Localized ang lahat ng pulitika, ayon sa konseptong pulitikal na laganap sa buong daigdig. Kung naisasalokal ang pulitika, ibig sabihin pala ay hindi maisasantabi ito. Pero bakit gayon na lamang ang panawagan sa bawat sulok ng Pilipinas na “isantabi na natin ang pulitika” lalo kung may papatapos na pamunuan at may papasok na bago?
Hindi na bago ang pagkukunwari, kaya’t sa tingin ko, nagkaka lokohan na lang kung may panig – kalimita’y parti-partido – na nagsasabing naisantabi na nila ang pulitika at meron na silang pakikipagkaisa sa ibang panig. Sunod na sasabihin, nagkakaisa na sila sa iisang layunin at iyon ay ang mapabuti ang kalagayan ng bayan, lungsod, lalawigan, o bansa.
Mahirap itong paniwalaan.
We can set aside differences, but not politics. Parang ang dating ng “pagsasantabi” ng pulitika ay makatutugon ito sa pagsasaayos ng mga lider ng mga gusot at maling kalakaran. Malabo ang layunin, at lalong malabo ang katuparan nito. Unang una, lahat ng konsepto ng pulitika ay maganda. Umiikot ang mga konsepto nito sa gawain ng pamahalaan, pagbabahagi ng kapangyarihan, pagtutuos ng palakad ng institusyong pampubliko, at ang pagsukli sa tiwala ng taumbayan. Kung gayon, ano pa ang isasantabi kung maganda naman ang bunga ng pulitika? Malinaw na ang pagkakaiba-iba ng paniniwala, ng layunin, ng mga pamamalakad at ng mga namamalakad ang maaaring isantabi. Mahirap ngunit posibleng maisantabi: ang pagkakaiba-iba.
Tao lang ang nagparumi (nagpaparumi) sa pulitika. Damay ang pulitika sa dumi ng isip. Inggitan at hilahan pababa. Tulungan sa lahat ng bagay pati kalokohan. Siraan, bait-baitan, at pagkukuntsabahan. Panahon na upang ibalik sa tamang konseptwalisasyon ang ating pagkamamamayan at pagsasabansa (nation-building). Pulitika ang kailangan. Bilang katunayan, may pulitika dati, ngayon, at magpakailanman. Sa malawak na pagtingin lalo na sa labas ng bansa, ang Pilipinas ay isang estado. Binubuo ang estado ng mga mamamayan, pamahalaan, teritoryo, at soberanya, kaya ang tanong ay: Meron naman – kumpleto naman – tayo sa apat na elemento ng estado, kung bakit hirap tayong isaalang-alang ang kapakanan ng Inang Bayan? Bakit ang pag-unlad ng Pilipinas ay nasusukat lamang sa paglago ng ekonomiya sa papel, ngunit ang naturang paglago ay hindi ramdam ng lahat at patuloy na may nalulugmok sa kahirapan?
Hindi naman ibig sabihin ay wala nang pag-asa ang bansa, ang lalawigan, ang bayan/lungsod, o ang barangay. Hindi naman ibig sabihin, wala tayong inunlad. Nataon lang na may bahaging tumatanda tayo at ang bansa natin ng paurong. Mayroong pag-unlad, mayroon ding underdevelopment. Nakatatamo ng katarungan ang ilan, at meron pa ring naghahanap ng katarungan samantalang ang iba sa kanila’y nawawalan na ng pag-asang darating pa ang katarungang hinahanap-hanap nila. Tumatanda na tayo, gayundin ang bansa. Huwag nating hayaang tumanda ng paurong ang ating kaisipan. Isama sa ating pamana ang tamang pag-iisip sa pulitika. Magtulong-tulong tayo sa kaayusan at angkop na trato sa pulitika.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.