Mamahaling barya, alay ng San Pedro sa mga nagpapahalaga sa kasaysayan

0
1103

Kakaibang di-pormal na anibersaryo ang laman ng usapin sa Lungsod ng San Pedro, Laguna kahapon. 25 taon ang nakalilipas, nabasag ng backhoe ang isang banga. Ang laman: libo-libong pilak na barya noong 18th-19th century. Sa “Old silver coins found, looted” (https://tuklas.up.edu.ph/Record/IPN-00000087950) na inulat ko sa Inquirer noong 1997, merong 67 coins ang na-recover ng mga awtoridad samantalang libo-libong barya pa ang natangay ng ilang tricycle drivers at mga tambay. Sa mga kwentuhan sa social media, may mangilan-ngilang nalungkot sa pagkawala ng mga barya at lamang na lamang naman ang mga nag-react positively, with matching “heart” and “like.”

Kabilang sa mga karanasang sinariwa ay ang pagbaba sa tulay, paghuhukay kasama ang mga kababata, pag-uusisa sa ginagawa ng pulisya, at simpleng pagtambay sa lugar ng pinangyarihang yumanig sa medyo tahimik, ngunit makasaysayang bayan. May mga sumaksi sa paglimas ng barya gamit ang mga tabo’t balde at kanya-kanyang kulasan para maiuwi, maitago, o maibenta ang mga ito. Pinaniniwalaan ng ilang nakatatandang residente na ang mga baryang laman ng nabasag na banga sa may tulay sa Barangay Nueva ay membership fees ng mga kasapi raw ng Katipunan. Ang ingat-yaman daw noon ay isang Guevara na dating may-ari ng lupa kung saan nahukay ang mga barya.

Hindi rin maisasantabi ang mga kwento sa “Mga Barya ng Pagsanjan” na dokumentaryo ni Howie Severino para sa I-Witness ng GMA-7 at napapanood din sa https://www.youtube.com/watch?v=i4yZPm5gHeQ. Sang-ayon sa ilang mga tao, naging tagpo sa kalakalan sa ilog o lawa ang pagbabayad ng barya na iniitsa basta-basta o hinuhulog na lamang sa mga banga o tapayan. Maaaring may kahalintulad ito sa kalakalan sa ilog ng San Pedro na nasa ilalim ng tulay sa may parte ng national highway.

Sa lahat ng kwento at natatagong lihim, isa lang ang natitiyak natin: May mayamang kultura at kasaysayan ang Pilipinas, partikular sa mga bayan ng lalawigan na kinalakihan ng pambansang bayaning si Jose Rizal ng Calamba.

Ang mayamang kultura at kasaysayan ay dapat ulit-ulitin sa mga talakayang pambayan at mga tema ng pananaliksik; kung hindi, baka huli na ang lahat gaya ng mga nangyaring pagkawala o pagkasira sa ilang mga kasangkapang pamana ng nakaraan sa buong kapuluan at mababalewala ang pinaghirapan ng ating mga ninuno, ang kanilang kasipagan, katapangan, at pag-ibig sa kapwa-Pilipino at sa bansa. Paano ang pag-uulit na iyon? Mall culture ba? Kultura sa museo dapat!

Sa kaso ng pagka diskubre ng mga lumang lumang barya at artifacts sa Mindanao, Visayas at Luzon gaya ng aksidenteng nabasag na banga sa ilalim ng tulay ng San Pedro, at ang laman nitong limpak-limpak na baryang pilak, marapat lamang na mapangalagaan nang husto ang mga ito. Anupa’t mga baryang nakaukit ang mga mukha nina Spanish Queen Isabella II at Alfonso XII. Kailangan itong mailagak sa museo. Pero kung dati (at kasalukuyan) ay nasa pangangalaga ito ng museo na dadayuin mo pa sa Maynila, sa aking pananaw, panahon na upang mga taga-San Pedro naman ang mag-alaga ng sariling kanila. Ngayon pa kung kailan hindi isa kundi dalawa na ang gusaling pampamahalaan ng lungsod. Kailangang may puwang ang isang bagong museo sa San Pedro, ito ma’y sa lumang municipal hall o sa bagong city hall, o kung saan man basta mismong sa loob ng lungsod. Sa pag display doon ng 67 coins (o higit pa), mamumulat at maipagmamalaking lalo ng mga residente ang kanilang kultura at kasaysayan. Madedepensahan din ang bagong museo sa San Pedro ng mga arkitekto at inhinyero rito.

Wala itong pinagkaiba sa mga naka-display sa Balangiga, sa UST, sa Baguio, sa Davao, sa kung saan man; salamat na lang sa Maynila pero kailangan nang maibalik ang mga ito sa San Pedro sa aking mapagkumbabang opinyon (at bilang dating napagpalang makabilang sa Tourism Council nito). Hindi lang iyon, mas mapalalawak ng museo rito – sa mismong bayan kung saan ang mga ito natagpuan – dahil inaasahang magiging tutukan at direktang makapanghihingi ng kagyat na feedback at iba pang saloobin ang mismong taga-San Pedro sa pangunguna ng local museum officials and archivists. Malay natin, makapagbalik pa ng mga barya ang ilan dahil sa pinatataas na antas ng “paglingon sa pinanggalingan.”

Mayors Vierneza, Cataquiz, and Mercado are expected to re/unite all in the name of San Pedro’s rich cultural heritage.  Pamanang hindi sa pera nakatuon, kundi sa mayamang kultura, pagpapahalaga at tamang tradisyon. Kaya may barya noon, buhay na buhay ang kalakaran ng mga San Pedrense. May lumang baryang nadiskubre (madidiskubre) sapagkat bunga ito, at halos eksaktong simbolo ito ng pagiging masinop ng ating mga ninuno, gayundin ang ipinamalas nilang pagsasaalang-alang sa hinaharap na tayo naman ang nakinabang. Pagbigyan naman ang bagong henerasyon sa San Pedro na mag-imis ng sarili nitong gamit – at magpahalaga sa totoong mahalagang barya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.