Kontrata o konsensya? Mapanlamang na abilidad o dignidad?

0
587

Nadadaan sa kickback ang ginagawang daan, at nasusunog ang pera ng taumbayan sa tuwing may naaatasang magsunog ng kilay para magpaganda ng lugar. Kapag nagtuloy-tuloy ang proyekto, tuloy din dapat ang anomalya, este ang “padulas.” 

Usapin ito kada administrasyon, bagama’t hindi natin nilalahat dahil meron pa ring imprastraktura at pagawaing bayan ang nasisimulan at natatapos nang may malilinis na transaksyon sa mata ng Commission on Audit (COA).

May katakot-takot na tiis, hindi ease of doing business. Sa pahirapang pamumuhunang lokal, makakukuha tayo ng ideya kung anong hirap o doble-hirap ang ipararanas ng mga taong gobyerno sa papasok na pamumuhunan ng mga dayuhan. Dapat silang sumabay sa agos para magkaproyekto sa bansa; kapag hindi, mahaharang lang ang kanilang magagandang layunin.

Kailan natin babaguhin ang ganitong kalakaran? Panahon na, kahapon pa.

Mahabang litanya iyan sa mga palabang kolumnistang katulad ni Jarius Bondoc na walang atrasan magkademandahan o padalhan man ng death threat. Marami pa bang papalit sa mga institusyong gaya ng kay Mike Enriquez na matapos mambulgar ng baho mula sa kinauukulan ay maninindak ng “hangga’t may anomalya, hangga’t may naaapi, hindi namin kayo tatantanan” at alam ng manonood na marami pang dapat isunod na bahong ibubulgar?

Tunguhin natin ang isang aspeto para matalakay na naaayon sa hinihingi ng espasyo at panahon: ang pinag-aaralang etika ng mga nagme-medyor ng pagkainhinyero at arkitektura.

(Itinuro sa akin, ituturo ko rin. Mahalaga noon, mas mahalaga ngayon dahil patuloy na sumasama ang sitwasyon. Kung may katotohanan ang obserbasyong mas marami ang nagugutom sa sobrang itinaas at itinataas ng presyo ng mga pagkain at bilihin, hindi ba’t aalingasaw din ang baho ng mga maanomalyang proyekto ng lokal at pambansang pamahalaan dahil kung hindi man wala ay kulang na kulang sa oportunidad ang mga pamilya na makaahon sa hirap ng buhay-probinsya? Yung urban poor pa.)

Pilosopiya, etika, lohika, at iba pang kursong saklaw ng humanidades at agham panlipunan na ilan sa mga tatatak sa murang kaisipan ng mga susunod na inhinyero at arkitekto kapag napasabak na sila sa paghahanap-buhay ay pawang mahahalagang sangkap sa tunay na kaunlarang pansarili at panlipunan. Pantulong ang mga ito sa kanilang paggamit ng sentido kumon at, mas mahalaga, sa kanilang malinis na konsensya o budhi.

Marapat ulit-ulitin: konsensya, hindi kontrata. Dignidad, hindi abilidad na manlamang sa kapwa. Pahahalagahan ang pagkaing ilalapag sa hapag-kainan na may kwento ng katapatan at tiyaga sa maghapong trabaho. Iyan ang tunay na magpapasaya sa pamilya sa araw at pupuno ng mga susunod na panalanging may pasasalamat bago matulog sa gabi.

Subalit may hamon ang panahon. Maraming matututunang labas sa poder ng pangalawang magulang. Kung anong dami ng magagandang aral sa Internet ay triple naman ang dami ng kalokohang ibabalandra sa mga murang kaisipan. Sila pa naman ang iniintindi nang maigi dahil sa mental health issues, bukod pa sa pagkahaba-habang panahong ginugugol sa gadget (kaso nga’y meron din naman silang mas inuunawang mga pasaway na matatanda).

Sa kabila nito, umaasa ang kaguruan na hindi mababalewala ang pagsusunog ng kilay ng mga nasa paaralan, kolehiyo, at pamantasan. Ipaglalaban ng mga mag-aaral ang pagbubuo ng magandang kinabukasan. Didisenyuhan nila ang bawat makabuluhang programa sa pagpapaunlad at babalangkasin ang kinakailangang estratehiya para makaiwas sa hamon ng napiling propesyon at anumang maaaring makapagguho ng katatagang heopolitikal sa hinaharap.

Makaiiging magbalik sa simula (basics) na nakapagpapatibay ng mga pundasyon: Huwag padabog na sumunod dahil iba ang pagsunod sa pagpapasakop; huwag nang pag-aralan ang mga bisyo dahil naniningil din ang katawan; at pag-aralan ang buhay at ang layunin mismo nito dahil may bukas pa.

Sa ganito, natitiyak nating malaki ang laban sa magandang bukas. Sa maliliit na kontrata o obligasyon, madaling pagtiwalaan nang sa gayon, pagdating sa mas malalaking kontrata, mas mapagkakatiwalaan ang mga kabataan. Tataglayin ng mga bagong sibol na Thomas Hobbes ang ngiti sa pakikihamok sa buhay dahil inaasahang mapagagaang ng mas makabago, mas disiplinadong kaisipan at mas mapagmahal na puso ang teoryang kontratang panlipunan. Mas maganda pa, sa hanay nila uusbong ang pamumunong nagtataglay ng tamang ehemplo.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.