Pag iwas sa panganib, paglalakad sa pangarap

0
549

Sa oras na iniwan ng tao ang kanyang kabataan at tumuntong sa majority age, obligado siyang mangalap ng kaalaman at karunungan. Kung hindi niya pagsisikapan ang obligasyon o hindi niya mismo alam na pangunahing obligasyon pala niya iyon, siya ang unang mapapahamak. Pero masalimuot na paksa ito dahil sa paglipas ng mga henerasyon, unti-unting pinahahalagahan ang presensya ng nation-states; na kung may pagkukulang ang mga pamahalaan, damay ang kanilang mga mamamayan.

Merong libreng edukasyon para sa tao – para na rin sa nagpapaaral na magulang kung palalawigin – kaya ipinagpapalagay na sa una, naisusubo sa kanya ang kaalaman. Ipinagpapalagay na patalas nang patalas ang isip niya sa paglipas ng panahon. Babagal din ang pagtalas sa mungkahi ng law of diminishing marginal utility. Mula sa pagka aktibo, susundan ito ng pagreretiro ng tao para sa kanya at sa kanyang pinaglilingkuran kapwa, ahensya, o lipunan.

Malayo na ang narating ng sangkatauhan sa paglaban sa kamangmangan at pagmamaang-maangan. Sandata ang edukasyon. May batas para rito, kaya ang pinanghahawakan ng iilan, “Bawal ang bobo.” Pero maling kaisipan ito sa mas maraming nakapag-iisip at nakauunawa sa kalagayan ng mundo ng mga pahirap ng pahirap at tila sariling mundo ng mga payaman nang payaman. Bago sumang-ayon si Aristotle kay Plato, sang-ayon na rin pala tayo sa lumang tipan nang masulat ang maraming usapin ng pagkahamak dahil sa kawalan ng karunungan at pagtakwil sa karunungan. Kinalaunan, naitalaga’t naihalal ang mga mambabatas at naging masidhi ang pag-iral ng kanilang batas. Niyakap at patuloy na niyayakap ang doktrinang legal na ang pagkaignorante sa batas ay hindi depensa para hindi sundin ito. Ngunit awtomatiko na bang “ligtas” kung aasa sa konsulta ng abogado. Hindi awtomatiko pero iyon ay fighting chance o para lamang may magandang laban gaya ng nakapaloob sa Seksyon 12, Artikulo III ng Saligang Batas.

Sa iba’t ibang porma ng kahirapan, doble pasakit kung mangmang. Ang inaakalang pagmamalabis, isa palang kaso ng pagtulog sa pansitan (tinulugang karapatan).

Nakakatuwa sa pinilakang tabing. Malalaman lamang ng madla na nagkatuluyan pala ang showbiz couple kung nagkahiwalay na sila. “Naging sila pala?” Mabuti kung showbiz ang buhay at OK lang ang kawalan ng kaalaman. Paano kung usapin ng buhay at kamatayan? Halimbawa, maraming hindi nakakaalam ng kanilang mga district hospital. PGH lang ang alam. Gasino lang naman ang mga sentro ng pagamutan at patunay dito, siyam sa sampung pasyente sa Pilipinas, mas nanaising matanggap sa pribadong ospital kung bibigyan ng pagkakataon dahil napag-iiwanan sa suporta ang mga pampublikong pagamutan. (Hindi naman natin sinasabing walang magagaling na manggagamot sa kanila.) Gayunman, naging normal na ang pagkahaba-habang pila sa PGH at iba pang pampublikong pagamutan. Rason: sa hirap ng buhay.

Huwag na nating hintayin ang paglala sa indibidwal nating sitwasyon. Bukod sa alamin ang karapatan – sa halip na tulugan – aralin din ito. Sumangguni at makialam. Mabilis ang pagbabago lalo sa implementing rules and regulations, kaya mapag-iiwanan tayo sa kaalaman at karunungan. Nasabi na natin sa itaas ang masamang bunga ng kawalan ng kaalaman at karunungan. “Pero ginoo, hindi namin nararanasan ang serbisyo ng gobyerno.” Merong lohika kung wala ngang alam ang masa sa kadahilanang malayo (hindi nilalapit) o walang serbisyong hatid ang mga taong gobyerno para sa kanila kundi para sa iilan lamang. May angkop na panibagong Meron at Miron column para diyan sa mga susunod na linggo.

Manigong 2022!

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.