Nang magpangita sa kabilang buhay sina Ninoy at Marcos

0
951

“I knew that somehow, I will regain my freedom, maybe not in this world, but elsewhere, and I knew, that sometime, somewhere, Mr. Marcos and I will meet, and in that meeting, I will have my satisfaction.”

Sabi iyan ni Ninoy, ang numero unong katunggali sa pulitika ni Ferdinand. (Nilinaw ng una na walang oposisyon dahil pinaghuhuli nga sila at Martial Law sa Pilipinas.)

Namatay si Apo Lakay at nagpangita nga sila ni Ninoy noong Setyembre 29, 1989, isang araw bago ang napakahabang paglalakbay ng dating pangulo sa kauna-unahang pagkakataon na walang gastos ang taumbayan.

“Sumakabilang buhay ka na rin pala, Mr. Marcos. Heto ang malaking bato. Maupo ka.”

“Salamat, Mr. Senator, dahil napakahaba talaga ng nilakbay ko. Kahapon lang ako namatay.”

Nagkapalagayan ng loob ang dalawa, malayong malayo sa bratatat nila noong 1970s hanggang early 1980s. Hindi natin sinasabing may armas din si Ninoy; sadyang puro bratatat ang nangingibabaw sa kanilang dalawa noon dahil sa dami ng armas at dahas, bumabalik-balik lang ang ingay na puro alingawngaw, pero ang totoo’y isang panig lang ang may mga sandata at isang panig lang ang may dugo sa kamay. Napagkamalan lang na may armas din si Ninoy kasi kasagsagan ng pekeng balitang komunista siya noon.

“Noy, bakit hindi ka man lang sumuporta sa Bagong Lipunan?” tanong ng nasirang presidente. Tugon ni Ninoy: “McCoy na lang itawag ko sa iyo ha. Marami talaga kaming natawag niyan sa iyo noong nabubuhay ka pa at namamayagpag sa kagalingan sa umpisa pero kalokohan, karahasan, at kasinungalingan sa dulo ng pagkapangulo mo eh.” (McCoy ang apelyido ng isang Alfred na nangalap ng US Army records na nagpapatunay na marami sa mga medalya ni Marcos ay peke. Tunghayan: https://history.wisc.edu/people/mccoy-alfred-w/.)

“Ang alam ko, sinuka na yung Lumang Lipunan at, pagkatapos, babaguhin lang sa pangalan, hindi babaguhin sa gawa para mabago at mapaganda ito kung saan ang mga Pilipino ang tunay na makararanas ng kaginhawaan. Hindi nangyari, diba?”

“Paanong gagawin ko,” ani McCoy, “dumami na talaga ang kaaway ko at mga inggit sa akin, pati na nga sa mga nakakatabi ko sa Malacanang.”

Sumabat agad si Ninoy: “Marami kaming tinuring mong kaaway. Pero nasumpungan ng mga tao ang totoo: na pinaglololoko lang sila ng propaganda ng gobyerno mo, o ni Imelda, o conjugal dictatorship ninyong dalawa. Pero, hindi bale na. Magkasangga na tayo ngayon.”

Humikbi si Marcos, at napa-oo: “Magkasangga na nga tayo ngayon, pero katulad din naman iyan dati. Lahat kasangga ko, sila at kayong mga tumutulong sa aking gobyerno.”

Kung totoo iyon, ayon kay Ninoy, bakit daw nagawa nitong iparanas ang dahas sa kapuluan, sa kalsada, sa gabi at araw. Dagdag pa niya:

“Tanghaling tapat, merong TV/audio recordings, pinaslang ako pagbabang pagbaba ko sa paliparan, tapos sasabihin mong magkasangga tayo. Rehimeng Marcos iyon, diba? Napaligiran ako ng mga sundalo mo sa loob ng eroplano at sa pagbaba. Hindi naman rehimen ni Salonga iyon, o ni Tañada, o Diokno. Ikaw at si Imelda ang nasa palasyo, diba? Pero congratulations at naka-20 years ka sa poder ha.”

Inalala ni Marcos ang di-mahulugang karayom na funeral mass ng kaakbay na si Ninoy. Sabi niya: “Ninoy, nung ililibing ka, katakot-takot ang dami ng nakikipaglibing sa iyo, samantalang dalawang beses at dalawang seremonya ang pagkakalibing sa akin, at wala halos nakaalam, walang milyon ni walang libo ang nakipaglibing sa akin.”

“Pero…” Hindi na pinatapos magsalita si Ninoy ni Marcos.

“Nasundan yung dami ng tao sa EDSA. Mahal na mahal ka nila, Ninoy, kasi tatlong taon na ang nakalipas noong mailibing ka, at ikaw pa rin ang binabandera nila, kasama ang mukha ng iyong maybahay na lumaban sa akin sa Snap Election ng 1986.”

Nagkabalitaan ang dalawa ng mga yumao nilang mga mahal sa buhay, gayundin ang mga naiwan nila sa mundo. Dalawang Aquino presidencies ang sumunod kay Ninoy. At may isa na namang Pangulong Marcos mula 2022.

Nadulas si Marcos sa pagkakasabing “iskul-bukol ang Jr. ko, hindi makatapos-tapos ng pag-aaral pero hindi umayaw sa aming pagpapayaman, este, pagpapayaman at pagpapaunlad ng ating bayan.”

#NeverAgain #NeverForget

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.