Pag-asa: Saan, paano, kanino at kailan natin aasahan iyan?

0
574

Sa isang kolumn ko noong Pebrero, gumamit ako ng isang verb o pandiwa sa magkakaibang tenses: “iasa”, “inaasahan”, at “aasahan.” Tamang tama, ang “hope” ay alam din naman nating napapanahon dahil umasa tayo sa “honest, orderly, and peaceful elections” or HOPE. Generally peaceful. Huminto na muna tayo sa ganoong paglalarawan ng katatapos pa lamang na May 9, 2022 elections, at sa mga susunod na mga linggo o buwan ay isusunod natin ang iba pang mahahalagang paglalarawan ng halalan.

May kulang na pangnagdaan sa aking naisulat – “umasa” – bagamat wala naman akong pinagsisisihan sa mga nagamit kong aspekto ng pandiwa dahil umaasa lang naman ako sa natural na daloy ng pagsusulat. Meron akong puntong nais tumbukin sa paksang pag-asa. Tila malayo ito sa paliwanag ng “hope springs eternal” pero malapit sa sikmura. Ating balikan ang bahagi ng naisulat ko labinlimang Marites, este, Martes pa lamang ang nakalilipas sa espasyo ring ito:

“(M)ahirap iasa sa mga mahihirap nating kababayan ang tamang pagkilatis sa mga gustong mamuno. Masyado na silang pinahirapan ng sitwasyon, bukod pa sa nilinlang ng mga mapagsamantala. Kailangan natin silang tulungan sa aktibong partisipasyon sa pagdedesisyon sa paraang kadama-dama o nararanasan. Inclusive growth ang maitutulong natin sa kanila. Mahirap ipaintindi sa kanila ang inclusive goal/s. Kailangang magpanabay ang pagtulong sa kanilang kabuhayan at paglinang sa kanilang kaalaman o sapat na edukasyon at sapat na panlipunang paglilingkod. Hindi rin pwedeng isisi sa mga mahihirap ang maling pagpili ng mga iboboto dahil sumusunod lang naman sila sa agos. Gaya nga ng nabanggit na, sila man din ay may sinusunod na prayoridad katulad ng paghahanap ng makakain sa maghapon, pamasahe bukas makalawa ng mga naghahanap ng trabaho, gastusing medikal at pang-edukasyon ng mga anak, pati na ang gastos sa bahay kung meron mang bahay o inuupahan. Maraming matututunan ang ultimate decision makers sa mga mahihirap nating botante. Kailangang makihalubilo sa kanila, makialam sa kanilang hinaing. Magdahan-dahan tayo sa maling pagturing sa kanila (pinakahuli’y “bobotante”) dahil pangunahing inaasahan nila ang mapalaya sila sa kahirapan na tungkulin ng Estado sa kanila, constitutionally and morally speaking…Matuto nawa ang mga nakaluluwag sa buhay sa mga aral ng kalagayan ng mahihirap nating kababayan na boboto na naman at muling aasa na maiaahon sila sa kahirapan. At para naman sa mga gustong mapalaya sa kahirapan, bigyan nawa nila ng panahon ang kaalaman at karunungan na maaaring mangahulugang maghanap ng tamang mapagtatanungan o mga eksperto. Isa na rito ang pagbibigay ng panahon na malaman kung sino talaga ang may alam sa ekonomiya at subok na sa tapat na paglilingkod.”

https://tinyurl.com/4zms7w6r

Bakit kailang umasa? Mahirap sagutin yan ng tuwiran. Susubukan nating sagutin iyan sa pinagsanib na mga tugon sa mga tanong na: Saan may pag-asa? Paano ang pag-asa? Kanino ang pag-asa? Kailan darating ang pag-asang iyan? “Now faith is the substance of things hoped for, the evidence of things not seen,” ayon sa Hebrews 11:1 na ang isa sa mga salin sa wika natin ay: “Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.” Kada tatlo o anim na taon na merong eleksyon, may paniniwala tayong may mababago hindi dahil naririnig natin ito sa mga nanliligaw na mga pulitiko. May pananampalataya tayong may mababago dahil ang Diyos naman ang kumokontrol sa kanila at sa atin. Ninanais nating may mabago para hindi na danasin ng mga apo natin at mga susunod pang henerasyon ang masasama nating pinagdaanan at danasin lamang nila ang magaganda nating karanasan, kung hindi man, ang mga mas magagandang bagay pa nga.

Hindi natin isinasantabi na may pangangailangan din ang bagong henerasyon ng mga hamon gaya ng pinagdaanan natin. Maganda rin namang sabihing lahat ng kanilang daranasing tila pangit ay may magagandang kahihinatnan at tayo sa lumang henerasyon ang magpapatotoo na pinagtibay tayo ng mga hamon ng nakaraan. Kailangan din nilang madapa at bumangon.

May pag-asa tayo sa tapat na pamumuno dahil laging batayan ang good governance sa mga panukat ng mga pagpapaunlad sa Pilipinas man o sa ibayong dagat, mga panukat na taglay ang mga talaan ng pataas nang pataas na antas ng paglilingkod ng mga pamahalaan. COVID-19 pandemic lang naman ang highlight ng di-pangkaraniwang pagbaba ng antas ng pag-unlad at ang ibang mga pangyayari sa mundo’y tila inasahan (anticipated) at may palugit/pasobra na ang economic managers and leaders kaya natugunan pa rin ang papataas na antas. Sa pangkalahatan sa datos sa mundo, tumataas ang productivity; mas sumasaya ang mga tao; bumaba ang stress levels; at mas lumulusog ang mga tao. Kung ganoon sa labas ng bansa, hindi malayong paniwalaan nating kaya nating makamit ang average ng datos na iyon hanggang sa maging above average at iba pang mas mataas na antas.

Kung tatanggalin lang natin ang social media at babalik tayo sa old-school but mainstream media, mas madaling magkakaintindihan ang mga tao. Mas madali dahil labas ang mga elemento ng pagkukunwari; walang nagtatago sa pangalan, walang “bardagulan”, ni walang hindi tumutupi matapos ang mga makakatwirang deliberasyon. Sa panahon kasi ng social media – bagamat unti-unting nakaririnig tayo sa Amerika ng mas pinaunlad na gatekeeping o pagsasaayos ng mga taga-ayos – dagsa ang mga nagmamagaling, nagmamaang-maangan, at patong patong na kasinungalingan sa video, audio, at mga sulatin. Pati nga ang sining, nadadamay din sa masasamang gawi ng mga taong mapagsamantala at may mga makasariling motibo. Lumalabas na may pag-asa pa rin tayo sa mas magandang pamamalakad ng social media kasabay ang subok nang maaasahang mainstream media (na may mumunting isyu sa pananalapi). Lilitaw ang katotohanan sa tamang pamumuno, kahit hindi na lumitaw ang mga pangalan ng mga taong namumuno.

Paparating tayo sa mas malinaw na paggamit ng tamang pamamaraan sa halos lahat ng proseso sa pagpili ng tamang pamumuno (hindi natin tinutukoy dito ang tamang mamumuno dahil ito’y napakamapanghati o very divisive and debatable; pahupa muna tayo ng masamang usok ng eleksyon). Saan may pag-asa? Sa puso’t isip natin. Paano ang pag-asa? Sa pinagsama-sama nating kakayahan. Kanino ang pag-asa? Hindi na sa atin kundi sa susunod na henerasyon peron taglay natin ang mga direksyon kung saan sila patungo. Kailan darating ang pag-asang iyan? Sa oras na talagang bukas na ang ating puso’t isip sa pag-asa.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.