Sa tingin ng ilang kongresista, kakailanganin nila ang walong bilyong pisong badyet na nakalaan sana sa halalang pambarangay at kabataan ngayong Disyembre. Huling eleksyon nila’y noon pang 2018. Sa lumalalang klase ng mga pulitiko at dumaraming pami-pamilyang political dynasties, kasunod niyan ang kanilang pangangailangang pansarili. Sa huli, napipintong muli na naman nilang ipagpapaliban ang eleksyon sa ibaba.
Tipid! Mali nga lang.
Kailangan ang sariwang mandato ng paglilingkod sa mga pinuno ng barangay at Sangguniang Kabataan. Fresh mandate equals renewed public trust. Kung bakit sila nakaupo at patuloy na uupo ay dahil sa mga taong pumiling sila’y paglingkuran. Mahalaga ang regular nilang halalan. Bagsak sa mga pamantayan ng demokratikong pamamahala kung appointing power ang mananaig, sa halip na boto mismo ng nakararami.
Nasa maayos na pamamalakad kaya nahahalal muli si Kapitan. Mahusay ang nilatag na plataporma ni SK Chairman kaya siya ang pinili ng nakararaming kapwa niya kabataan. Ang dalawang iyan ay basic o pangunahing presumption o pagpapalagay. Ang panghihimasok ng appointing power sa mga nakatataas sa kanila ay hindi inaasahan. Silang mga nasa itaas pa nga ang dapat sanang asahang maging mga sandigan ng mga botante dahil sila ang direktang apektado ng kawalang ganang mag serbisyo ng mga tao sa barangay hall o kaya nama’y sila ang direktang benepisyaryo ng kakisigan sa paninilbihan ng mga matitinong opisyal ng barangay.
Sablay na paraan ng pagtitipid ang pinaiiral sa ilalim ng nagkukubling demokratikong pamamahala pero hindi naman naganap/nagaganap ang halalan.
Kaya hindi tuloy nakapagtatakang kahit pandemiya na sa buong mundo, “flawed democracy” pa tayo sa matalas na pag-aanalisa ng mga datos sa Democracy Index. Nakabatay ito sa limang kategorya: electoral process and pluralism, functioning of government, political participation, political culture, and civil liberties. Hindi tayo “full democracy.” “Flawed” ang sa atin na sa Filipino ay may saling depektibo at/o may sira (damaged). Ang Democracy Index ay may mga datos na hawak ng The Economist Intelligence Unit na umalam kung ano ang takbo ng pandaigdigang demokrasya noong 2021. Sumasalamin ang ganyang pangit na pagtaya sa patuloy na negatibong epekto ng COVID-19 sa demokrasya at kalayaan sa huling dalawang taon. Makabawi nawa tayo sa 54th rank na ito sa buong mundo. Ituloy natin ang eleksyon. Bahagi ito ng pagtatama mula sa ibaba at paitaas. Ito’y mula sa pinakamaliit na local government unit (LGU) papunta sa iba pang mas nakatataas na LGUs at pambansang pamahalaan. Isa pa – mas mahalagang dahilan – merong ideyalismo ang mga kabataan sa SK/Barangay. Huwag sayangin kundi palakasin natin ang boses ng mga may mas sariwang pag-iisip at pag-ibayuhin ang pakikilahok nila sa pamamahala ng mga nakatatanda.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.