Pagbabalanse at pagpapahayag

0
822

May problema ang ina kung sinisikil niya ang kalayaan ng kanyang anak na makapagpahayag ng sariling pananaw. Sa pagsiil, maaaring hindi lumabas ang katotohanan. Paano kung mayroong masakit na katotohanan tungkol sa nagawa ng sinuman laban sa anak? Doble ang sakit. Meron din namang problema kung kasinungalingan ang lumalabas sa bibig ng anak. Magbalanse tayo.

Sa panganib na akusahan akong pumapanig sa kabaro – at totoo namang mabilis pa sa alas kwatro ang mga akusasyon sa social media – ikinatutuwa ko nang lubos ang Nobel Peace Prize ni Maria Ressa (pati ni Dmitry Muratov, punong patnugot ng isang dyaryo sa Russia) noong Oktubre na tinanggap naman dalawang Biyernes pa lamang ang nakararaan sa Oslo, Norway. Ang dahilan ng gantimpala: matapang na paglaban para sa malayang pagpapahayag. “(Ito’y) paunang kondisyon para sa demokrasya at pangmatagalang kapayapaan,” ayon sa NobelPrize.org.

Pinasalubungan ng mga palakpak ang maliit na Maria ng Pilipinas at pinahaba pa ang masigabong palakpakan matapos ang napakamalaman niyang pananalita sa harap ng mga pinagpipitagang lider na dumalo sa seremonya sa City Hall ng Oslo. Hindi ganoong kadali ang maging Nobel laureate at iyo’y kauna-unahan sa Pilipinas, kasing hirap ng pagbubuhat ni Hidilyn Diaz para lamang makakuha ng kauna-unahang ginto ang bansa mula sa Olympics. Nakalulungkot na meron pa ring bumabanat kay Maria Ressa na isang tanyag sa buong mundo na batikang mamamayahag at CEO ng Rappler. Kaya, bagama’t buhay ang kalayaan sa pamamahayag sa bansa, lubhang mapanganib naman ang naturang kalayaan.

Bilang peryodista ng tatlong dekadang walang libel conviction sa pribadong pagsusulat at walang kaso habang naglilingkod sa pamahalaan ng isa pang dekada – higit 40 taon lahat-lahat – masasabi kong may katotohanan at tagos sa puso ang kanyang turo (https://www.nobelprize.org/prizes/peace/2021/ressa/lecture/). Ito na ang kritikal na panahon para pahalagahan ang bawat Pilipina at Pilipinong mag-aaral sa pagbibigay ng tamang gabay at pagsisiwalat ng pawang katotohanan lamang, gayundin, ng katwiran. Kinaiinggitan namin sa Philippine press delegation ang mga mamamahayag mula sa mayayamang bansa dahil sa lawak ng kanilang lokal at pandaigdigang readership, sa teknolohiyang gamit sa paglalathala, at sa todong suportang natatanggap nila mula sa kanilang mga pamahalaan o media companies. Sa kabila nito, sa pagnanais na mapaglingkuran ang inang bayan, hindi naman nawawala ang masigasig naming atensyon sa mga detalye habang may pulong sa Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC), kasama na yung pagko-cover namin sa Jakarta at Bali sa Indonesia, sa Pennsylvania, California, South Carolina, New Jersey, and Orlando, Florida sa Amerika. Pero ngayon, “tuldok system” ang ginagawa sa laptop at PC kung ipagpapalagay na nagsusulat sa halip na naglalaro lamang sa mga game app, kaya paano tayo makapagko-convert ng mga batang magiging Maria Ressa, Letty Jimenez Magsanoc, Nick Joaquin, Art Borjal, Isagani Yambot, Soc Rodrigo, Ninoy Aquino, at Howie Severino?

Subsob sa Facebook, Youtube at, kamakailan, Tiktok, ang mga kabataan. May malaking tulong man ang iba’t ibang social media platforms para mahasa ang kanilang talento sa pagsusulat, ngunit dala na rin ng hindi maayos na pamamalakad at isyung pang-etika ng tech giants, nakasasama pa ang mga ito sa mga bata at sa lipunang ginagalawan sapagkat nasasadlak sila sa magulo, puro mura at paninira, kasinungalingan, at mga doble kara o double talk. Kung ano ang mali at bastos, iyon ang pinupuri, at kung ano ang tama, iyon ang nababalewala. Nababalutan ng paralinguistic digital affordances na “like”, “heart”, “angry”, at “sad” ang kanilang mga babasahin at panoorin, sa halip na mailaan sa pasulat na review o critical thinking man lang. Madaling ma-access ang impormasyon sa mga gadget, pero hindi ang big picture. Hindi alam ang nilalaman (content) pero hindi malimutan ang mga headline bait o click bait. Kaya tumpak ang ganitong obserbasyon ukol sa Pilipinas: sobra sa aliw, salat sa impormasyon. Nagpapatuloy ito. Lumulubha.

Kailangan natin, higit kailanman, ang mainstream media. Meron silang responsibilidad at akawntabilidad, di-tulad ng social media accounts ng kung sino-sino kasama na ang mga nagtatago sa kunwa-kunwariing pangalan. Hindi natin sinasabing walang mali, walang korupsyon, walang pagkiling sa hanay ng tri-media o dyaryo, radyo, at telebisyon. Ngunit may lalim ang kanilang mga organisasyon, may sinusunod na pamantayan, code of ethics, at patakaran ng patnugutan, may nagsisilbing ombudsman, may adbokasiya sa mga mambabasa, tagapakinig, tagapanood, may CSR o corporate social responsibility, at may paggalang at pagsunod sa kapangyarihan ng estado sa pagbubuwis na pang-indibidwal at pang-institusyon. Marami na ring mamamahayag na naparusahan o nadisiplina ng kanilang mga samahan sa diwa ng self-regulation, at may mangilan-ngilan ding napatunayan ng Supreme Court (SC) na nagkasala sa kasong libelo – walang kaso laban sa Rappler o kay Ressa ang naisa-pinal ng SC. Patuloy sa pagsasanay at paghakot ng mga gantimpala ang mga mamamahayag mula sa kanilang mga lokal na samahan katulad ng PPI, CMMA, NPC, CMFR, FOCAP, EJAP, KBP at, gayundin, mula sa mga samahang internasyonal. Kabaligtaran naman sa social media kung saan kahit bangag o lasing basta’t merong account lalong lalo na sa Facebook, maipahahayag ang nais ipahayag na sa kalaunan, walang aangking responsibilidad at akawntabilidad. May pag-usad naman kahit papaano dahil nahatulan ng SC si blogger Manuel Mejorada na nagkasala sa kasong online libel na isinampa sa kanya ni Senador Franklin Drilon.

Mahalagang maunawaan ng mga kabataan ang balanseng pagbabalita at opinyon ng mainstream media, at maipaalala rin sa mga gumagamit ng kalayaan sa pamamahayag na may kaakibat na responsibilidad ang kalayaan. Pampubliko man o pampribado, ang katotohana’y mapagpalaya. Nakabatay ito sa banal na kasulatan, at sinusuportahan ng Pilipinas sa Saligang Batas ng 1987, 1973, at 1935 – ibig sabihin, matagal nang pinahahalagan – dahil hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita. Nakapaloob din ang likas na karapatang ito sa international human rights law (UN,1948).

Aboard Monotrain in Pensacola, Florida, May 1981.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.