Wednesday, April 23, 2025


Your Daily News Update About CALABARZON and Beyond.
ISSN 2799-1911

Home Blog Page 611

Manatili tayong alerto at laging isaisip ang malasakit sa kapakanan ng ating kapwa

0

Noong Disyembre 5, 2021, ayon sa ulat ni San Pablo Asst. CHO Dra. Mercydina Abdona Mendoza-Caponpon kina Mayor Amben Amante at  CHO Dr. James Lee Ho  ay apat ang  nagpositibo at walang nakarekober na covid patient kaya naging sampu ang active cases ng lungsod.

Ayon sa detalyadong ulat ni Dr. Caponpon, tatlo ang natuklasang carrier ng virus habang naga-apply ng health clearance sa lokal na pamahalaan. Nangangahulugan na nasa tabi-tabi lamang pala ang Covid-19 at anumang oras ay pwedeng mahawa at mabiktima ang mga burara at panatag na mamamayan!

Isang matibay na pagpapatunay ng husay at galing ng San Pablo City LGU noong ang huling resulta ng whole genome sequencing (WGS) ay natanggap nina Caponpon mula sa DOH-4A sa Genome Center ng Pilipinas. Sabi dito, unang linggo ng nakaraang November 2021, ay may nagpositibo sa delta variant at nakahawa ng  close contacts. Sapagkat tatlong linggo na ang nakalipas mula ng suriin ang specimen ng covid patient, bago pa man dumating ang resulta ay pawang mga deklaradong negatibo at fully recovered na ang lahat. Mabuti at maagap ang naging isolation at contact tracing na isinasagawa ng San Pablo kaya napigilan agad ang pagkalat ng local transmission.

Hindi maaaring ang tanging pag basehan ay ang bilang ng mga active cases upang masabing ligtas na ligtas na ang lahat. Kakaunti nga ang bilang sa  ibang bayan subalit wala namang silang isinasagawang patuloy na mass testing, mahigpit na contact tracing, isolation at tamang sistema ng pagdedeklara ng mga fully recovered patients.  Dito sa ating lungsod ay maaaring mataas ng kaunti ang active cases subalit may kapanatagan naman ang kalooban ng lahat dahil sa mahusay na nagagampanan ng LGU San Pablo ang tamang sistema at proseso.

Natatakot tayo sa posibleng pagpasok ng Omicron Variant samantalang nasa paligid pa rin pala ang Alpha, Beta at Delta. Libong  San Pableños ang dinapuan ng mga ito at daan kababayan ang nasawi samantalang ni anino ng Omicron ay wala pa yata rito?

Ano mang oras ay pwedeng mag-spike ang mga kasong covid katulad ng nangyayari sa Europe at ibang bansa kahit wala pa ang presensya ng Omicron. Mapalad ang San Pablo sapagkat malapit na nitong maabot ang herd immunity. Magiging protektado na ang populasyon. Subalit mas kailangang ang dobleng pag iingat at huwag makampante. Kailangan ay manatili tayong alerto at laging isaisip ang malasakit sa kapakanan ng ating kapwa.

Omicron, posibleng hindi nagsasanhi ng malalang sintomas ngunit pinangangambahang doble ang bilis na makahawa kaysa Delta

0

Tatagal pa ng ilang linggo bago malaman ang mga katangian ng bagong variant ng Covid-19 na Omicron, ang unang pinaka heavily mutated variant, ngunit ang mga naunang indikasyon ay nagmumungkahi na hindi ito nagsasanhi ng mas malalang sakit kaysa sa Delta, ayon kay Anthony S. Fauci, top infectious-disease expert ng US bagaman at nagbabala siya na data ay hindi pa tiyak.

Ayon sa kanya, “hindi ito mas malala kaysa sa Delta batay sa mga obserbasyon sa mga binabantayan na pasyente sa South Africa. Ang ratio sa pagitan ng bilang ng mga impeksyon at ang bilang ng mga naospital ay tila mas mababa kaysa sa Delta. Ngunit ang mga bagong ebidensya ay nagmumungkahi na ito ay mas mabilis makahawa kaysa sa Delta, ayon kay Fauci. 

Dalawang beses na mas mabilis makahawa ang Omicron kaysa sa Delta at posibleng tatlong beses na mas malamang na muling mahawahan ang mga nakarekober na sa Covid-19, ayon sa paunang pag-aaral mula sa South Africa ngayong linggo.

Sinabi ng CEO ng Pfizer na si  Albert Bourla sa Wall Street Journal na ang variant ng Omicron ay mas mabilis kumalat kaysa sa ibang strain ng COVID-19 at maaari itong humantong sa mas maraming mutasyon sa hinaharap. “Hindi magandang balita na ang Omicron ay mabilis na kumakalat dahil maaari itong makahawa sa bilyun-bilyong tao at lumikha ng mas maraming mapanganib na mutasyon,” ayon sa kanya.

Batay naman sa isang bagong pag-aaral sa laboratoryo sa South Africa, nagpapakita na ang variant ng omicron ay may significant ngunit walang buong kakayahan upang talunin ang mga antibodies na lumalaban sa virus na nabuo ng mga bakuna.

Samantala, ang manufacturer ng Sinovac na nag-supply ng pinakamaraming bakuna sa Covid-19 sa buong mundo ay tiwala na mabilis itong makakagawa ng bersyon laban sa variant ng Omicron kung kakailanganin at kung may makukuhang mga ebidensya at aprubadong regulasyon na kailangang i update ang bakuna.

Ang Sinovac ay nakapaghanda ng mga inactivated na bakuna laban sa mga variant ng Gamma at Delta ngunit hindi binago ang orihinal na formula ng bakuna dahil nakitang epektibo ito laban sa mga naunang strain, ayon sa report ng South China Morning Post.

Illustration: Lau Ka-kuen

Scholarship applicants sa isla ng Tingloy tumatanggap internet support mula sa DOST

Tingloy, Batangas. Napagtagumpayan ng DOST Batangas ang hamon sa isyu ng internet connectivity at pinadali ang aplikasyon ng 2022 DOST-SEI Undergraduate Scholarships sa islang ito.

Ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Tingloy at Tingloy Senior High School ay nagbukas sa mga kwalipikadong aplikante ng mabilis at epektibong paraan sa pagsusumite ng scholarship application sa DOST-SEI online application system. Ang scanning, konsolidasyon ng mga kailangang dokumento libreng ID picture ay bahagi din ng tulong na ibinigay ng DOST.

Kaugnay nito, nagpapasalamat si Ms. Juvie Ann Gabrieles, Officer-in-Charge para sa Tingloy Senior High School sa tulong ng DOST sa kanilang mga estudyante. Binanggit niya na pinalakas nito ang paghikayat sa mga mag aaral na mag apply DOST-SEI Scholarships at makapagsimula ng karera sa STEM.

Sa nakalipas na mga taon, ang DOST Batangas ay naging pursigido sa paghikayat sa mga mag-aaral mula sa Tingloy na ipadala ang kanilang mga aplikasyon para sa DOST-SEI Scholarship programs at makakuha ng pagkakataong matamasa ang mga benepisyo nito. Gayunpaman, kakaunti ang aplikasyon ang natatanggap kada taon dahil sa mabagal na internet speed. 

Ang nabanggit na aktibidad ay nagsisilbing  support intervention ng DOST Batangas sa bayan ng Tingloy at kinilala bilang isa sa Community Empowerment ng DOST CALABARZON sa pamamagitan ng pagpapalakas sa access sa mga site ng Science & Technology (CEST).

Ang mga aplikasyon para sa 2022 DOST-SEI Undergraduate Scholarships ay patuloy pa rin at extended hanggang Disyembre 31, 2021. Ang mga interesadong estudyante ay maaari na ngayong magsumite ng mga kinakailangang dokumento sa pamamagitan ng link na ito: 

https://usas.science-scholarships.ph

Ang bakuna ay hindi lamang tungkol sa iyo

Pumipila ang mga tao para mabakunahan laban sa COVID-19 sa pag asang ipagpatuloy ang normal na buhay. Gayunpaman, hindi lahat ay interesadong magpabakuna. Kahit na ang bilang ng mga nag-aalangan sa bakuna ay lumiit pagkatapos ng tatlong araw na National Vaccination Days, medyo mataas pa rin ang bilang ng mga ayaw magpabakuna.

Hindi isang monolith ang mga nagdududa sa Covid-19 vaccine kundi isang diverse na grupo na maraming dahilan para umiwas sa bakuna.

Nag-aalala ang iba na ang bakuna sa COVID-19 ay hindi ligtas o may masamang epekto kaya hindi sulit na sumugal sa panganib. Iniisip ng iba na mababa ang tsansa na magkaroon ng COVID kaya bakit mag-abala pang magpabakuna? Ang ilan naman ay tutol sa government intervention at ang tingin nila sa pagpapa bakuna ay isang pagsuko at labag daw ito sa personal freedom nila. Ang maliit na bilang ay kontra lang talaga sa lahat ng bakuna. Bukod pa dito ang porsyento ng may trypanophobia o malubhang takot sa medical procedures na may injections or hypodermic needles.

Dahil sa katotohanan na ang mga tao ay may iba’t ibang dahilan sa hindi pagpapa bakuna, magiging mas mahirap abutin ang 100%  ng bakunadong populasyon. Nakakaapekto ito sa ating lahat. Kung walang sapat na bilang ng mga taong nabakunahan, hindi natin maaabot ang “herd immunity.” Nangangahulugan ito na ang pandemya ay maaaring magpatuloy ng walang katapusan.

Darating tayo sa punto na magiging mahirap ang buhay para sa mga hindi bakunado. Sa Australia, ang mga hindi nabakunahan ay maaari lang lumabas para sa pagtatrabaho o pagbili ng pagkain. Sa Slovakia, Greece at Czech Republic, ang mga walang bakuna ay bawal ng pumunta sa mga indoor spaces kagaya ng restaurants, sinehan, museum at gym, kahit na negatibo sila sa COVID-19. Ang Germany at Israel ay kumikilos na upang gawing mandatory ang bakuna sa lahat – bata o matanda. Sa Lithuania,  ang mga edad 12 pataas ay hihingan muna ng Covid immunity certificates bago makapasok sa restaurant, cafe, shopping malls, cinemas, beauty salons at iba pang public indoor na lugar.

Sa Pilipinas kailan lang ay nagbaba ng memorandum ang IATF-MEID na bawal ng pumasok sa mga public at private offices ang mga empleyadong walang bakuna.

Ang walang katapusang pandemya ay pumipigil sa layunin ng lahat tulad ng muling pagbubukas ng mga negosyo at pagpapalakas sa ating nanghihingalong ekonomiya. Higit sa lahat, ang pagbabalik ng ating mga anak sa normal na face-to-face classes.

Mahalaga para sa lahat ang bakuna. Hindi lamang ito tungkol sa iyo. Magkakasama tayo dito.

BI, umaasang dadami ang OFW na uuwi para sa holiday season sa kabila ng Omicron

0

Umaasa si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na dadami ang arrivals para sa holiday season sa kabila ng mga travel restrictions na ipinatupad dahil sa Omicron virus.

“We see that domestic travel is, little by little, bouncing back, and we see the same coming soon for the international travel sector,” ayon kay Morente.

Sinabi ni Morente na noong unang araw ng buwan, 85% ng mga dumating ay mga Pilipino, na marami sa mga ito ay mga OFW at balikbayan. “Sa mahigit 6,000 na dumating noong unang araw ng Disyembre, karamihan ay mga Pilipino. Bagama’t ang bilang ay nananatiling medyo mababa, inaasahanna ito ay dahan-dahang tataas kapag malapit na ang Pasko at Bagong Taon,” dagdag niya.

Noong Disyembre noong nakaraang taon, humigit-kumulang 152,000 pasahero lamang ang nakapasok sa bansa. Sinabi niya na ang BI ay naglagay ng ilang mga hakbang upang mapaghandaan ang posibleng pagdami ng mga uuwi sa kapaskuhan.

Samantala, sinabi naman ni Lawyer Carlos Capulong, BI port operations chief, na maaari nang dumaan ang mga pasaherong Pilipino sa mga e-gate na naka-install sa immigration arrival area sa lahat ng tatlong terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa Clark International Airport (CIA) sa Angeles City at unahin dito ang mga OFW na inaasahang darating ngayong Disyembre.

Ang muling pagbubukas ng mga e-gate ay nauna nang iniutos ni Immigration Commissioner Jaime Morente at muling ilulunsad ang proyekto para sa Christmas holiday break sa inaasahang pagdagsa ng mga international traveller, ayon kay Capulong.

Inilunsad ang e-gate noong Agosto 2018 at ginamit hanggang Marso noong nakaraang taon ngunit itinigil noong simula ng pandemya sa pangamba sa posibleng panganib sa kontaminasyon tuwing gagamit ng biometric scan ang mga pasahero. Kaugnay nito, sinabi ni Capulong na nagpatupad sila ng mahigpit na mga protocol sa kalinisan upang maiwasan ang mga panganib sa hawahan.

MPT South at USAID, nakipagsosyo sa USAID Sibol para sa greening ng CALAX

Upang gawing ‘green highway’ ang Cavite-Laguna Expressway (CALAX), ang Metro Pacific Tollways South Management Corporation (MPT South), ay nakipagsosyo sa Sustainable Interventions for Biodiversity, Oceans at United States Agency for International Development (USAID) at Landscapes (SIBOL).

Ang MPT South at USAID SIBOL, isang proyekto sa pamamahala ng likas na yaman at konserbasyon ng biodiversity, ay nagtutulungan sa isang biodiversity program para sa CALAX.

Ang CALAX ay isang 45-kilometrong high-speed road network na nag-uugnay sa lalawigan ng Cavite at Laguna, na nagta-target na makapagsilbi sa humigit-kumulang 45,000 motorista kapag natapos na. Ito ay bumabaybay mula sa Binan, Laguna hanggang sa silangan ng Silang, Cavite.

“Kami ay nagpapasalamat sa USAID SIBOL sa pagpapahintulot sa amin na gamitin ang kanilang pool ng kaalaman habang ginagawa namin ang CALAX sa isang green highway,” ayon kay MPT South President at General Manager, Roberto V. Bontia.

Ang kasunduan sa MPT South ay naaayon sa layunin ng USAID SIBOL na paghusayin ang biodiversity conservation sa pamamagitan ng pagtatrabaho patungo sa voluntary industry standards at pagkopya ng rewilding na modelo sa mga proyektong katulad nito. “Protecting the environment, natural resources, and ensuring their capacities to sustain life for generations to come should be a collective effort,” ayon kay USAID SIBOL Chief of Party Dr. Ernesto Guiang.

“Environmental issues such as climate change and habitat loss affect businesses, livelihoods, communities, and ordinary people. That is why we are grateful for this partnership with MPTC,” dagdag pa niya.

Ang proyekto ay maaaring magtakda ng pamantayan para sa hinaharap ukol sa pagpapaunlad ng imprastraktura sa bansa, ayon namani ni Christopher C. Lizo, MPTC Chief Finance Officer at Senior Executive Sponsor for Sustainability.

Nauna rito, ipinahayag ng MPT South ang plano nitong ipakita ang papel ng parent firm na Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) sa pag-decarbonize sa sektor ng transportasyon sa pamamagitan ng pag-convert ng mga expressway nito sa mas sustainable na mga highway.

Simula sa CALAX, isinasama nila ang expressway sa mga resource-saving and emission-reduction technologies.

Ang mga toll plaza ng mga operational section ng CALAX ay nilagyan ng mga solar panel.

Nag-install din sila ng mga LED fixture sa ilaw sa daanan para sa mas mas epektibong pagtitipid sa energy.

Ang head office ng MPT South – MPT South HUB sa Imus, Cavite ay isang Leadership in Energy and Environmental Design (LEED)- rehistradong gusali na may layunin sa sertipikasyon ng LEED Gold.

POPCOM nagtataguyod ng’ ‘living wage,’ ng pamilya, hindi minimum pay lang

0

Habang ang family planning ay patuloy na lumalakas sa buong bansa, at ang laki ng pamilya ay tumatag sa dalawa hanggang tatlong anak, ang gobyerno ng Pilipinas ay dapat na ngayong bumaling sa iba pang mahahalagang aspeto ng pag-unlad ng populasyon ng bansa—lalo na ang “living wages” na kinakailangan ng mga magulang upang matupad ang kanilang tungkulin bilang responsableng mga pinuno ng kanilang pamilya. Ito ang posisyon ni Undersecretary Juan Antonio A. Perez III, MD, MPH, habang ipinagdiriwang ng bansa ang Population and Development (POPDEV) Week mula Nobyembre 23 hanggang 29.

Ayon sa kanya, panahon na upang ituon ng mga Pilipino ang kanilang atensyon sa pag-aalaga ng mga pamilya na hindi lamang upang magkakaroon ng sapat na pagkain at iba pang pangangailangan. Kailangan din nilang tiyakin ang mas magandang bukas para sa kanilang mga anak, hindi lamang upang mabuhay, kundi upang makaipon din para sa kanilang kinabukasan.

Kamakailan, isiniwalat ng Commission on Population and Development (POPCOM) ang isang pag-aaral sa mga kita na kailangan ng mga pamilya upang mabuhay at umunlad sa iba’t ibang rehiyon. Para matamo ng Pilipinas ang demographic dividend nito sa 2025, ibinunyag ng ahensya na hindi bababa sa isang milyon pang kababaihan ang kailangang sumali sa family planning program ng bansa, na kasalukuyang dumadami ng kalahating milyon bawat taon.

Sinabi nito na ang target na 2.1 fertility o mas mababa ay nakamit na sa CALABARZON at sa National Capital Region (NCR). Gayunpaman, karamihan sa mga rehiyon ay mayroong tatlong anak sa pamilya, kasama ang Rehiyon ng Bangsamoro na may apat.

Ayon sa ahensya, lumalala ang sitwasyon sa labas ng NCR at CALABARZON: Ang pag-aaral ng POPCOM-United Nations Population Fund (UNFPA)-University of the Philippines Population Institute (UPPI) ay nagpakita na sa Bangsamoro, ang mga mag-asawa ay kailangang magkaroon ng apat na trabaho sa kasalukuyang halaga ng sahod upang suportahan ang apat na anak. Sa ibang rehiyon tulad ng Zamboanga Peninsula, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, MIMAROPA, SOCCSKSARGEN at Davao, ang mga pamilyang may tatlong anak ay nangangailangan ng tatlong trabaho na sumasahod ng minimum wage upang mabuhay.

“To survive the current crisis, Filipino families need to stabilize at an average of two children and have incomes that improve the quality of their lives—not just minimum wages which do not allow for savings. In NCR, the current regional wage rates require both parents to work,” ayon kay Perez.

Pinalawak na PPC seaport, palalakasin ang papel ng Palawan sa turismo ng bansa, mga pamilihang pang-ekonomiya

Puerto Princesa City, Palawan.  Inilantad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang malaking seaport development project kamakalawa sa lungsod na ito kasunod ng pasinaya sa pitong seaport projects sa Bohol.

Ang proyektong kinapapalooban ng pagpapalawak ng Port of Puerto Princes, ang pangunahing maritime gateway ng lalawigan, ay inaasahang higit na magpapalakas ng papel nito bilang isang katalista sa paglago hindi lamang para sa rehiyon kundi para sa buong kapuluan.

Dumalo sa unveiling ng marker ay si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Executive Secretary Salvador C. Medialdea, Transport Secretary Arthur P. Tugade, PPA General Manager Jay Daniel R. Santiago, Palawan Governor Jose Chavez Alvarez at iba pang mga pambansa at lokal na opisyal.

“The Puerto Princesa Port has played and continues to play a vital role for the continued growth of the province of Palawan in terms of tourism and commerce. We can really say that the port has grown with the region. That is why it is only fitting that we expand the port and through connectivity and mobility, continue to bring in the growth that the Province of Palawan deserves,” ayon kay Santiago.

Ang Puerto Princesa port expansion project ay magdodoble sa kapasidad ng kasalukuyang trapiko sa daungan kung saan ang taunang average ay ang mga sumusunod: cargo throughput, 1.7 million metric tons; vessel calls, 1,500 at mga pasahero,  200,000. Kasama sa pinalawak na proyekto ang pagtatayo ng back-up area, paghuhukay ng kasalukuyang seabed, supply at pag-install ng rubber-dock fender pati na rin ang supply at pag-install ng mga bollard.

Covid-19 cases sa PH patuloy na bumababa: Sampung bayan sa Laguna, walang active Covid case

0

Sampung bayan sa lalawigan ng Laguna ang kasalukuyang walang kaso ng active Covid-19, ayon sa health bulletin na ipinalabas ng Department of Health CALABARZON kamakailan.

Kabilang dito ang mga bayan ng Victoria, Alaminos, Nagcarlan at Liliw sa Laguna 3rd District at Magdalena, Lumban, Pangil, Mabitac, Majayjay at Luisiana sa Laguna 4th District.

Sa kasalukuyan ay may 126 active Covid-19 cases sa Laguna. Ang 26 na kaso ay naiulat sa 1st district, 64 sa 2nd district, 14 sa 3rd district at 22 sa 4th district.

Inaasahang na sa mga susunod na araw ay madadagdagan pa ang bilang ng mga bayan na active covid free kung magpapatuloy ang malawakang pagbaba ng mga kaso.

Cultural mapping team ng San Pablo City, maghaharap ng 100 cultural elements sa gaganaping community validation

0

San Pablo City, Laguna. Ihaharap ng sampung contracted cultural mappers dito ang 100 na cultural elements ng lungsod na ito sa idadaos na community validation sa Disyembre 6, 2021, sa Museo ng San Pablo.

Sinimulan ng cultural mapping team noong Disyembre 4, 2020 ang masalimuot na pagmamapa kabilang ang scoping and negotiation phase, social preparation, training of local team at data gathering.

Sa gaganaping community validation ay ihaharap sa internal at external experts, stakeholders, at iba pang miyembro ng komunidad ang mga datos na nakalap ng local mapping team upang kumpirmahin ang bisa ng mga naka-map na entry,

Ang finalized local culture profile ay inaasahang gagawin pagkatapos ng data validation.

Kabilang sa mga contracted mappers sina Francisco S. Dionglay, Perlyn V. Dionglay, Jeannelyn M. Eco, Mark Alvero Fule , Venus Peñaflor Funtanilla, John Earl Rey F. Gamboa, Jessica Gastala, John Nicol Miranda, Arvin Pasco at Mike Allen Religioso sa pangunguna ng lead mapper na si Luzviminda Maria S. Migriño.

Ang proyekto ay isinagawa sa pangangasiwa at pagsubaybay ng mga cultural mapping facilitators ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na sina Rica Palis, Director for Culture and Arts ng Colegio de San Juan de Letran Calamba, Lorenzo Isla, Community & Extension Director ng Letran Calamba at Divine Arawiran, Program Manager of the Cultural Mapping Project ng NCCA.

Ang unang cultural mapping sa San Pablo ay nilaanan ng pondo sa pamamagitan ni San Pablo City Mayor Loreto S. Amante at ng sangguniang panlungsod at naisakatuparan bilang isang programa ng San Pablo City Tourism Office na pinamumunuan ni Maria Donnalyn Briñas. 

Pangunahing layunin ng cultural mapping ang turuan at tulungan ang bansa na mailarawan ang mayamang pamana nito habang pinahihintulutan ang pagtatanto ng kung ano ang mawawala bilang resulta ng kolektibong kawalang-interes dito. Nagbibigay ito ng isang pinagsamang larawan ng kultural na katangian, kahalagahan, at gawain ng isang lugar upang matulungan ang mga komunidad na kilalanin, ipagdiwang, at suportahan ang pagkakaiba-iba ng kanilang kultura para sa pag-unlad ng ekonomiya, panlipunan at rehiyon.

Kabilang sa slideshow ang ilang larawan ng pagsisikap ng San Pablo City cultural mapping team sa pangangalap ng datos ukol sa mga cultural elements na kanilang ihaharap sa gaganaping community validation sa Disyembre 6, 2021.

Photo Credits: Niño Luis G. Barleta

Nasa slideshow ang ilan sa 100 na cultural elements na iminapa ng cultural mapping team ng San Pablo City kabilang si General Miguel Malvar sa ilalim ng framework ng prominent personalities.