Mga tanikala ng kamangmangan at kawalang-interes, at ang turo ng pagbabago

0
609

Bago man lang mag-Hulyo, nawa’y malinaw na kung sino ang papalit sa napakahina pero napakabilis at napakalakas gumastos na kasapi ng gabinete ni Marcos Jr. doon sa Kagawaran ng Edukasyon. Una nang sinabi ng mga eksperto na kailangang magdeklara ng krisis sa edukasyon, kinalauna’y naideklara ngang ganoon, pero para bang ginawa lang gatasan ang tanggapan.

Walang ibang inaasahang makababawi sa krisis na ito kundi ang tagapagtalagang pangulo. Kalimutan niya sana ang pulitika at magtalaga ng bagong kalihim ng DepEd na hindi lang handang harapin ang krisis sa salita kundi sa gawa; ibig sabihin, may napatunayan nang kakayahan na mabubusisi sa maganda at lantad na track record sa larangan ng edukasyon.

Nagkamali siya sa unang pagtatalaga. Pwede kayang magkamali ulit? Hindi na siguro, pero makialam. Magmungkahi. Magpakasigurong pakikinggan ang mungkahi ng concerned teachers and parents para sa mga misyon ng pagtuturo, pagkalinga habang nag-aaral, at pagpapamulat sa pagkamamamayan at pagkamaka-Diyos ng estudyanteng Pinoy.

Pinakamahalaga, ani Professor Cielo Magno, “inspiring” ang susunod na mamumuno sa DepEd. Mahihikayat niya ang lahat ng sektor (hindi lang ng edukasyon) na makatuwang sa seryoso pero nababalewalang mandato ng departamentong merong pinakamalaking gastusin taon-taon kung nakabatay ang General Appropriations Act sa Konstitusyon.

Kapag sinabing inspiring, hindi natin sinasabing iparinig sa atin ng DepEd secretary ang lahat kundi gawin niya ang lahat para may makabuluhang pagbabago sa PISA at iba pang international and local assessments hinggil sa pagbabasa, pag-unawa sa binasa, matematika, agham, at ang huli pero lubha ring mahalaga, creative thinking.

Paano sinusukat ng PISA ang malikhaing pag-iisip? Kakayahan itong buuin, suriin at pahusayin ang mga ideyang gagawin.

“Creative thinking can be applied not only to contexts related to the expression of imagination, such as creative writing or the arts but also to other areas where the generation of ideas is functional to the investigation of issues, problems or society-wide concerns,” OECD pointed out. We can now ask ourselves how much discernment we have or how many of our students, for example, discerned the wisdom of dissenting opinions of Justices Carpio, Sereno, Perlas-Bernabe, Jardeleza, Leonen, and Caguioa in 2017 only to find out the completion of the interest of justice seven years thereafter in the acquittal of Leila de Lima on drug charges filed by the subsequently biased Department of Justice of the Duterte administration?

Sa pag-anunsyo ng pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang DepEd Secretary, iyon din ang araw ng paglabas ng malubhang resulta natin sa Creative Thinking assessment ng PISA bukod pa sa mga nauna na nating pangungulelat sa mga ranking. Iyon agad ang dagdag-hamon sa hindi pa man naitatalagang kahalili ni Duterte.

Lagi naman nating sinasabi, at napagdidiinan na ng EDCOM II reports, na mahalagang aralin ang mga datos na nagtuturo sa ating may mga problemang dapat kaharapin sa iba’t ibang aspeto ng kurikulum at pagtuturo, alokasyon ng budget at tamang prayoridad. Kabilang dito: mas maraming gusaling pampaaralan, mas mataas na pasahod sa mga guro, mas pinaunting gawaing administratibo ng mga guro, at mas pinatinding suportang pinansyal, pangkatawan at pangkaisipan (aklat, gadget, pang-internet, mental health services, etc.) sa mga batang mag-aaral.

Mahirap ipagkatiwala sa pulitiko ang posisyong kalihim ng DepEd, maliban na lamang kung nakakitaan na siya ng malinis na hangarin at walang bahid ng katiwalian. Minsan, hindi na nating tinitingnan sa malaking pagkakagastusan ng mga proyektong pampaaralan kundi sa laki ng puso ng paglilingkod ng tagapanguna. Maaalala natin si yumaong senador at dating DOH secretary Juan Flavier. Inspirado ang mga Pilipino noon, lalo ang mga nakabasa ng aklat na Doctor to the Barrios, Experiences with the Philippine Rural Reconstruction Movement (Flavier, 1970).

Sa Department of Health iyon. Pero kung tutuusin, ganoon din naman ang dapat nating mahanap at hindi mahirap hanapan ng pursigidong pinuno ng Department of Education. Marami-raming pa rin ang ideyalista, karamihan sa kanila ay may udyok ng pagnanais na maglingkod sa bayan na may halong pananabik sa pakikipagsapalaran gaya ni Vico Sotto na namumuno ng maunlad, payak, mapayapang Pasig kung saan naroroon ang head office ng DepEd.

Speaking of office, hindi malilimutan ang pagkakaroon ng ura-urada at marami-raming satellite offices ang Office of the Vice President (Basahin: https://www.coa.gov.ph/download/6023/office-of-the-vice-president/77693/office-of-the-vice-president-executive-summary-2022.pdf; https://newsinfo.inquirer.net/1796592/coa-ovps-fast-tracking-of-satellite-ofcs-led-to-disregard-of-procurement-rules). Diyan natin makikita kung nilalakaran nga ba ng pinuno ang tamang prayoridad, gaya halimbawa ng pagtutok sa kakulangan ng mga pasilidad, silid-aklatan, at silid-aralan, tutal lumalabas na napakalaki ng hinawakang budget.

Dahil diyan, sino ang may lakas ng loob para pangunahan ang Pilipinas sa pinakamalaking pagbabagong praktikal, ang gawing eskwelahan ang mga POGO?

Mayroong 300 illegal POGOs sa bansa, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). Sa kanila na mismo nagmula ang mungkahing gawan ng mga silid-aralan ang mga naggagandahan nilang sinalakay na POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga. Sinong mag-aakalang merong 36 na gusali na nakatayo sa compound na umano’y pag-aari ng suspendidong Bamban mayor Alice Guo? Sa kanya pa nga nakapangalan ang bill ng kuryente nito sa mga nagdaang buwan. Likod lang ng munisipyo ng Bamban ang POGO hubs.

Kung kaya niyang loko-lokohin tayo (katuwang mismo ang dating administrasyong maka-Tsina), tayo naman ang maghanap ng tao mula o dati, o sa labas ng DepEd na kayang seryosohin ang mga hamon sa kagawaran at seryoso rin nating susuportahan ang kanyang liderato. Kapag hindi mangyayari iyon, walang magbabago; makakabalita pa rin tayo ng mga silid-aralan sa sementeryo, at marami pang “only in the Philippines.”

Pero nakakaiyak din yung mga kwento ng mga batang pumapasok sa eskwela nang hindi nag-aagahan at mga hindi na talaga makapag-aral kasi katuwang na lang ng mga magulang para maghanap-buhay o magbabad sa sikat ng araw para humingi ng limos sa kalsada.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.