Lisensya ng taxi driver sa nag-viral na overcharging sa turista, sinuspinde ng LTO

0
126

Pinatawan ng 90-day preventive suspension ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang taxi driver sa nag-viral na video habang naniningil ng P10,000 na pamasahe sa isang dayuhang turista sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa ipinalabas na show-cause order (SCO) ng LTO kay Chief Vigor D. Mendoza II, tinukoy na nilabag ng taxi driver ang tatlong probisyon ng Joint Administrative Order 2014-01, partikular sa labis na paniningil, kawalang-galang at pagmamataas sa mga pasahero, at paglabag sa prangkisa.

“Sa patnubay ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista, nakikipag-ugnayan na kami ngayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga sanction na maaaring ipataw sa operator ng taxi,” pahayag ni Mendoza.

Ayon sa LTO, nagsagawa sila ng imbestigasyon gamit ang CCTV footage na naging susi upang makilala ang taxi. Natagpuan ang sasakyan sa parking area ng taxi company sa Valenzuela City. Ayon sa operator, nagbakasyon ang driver sa probinsiya matapos mag-viral ang video.

Dagdag pa ni Mendoza, hindi nagreport sa trabaho ang driver mula nang huli siyang magpakita noong Disyembre 19 para i-remit ang kanyang kinita sa may-ari ng taxi. Pinaniniwalaang nagtatago siya, at ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang LTO sa Philippine National Police at sa lokal na mga tanggapan upang matukoy ang kinaroroonan ng driver.

“Nakikipag-ugnayan na kami ngayon sa Philippine National Police at sa aming mga lokal na tanggapan para mahanap ang lalaking ito. Hindi tayo papayag na palampasin na lang ang ginawa niya dahil nagdulot ito ng kahihiyan sa ating bansa, at sa lahat ng Pilipino,” ani Mendoza.

Sa una nang pahayag ni Secretary Bautista, pinagbawalan na ang buong fleet ng taxi company na mag-operate sa NAIA.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo