Pag alala sa mga Tsinong tumulong sa pagtatanggol sa Pilipinas noong ikalawang digmaang pandaigdig

0
1517

Dumanas ng matinding karahasan at hindi maipaliwanag na takot ang sa lungsod ng pitong lawa sa ikalawang digmaang pandaigdig noong Pebrero 24, 1945. Sa araw na ito ay minasaker ang 650 Intsik.

Ang pinaka kasumpa-sumpang masaker ng mga Tsino ay isinagawa sa Brgy. Concepcion. Humigit kumulang 6,000 Filipino at Chinese na lalaki mula sa edad na 15 hanggang 50 ay tinipon sa lumang katedral ng San Pablo. Pinili ang 650 Intsik at dinala sa sa Ilog.  Lahat ay binayonte at itinapon sa mga kanal na sila mismo ang naghukay.

Ilang nasugatan ang nakaligtas at dinala sa isang lokal na ospital ngunit pinatay din kinabukasan. Ang ilang malubhang nasugatan ay gumapang pauwi sa kanilang mga tahanan sa tulong ng mga San Pableño. 

Kasabay nito, sa Los Baños, lahat ng mga Chinese na natagpuan sa bayan ay pinatay din dahil sa lumalakas na pwersa ng gerilya sa Laguna na nagpalaya sa mga bilanggo ng digmaang Amerikano mula sa internment camp sa Los Baños.

Ang malagim na kwentong ito ay nakasulat sa mga datos ng kasaysayan na tinipon ng  Bataan Legacy Historical Society.

May kultura ang mga Hapon na mag masaker noong WW2. Kabilang na dito ang hindi malilimutang Nanjing Massacre o ang Rape of Nanjing kung saan humigit kumulang na 300,000 ang minasaker at hindi mabilang na kababaihan ang ginahasa noong Disyembre 13, 1937 sa utos ni Matsui Iwane, commanding general ng Japanese Central China Front Army.

Nawa ay naging aral din ang malupit at malagim na sinapit ng 650 biktima ng Chinese Massacre sa San Pablo. Hindi lang sa mga taga pitong lawa kundi sa buong daigdig sana.

Mabigat ang aking dibdib dahil sa mga alaala ng digmaan na aking sinariwa. Sa aking pagbubuklat ng mga kasaysayan ng WW2, tumutulo ang aking mga luha. Hangad ko sana ay bumati ng Kung Hei Fat Choi sa mga Tsino. Bilang pasasalamat na din na noong panahon ng digmaan ay naging katuwang sila ng ating mga lolo sa pakikipaglaban sa kalayaan.

Ito ay bilang pag alala sa chinese battalion na tumulong sa pagtatanggol sa Pilipinas noong ikalawang digmaang pandaigdig. Pagpupugay, pakikiramay at pasasalamat sa mga kaanak ng mga miyembro Wha Chi Squadron o Philippine-Chinese Anti-Japanese Guerrilla Forces partikular sa San Pablo City. Maraming salamat po.

Xīnnián hǎo!  Xīn nián kuài lè!

Madalas na hindi nasasabi ngunit hindi nakakalimutan na ang Wha Chi battalion ay kasama ng mga sundalong Pilipino na lumaban sa mga karahasan at pananakop ng mga Hapones. Photo credits: PressReader
Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.