Laguna pride Kyla Atienza, Jema Galanza: Walang ‘palakasan’ sa palakasan

0
1299

Meron na namang katuwaan ang mga miron, puro sila ngasngas laban sa mga namumuno ng basketball sa bansa. Meron namang mga pag-usad, mga mumunting tagumpay ang koponan ng Pilipinas sa paboritong laro nila Caloy Loyzaga at Jordan Clarkson, ngunit sadyang ganyan ang mga miron. Ika nga, mababaw lang ang kasiyahan ng mga miron kaya ibigay na lang daw natin sa kanila ang katuwaang iyan. May domino effect ba ang sigalot sa ibang laro? Wala. Harinawa.

Nasa kultura na — hindi ko sinasabing mayamang kultura — ng mga Pinoy ang basketball sa humigit-kumulang 50 taon matapos itong imbentuhin noong 1891 ni Canadian American PE instructor James Naismith, kaya nais kong subukang ipasok sa naratibo ang volleyball sa kababaihan upang may maunawaan o matutunan tayo at lumakas din tayo sa pandaigdigang pakikilahok. Parallel support naman sa dalawang sports, diba?

Dahil Laguna de Bay ang kinalakihan ko at una kong pinaglanguyan ang lawa, una kong nabibigyang pansin ang mga pinagmamalaki ng lalawigan: silang mga manlalaro mula amateur hanggang pro. Merong dating bokal na nasa PBA noon, merong amateur playing coaches, at merong mga putok na putok talagang pangalan sa pro leagues. Pinakahuli at ikinararangal kong maabutan at masundan pa ang kisig at tiyaga sa pag-aaral hindi lang sa laro sina Kyla Llana Magdaraog Atienza at Jessica Margarett “Jema” Casidsid Galanza na kapwa unang lumaro ng volleyball sa San Pedro Relocation Center National High School (SPRCNHS) bago magkolehiyo sa Maynila.

Parehong nagpakitang gilas sa magkakahiwalay na seasons ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sina Kyla na Rookie of the Year para sa Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws at Jema na nagbigay ng beach volleyball championship sa Adamson University (AdU) Soaring Lady Falcons.

Bago itanghal na Best Libero sa pro si Kyla noong 2019, nakapagbigay muna siya ng kampeonato sa FEU sa Shakey’s V-League noong 2014. Sa kasalukuyang namamayagpag na karera niya sa ilalim ng nangungunang torneo, ang Premier Volleyball League (PVL), pitong beses na siyang lumaro mismo sa finals para sa Creamline Cool Smashers, lima sa mga ito’y nasungkit nila Kyla ang titulo.

Ang kakampi niya mula SPRCNHS hanggang PVL na si Jema ang siya namang pangunahing sandata ng Creamline para muling maangkin ang saglit na nawalang korona nito sa PVL Open Conference noong 2019. Lubos ang paghanga ng volleyball community, lalo na sina champion coaches Sherwin Meneses, Tai Bundit at iba pa, sa mga patusok na palo at mataas na sports I.Q. ni Jema. Siya “lang” naman ang mukha ng pagbangon mula sa pagkadapa (read: injury) dahil sa ganitong papataas na antas ng laro ng pinagmamalaki ng lungsod ng San Pedro: 2018 PVL Open Conference 2nd Best Outside Spiker, 2019 Premier 1st Best Outside Spiker, at 2019 Conference Most Valuable Player.

Lumaki ba ang mga ulo nila sa sunod-sunod na tagumpay sa loob at labas ng court? Hinding hindi, ayon sa mga kamag-anakan at malalapit na kaibigan nila Kyla at Jema.

Tandang tanda ng kababata’t kalaro mula sa Brgy. Bagong Silang na si Ruby Aldave na parehong spiker ang dalawa pero naging astig na libero ng FEU si Kyla. Isa itong pagsasalarawan ng versatility bukod pa sa kababaang-loob ng Queen Tamaraw. Hirap ang mga kalaban sa kanyang pagiging killer digger sa paglipas ng panahon.

Nasa puso nila Kyla at Jema ang kanilang pinanggalingan, ayon naman sa minsang nag-alaga ng kanilang kakayanan na si Coach Esterlyn Iday Orit noong mga dalagita pa lang sila.

Tanda ni Ruby: “Pareho po silang spiker dati ni Jema eh. Noong una ko po silang nakasama, humanga na rin po ako sa kanilang maglaro. Magaling na po talaga sila. Nakakampi ko po si Kyla sa inter-barangay (tournament) ng San Pedro. Mababait po sila.”

Edad 20 pa lang si Jema, maraming natakot, ang iba’y nag-alala, na baka raw hindi na makabalik pa sa magandang karera ang Queen Falcon matapos masaktan ang kanyang bukung-bukong sa isang mahalagang laro (Flores, 2017). Masdan ang larawan sa: https://tinyurl.com/mr3b74sv

Pinagpala ang dalawang manlalaro, sinubok din. Sa kabila ng humble beginnings, nagningning at nagniningning sila sa panahong meron pang naglalakihan at nagkikinangan sa kislap, mga kapwa bituin sa volleyball na sina Alyssa Valdez, Tots Carlos, Mika Reyes, at Michelle Gumabao.

Minsan, ang suliranin ay naka-ugat sa sponsorship. Malalim ito. Talamak ang ganitong problema sa basketball. Maganda na sanang pakaisiping merong pinaigting na sponsorships ang basketball at volleyball, ngunit meron ding mga insidente ng inggitan na kinasasangkutan ng mga sponsor. In short, “bata-bata” system. Ito ang huli sa kailangan ng mga manlalarong dapat sana’y nakapokus lang sa pagpapabuti ng kanilang mga larong pang-international at walang hilahan na makikita sa mga matatandang organizer at sponsor.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.