sa lipunan ang maglahad ng katotohanan. Kikita ka rito, bagama’t hindi pangunahing pakay ang kita. Ang masakit sa makabagong panahon, merong gumugulo sa alituntunin at para bang nag-aanyong makabagong sistema: kita sa pagsisinungaling.

Naging industriya na ang paglalahad ng fake news, dis/misinformation, pati ng deep fakes o mga ginagamitan ng teknolohiya sa deep learning para makalikha ng pekeng video. Kapag sinabi nating nakakabahala na ito, palagay ko’y hindi lang ganoon. Isa na ito sa mga krisis na maidaragdag nating laganap sa mga bansa. Sa Pilipinas, maraming kabataang litong lito sa kung alin ang dapat paniwalaan. Alin ang tama, alin ang mali, at alin ang walang kiling? Lumaganap ito noong 2010 at pinaigting halos linggo-linggo sa loob ng taong 2016, hanggang sa araw-arawin na ng mga kampon ng kadiliman sa mga nagdaang tatlong taon. Grabeng paghahasik ng kasinungalingan! Maituturing nating mas tuso pa sa Tsina ‘pagkat mga produkto lamang ang pinepeke doon, ngunit sa kaso natin, pati serbisyo ay napepeke at pinagkakakitaan. Mas aktibo sa social media, mas malaki ang kita.

Nakalulungkot dahil para na nilang pinasusunog ang kanilang kaluluwa habang nasa mundo pa lamang. Masakit tanggapin, ngunit pinangungunahan ng mga dinastiya sa ating pulitika ang ganyang kampon. Nasa ating mga bakuran ang mga ganyang klase ng mga pulitiko. Nasa mga gusaling pampamahalaan din. Sabi nga, isinuka na, tinatanggap pa at kaya pa ring masikmura.

Bagamat sa datos ay mas marami namang estudyante sa kolehiyo sa Luzon, Visayas at Mindanao ang hindi nagpapaloko sa fake news na nadala nila hanggang sa makapili sila ng mga matitinong kandidato nitong Mayo 2022, malaking problema pa rin dahil pansamantalang nanaig ang mga manloloko dahil sila ang wagi sa eleksyon. (Siyempre, hindi pa rin natin nilalahat.)

May mga kabataang nawawalan ng pag-asa dahil, ayon sa kanila, pinag-igi nila ang pagpili ng mga susunod na lider pero may mga matatandang bumale-wala ng mga pinaglalaban ng mga kabataang mag-aaral. Operative word dito ang “mag-aaral” dahil ako mismo, nakikita kong wala nang masyadong paki sa makabagong takbo ng mapagmanipulang teknolohiya ang mga kapwa kong matatanda. Hindi na sila nagpaubaya sa mga kabataang talagang aral, nag-aaral, nagsasaliksik, at sila mismong may ideyalismo sa kinabukasan ng kanilang magiging mga anak at apo. Diyan nagkamali ang mga gurang. Sila pa rin ang nasunod samantalang kasabay ng paglipas ng panahon ay paglipas ng kanilang mga natutunan. Hindi biro ang mga dapat aralin sa ngayon, kaya sa aking mapagkumbabang pananaw, paghusayin natin ang edukasyon ng mga kabataan. At suportahan ang mga bagay na ikatatalino nila, sa halip na ikapupurol ng kanilang mga utak sa TikTok, Youtube at Facebook.

Sa pagpurol ng utak, nagiging lantad ang manipuladong pakiramdam at heto ang paliwanag diyan ni sociologist Randy David sa kolum niya nitong Linggo sa Inquirer:

“The blend of bitterness, anger, and cynicism that is encapsulated and communicated through memes require no verification. Strictly speaking, not all of these images are instances of disinformation, but they serve the same purpose — to tap hidden dispositions and manipulate feelings… Ferdinand Marcos Jr. played this game very well. He avoided political debate and the reasoned comparison of political programs that would unavoidably touch on factual questions. His campaign rested entirely on the combined myth-making power of the new social media and the old patron-client structures of traditional politics.”

Sa pag-iwas ng mga matatanda sa maling impormasyon at anupamang pamemeke, marapat lamang na magbigay tayo ng oras at resources sa mga kabataang mag-aaral. Pagyamanin natin ang kanilang kaisipan. Damay tayong mga nakatatanda sa pagdama nila sa atin.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.