Kawawang Sara, saan banda? Heto ang paliwanag sa awa

0
72

Kawawa naman si Sara.

Sinabi na niyang pekeng VP si Leni, pero naglabas pa rin ang Korte Suprema ng unanimous na desisyon na talagang tinalo niya sa bilangan at muling bilangan ng boto ang katunggali noong halalan 2016.

Sinabi na ni Sara na totoo naman daw iyon, pero pinagsabihan pa rin siya ng nanay niya na maging magalang sa duly elected VP. Alam siguro ng nanay niyang hindi abogado na ang kapasyahan sa electoral protest ang masusunod; hindi porke’t merong protestang hinain ang eventual UniTeam partner eh paniniwalaan na ang protesta.

Maagang nagnunumero uno sa presidential survey si Sara bago mag-2022 elections, pero ewan kung bakit (sadya o hindi sinasadyang huwag makinig sa ama) bigla na lang nakita ang sarili na sa halip magpresidente eh nag-VP ng kakamping katunggali o katunggaling kakampi (kung nakalilito, ang tatay niya ang asahan nating makapagpapaliwanag). Kung pera na naging bato pa, ayan tuloy naging “confidential na, naisasapubliko pa” (bagama’t marami pa ring katanungan at lehitimong pag-uusisa ang pilit na iniiwasan kasi nama’y pera ng taumbayan yun at hindi confidential fund na pambili lang ng abot-kayang hamburger kundi pambayad kina Mary Grace Piattos at Yoyoy Villame este Kokoy Villamin). Iyan tayo, kaya tayo itinuturing na napakasayang lahi. Nganga nga lang sa mga inaasahang plataporma ng mga pulitiko, kahit ang pinakamadaling plataporma ng “unity” (kung bakit pinayagang gawing plataporma sa halip na ilatag sa mga iniwasang presidential and vice-presidential debates), hindi rin natupad.

Kawawa si Sara kasi matagal daw siyang nagtititimpi samantalang ang mga netizen ay hindi nakaliligtaan ang panununtok niya sa sheriff, ang kawalan ng matinong paliwanag sa 19 days na paggasta ng tanggapan niya (actually naging dalawa pa nga ang tanggapan niya kasi mukhang napakahusay niya bilang kaibigan at manunulat ng mamahaling aklat na may paksang pangkaibigan). Teka ginasta ng 19 na araw, o 11 lang? O isang araw lang, noong Disyembre 20, 2022 via LandBank check under the name of OVP’s Gina F. Acosta to the tune of P125,000,000.00. Ilang 25-peso hamburger ang maipamamahagi sa mga gutom kung saka-sakali mula rito sa limpak limpak na salaping pambayan? Teka. Hindi natin pwedeng malaman kung saan talaga makararating iyon dahil confidential daw iyon kahit hindi galing sa sariling bulsa nila iyon. Ibig sabihin alam lang natin ang gastusin ng mga mahihirap, alam lang natin kung ano ang maitatawid ng ayuda, pero hindi natin alam, wala tayong kaalaman at karunungan sa kung paano maayos na magagamit ang milyon-milyon at bilyon-bilyong CIFs o confidential and intelligence funds ng mga ahensya ng ating mga pinasusuweldong lingkod-bayan. Hindi kaya ganito: Paglingkuran muna natin ang mga nakaupo, bago tayo makaupo mula sa pamumulubi sa pila ng ayuda?

May pila o wala, pinababalik ng Commission on Audit (COA) ang baha-bahagi ng mga ginasta umanong pondo sa maayos. Sentido kumon; susundan iyan ng tanong ng mga tao, “Oo nga ano, bakit nga ba pagkalaki-laki ng pondo “laban sa mga kaaway” ng DepEd at Tanggapan ni VP Sara.

Kawawa siya. Ginagalingan na nila sa drama, wa-epek pa rin sa madla. “Saan mo ginamit ang pondo?” huwag daw magkalimutan sa lehitimong tanong.

Kung nasisilip ng COA at/o nagpapasauli ito, confidential pa rin ba ang Q&A ukol rito? Kawawa siya. Mahirap iyon. Uusisain hanggang sa magkaalamanan ng truth and nothing but the truth.

Kawawa siya. Siya lang ang naiipit. Ha? Iyon lang ang akala niya o palabas niya.

Naka ilang meltdown na siya, ayaw pa rin siyang tantanan ng panghihingi ng kanyang paliwanag. Wawa. Huhuhu. Pero grabe naman yung mga pahayag na pugot-ulo, hukay-buto at itsa sa West Philippine Sea. (Uy, may nasabi rin siya sa wakas ukol sa WPS, sabi sa inyo hindi siya maka-China. Oo, iyon na yun.)

Walang kagatol-gatol ang mga pahayag na kung makakaringgan ng mga may murang kaisipan, hindi lang sila malilito at matatakot, mapapatanong pa kung iniisip pa ba natin ang kinabukasan ng susunod na henerasyon? Away dito, away doon. Nakaw dito, nakaw doon. Huwag makialam sa awayan ng nakawan. Ang hirap noon, ano po? Sa away-pulitika, ipinaglalaban pa ba ang magandang bukas ng mga kabataan?

Usap pa? Sara na. Kawawa. Mapapatay daw siya. Nag-hire tuloy ng papatay sa papatay sa kanya at oo raw ang sagot sa kanya ng naatasang mamamatay-tao. MMK o mukhang marahas kailanpaman. Sino pa ang kawawa? Meron naman tayong Diyos na maawain, kaso meron din tayong mga diyos-diyosang pulitiko at inaasahan natin ang pamumudmod nila ng pera.

PISI AT PAHABAAN

Nagtitiis si Sara at ang Die-hard Duterte Supporters. Pero meron ding hindi na makatiis. Kapit, Chief of Staff. Pero sa mga kabataang nakatutok, piliing maging Leila sa isang milyong Zuleika.

Sa nakamamatay na salita at nakamamatay na gawa, piliing huwag sabihin at huwag gawin ang mga ito. Paano? Isantabi ang kapangyarihan. Bagkus, kapangyarihan ng Diyos ang pahalagahan. Siya ang may awa. Alam Niya kung sino ang humihingi nito. Alam Niya rin kung sino ang mapagpanggap.

Sa mga matatanda, gamitin ang katandaan at yaman ng karanasan para sa makabuluhang pangangaral sa mga lulong sa gadget na kabataan. Gumamit ng mahabang pisi; ibig sabihi’y magtiis sa paliwanag. Huwag iasa sa PC. Kulang iyon. Maaabuso lang iyon. Dapat personalan, mata sa matang pagsabihan ang mga anak. Mahirap na. Kung lulong na, baka umabot na sa pag-demand ng kapangyarihan sa multiple realities na hatid ng mga gadget at pagkalulong sa mga ito. May Netflix pa pala sa kabila ng pinagdadaanang gutom, init, baha, karalitaan, pagkabaon sa utang, at ang di-madaling ipaliwanag na estado ng mga walang wala habang meron.

“I need power.” “I need more.” “I need P1 billion to solve this and that.” Pangaral ang kailangan nila. Iyan ang nararapat. May awa.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.