Libreng paaral sa kolehiyo, dapat ipagpatuloy at suportahan

0
1218

Mas marami na ngayon ang nagkokolehiyo, kabaligtaran sa mga nangyari sa mahabang panahon sa Pilipinas. Ang dahilan: may sistema ng libreng paaral. Tama na nga at malaking kaluwagan iyon sa mga mahihirap, kung bakit merong tumututol sa free tertiary education.

Doon sa mga kontra, tila ang pag-ayaw nila ay doon sa palibre ng pamahalaan sa mga anak ng mga mayayaman. May punto? Wala.

Sa daan-daang pampublikong pamantasan at kolehiyo sa Visayas, Mindanao, at lalong lalo na sa Luzon, nasa kanilang pangangalaga (parens patriae) ang mga mag-aaral na hindi nagmula sa mayayamang pamilya. Tanging UP lang naman ang merong ganoon. Babalikan natin ang UP nang may paliwanag maya-maya.

Binibigyan natin ng mandato ang state universities and colleges (SUCs) at mga kolehiyo at pamantasan na pinaaandar ng mga lokal na pamahalaan (LUCs) na magkaloob ng de-kalidad na edukasyon nang wala ng sisingilin pang matrikula. Hindi natin sinasabing bahala na ang mga pribadong higher education institutions (HEIs) sa mga tungkulin nila, kundi meron pa ring pag-agapay ang pamahalaan sa kanila, lalong lalo na sa ikasusulong ng larangan ng agham at pananaliksik dahil meron naman silang complementary roles (private-public) sa bansa at may kaukulang pagkilala pa rin sila sa mga ahensya ng pamahalaan gaya ng CHED at SEC.

Kung walang libreng paaral sa kolehiyo, maling ekonomiks iyon dahil mapapatambay sila o pipilitin lang nating isalpak sila sa larangan ng paggawa nang walang sapat na kasanayang pang-21st century. Hilaw kumbaga. Nakatutulong man ang TESDA sa skills development, ngunit mas pipiliin ng mapiling ina ang college diploma para sa kanyang anak. Sa bahagi naman ng nakatapos ng senior high school, alam ng mag-aaral na may ibubuga pa siya at hahangarin niyang makatuntong sa kolehiyo at makatapos sa hirap ng buhay at kompetisyon.

Sa babagsakin o hindi nakakapasang mag-aaral sa kolehiyo, bagama’t marami-rami iyan, hindi kaya bagsak din ang suporta sa libreng paaral ng pamahalaan? Hindi sapat ang pondo, mahabang byahe pagpasok at pag-uwi sa tahanan kung hindi man kulang sa accommodation, limitado ang bilang ng mga bata at mga paaralang nakaa-avail ng programa nito kahit na may batas na, ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (R.A.10931). Mahusay ang batas na ito at ang mahalaga pa’y mapagpalaya sa kahirapan, kaya nagpapasalamat tayo sa principal sponsor and co-author na si dating Senador Bam Aquino at sa dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpasa nito.

Nasa 40 bahagdan ng mga mag-aaral ang napahinto noong kasagsagan ng pandemiyang COVID-19, ngunit hindi nangangahulugan ito ng kawalang interes na makatapos. Walang batayan o matinong survey na mas nanaisin ng mga nasa junior at senior high na hindi na sila magtatapos ng kolehiyo. Hindi dahil mataas ang kanilang pangarap, kundi dahil alam nilang kaya nila at, uulitin natin, may ibubuga pa sila.

Napag-iiwanan na tayo ng ibang bansa kung ang libre lang ay elementarya at sekundarya, pero nagawan natin ng paraang may libreng paaral hanggang kolehiyo. Bakit? Tawag ng tungkulin ng pamahalaan sa mata ng pandaigdigang pamantayan. Pangalawa at mas importante, edukasyon ang makapag-aahon sa mga pamilya sa kahirapan. Mas malaki ang naitutulong sa pamilya ng anak na nakatapos sa kolehiyo kaysa sa hindi nakatapos sa napakaraming pagkakataon.

Sinasayang daw ng mga kabataang mag-aaral ang kaban ng bayan? Huwag naman natin silang siraan ng dangal. Hangad nila ang mas magandang bukas na taglay ang mas mataas na pinag-aralan. Nataong maraming kinahaharap na suliraning mabigat-bigat na nangangailangan ng suporta ng pamahalaaan. Kung ang bilyon-bilyong confidential and intelligence funds pa ang pupuntiryahin sa halip na sabihing nasasayang ang gastusin sa libreng paaral sa kolehiyo, mas mauunawaan pa iyan ng mga magulang.

Sa pangungulelat ng higher education sa Pilipinas, bakit University of the Philippines pa ang pagbabalingan ng sisi samantalang sa kabila ng pinagkakasyang napakaliit na badyet, halos daigin nito ang mga premyadong pribadong De La Salle University at Ateneo de Manila University sa napakaraming pagkakataon sa World Rankings (THE at QS). Dahil kalimitang nagnu-numero uno ang UP sa Pilipinas sa pamantayang pandaigdig sa kabila ng lahat, mas dapat pa nating pagtuunan ng pansin ang ikaiigi ng badyet ng premier state university na ito lalong lalo na para sa pansuporta sa mga kabataang mag-aaral, kanilang mga propesor, mga pasilidad, at iba pa. Sa pangunguna ng UP – na itinuturing na sui generis o kakaiba ni Rufus Rodriguez na isang beteranong mambabatas – ipinakikita natin sa mundo na nagnanais din tayo ng de-kalidad na edukasyon, nakikipagsabayan sa mga matatatag at may malalaking badyet na pamantasan sa Amerika, Europa, at Asya sa World Rankings. Magandang balita rin na tumataas din ang ranks ng ilan pang SUCs kaya isang matalinong pasya ang parating sumunod sa itinatadhana ng Saligang Batas na dapat pag-ukulan ng pinakamataas na badyet ang edukasyon. Sa kaso ng UP, nabawasan pa ito sang-ayon sa General Appropriations Act (GAA). P22.59 bilyon lamang ang ilalaan sa UP sa 2024, mas maliit kumpara sa P23.11 bilyon ng 2023.

Ang ilalaang P51.1 bilyon para sa libreng paaral sa kolehiyo sa buong bansa ay wala pa sa isang bahagdan ng P5.768 trilyon na kabuuang badyet na minumungkahi para sa susunod na taon. Isa na naman itong pagpapakita ng maling prayoridad ng pamahalaan bukod pa sa pinaangat na confidential funds at pinaraming ahensyang kukubra nang malaking malaking halaga pero maliit na maliit ang oras sa paliwanag at maliit na maliit ang pagpapahalaga sa transparency kung may halaga pa nga ba sa kanila ito.

Gayunpaman, tuloy ang laban at panalangin para sa mabuting pamamahala. Pinag-uusapan natin ang mataas na edukasyon; ibig sabihin, may natututunan dapat tayo. Hindi “free” ang pangungurakot.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.