Tuesday, April 22, 2025


Your Daily News Update About CALABARZON and Beyond.
ISSN 2799-1911

Home Blog Page 616

Tatlong araw na lang ang hotel quarantine ng mga bakunadong OFW mula bukas

0

Tatlong araw na lang ang hotel quarantine ng mga bakunadong OFW at balikbayan na manggagaling sa yellow countries mula bukas, Nobyembre 22, 2021, ayon sa Department of Tourism (DOT) sang ayon sa desisyon ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) .

Ayon kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang mga fully vaccinated balikbayan na galing sa yellow countries na may pre-departure testing sa loob ng 72 oras ay sasailalim sa tatlong araw na facility-based quarantine ngunit uutusang mag self quarantine sa loob ng 14 araw.

Ang mga walang pre-departure testing ay sasailalim muna sa quarantine hanggang lumabas ang resulta ng RT-PCR test pagkatapos ng limang araw. Kapag negative ang resulta, ang indibidwal ay makakauwi pagkatapos ng sampung araw upang mag home quarantine.

Ang mga bisitang walang bakuna ay sasailalim sa facility-based quarantine na may testing sa ika pitong araw na susundan ng 14 araw na home quarantine kung negatibo ang resulta ng test.

“This latest development will greatly contribute to the on-going recovery of the tourism sector this holiday season while also providing more time to those who want to return home to be with their loved ones in the Philippines,” ayon kay Puyat.

Walong seaport development projects, pinasinayaan sa isla ng Mindoro

0

Calapan City, Oriental Mindoro.  Pinasinayaan kahapon sa bayang ito ang walong integrated seaport development projects sa Oriental at Occidental Mindoro. Kasabay nito ay nagsagawa din ng inspeksyon sa Calapan Port Passenger Terminal Building (PTB) na inaasahang magpapabilis sa biyahe ng pasahero at kalakal at higit na magpapaglago ng ekonomiya dito.

“These accomplishments were made under our Build, Build, Build Program. We also look forward to the completion of five ongoing improvement of facilities in the area.The island of Mindoro plays a significant role in boosting the country’s interconnectivity as it serves as a gateway for passengers and goods coming from Luzon to Visayas and Mindanao and vice versa, ” ayon sa mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginanap na inagurasyon na kanyang pinangunahan.

Bukod sa tuloy tuloy nabiyahe sa pagitan ng Oriental at Occidental Mindoro, palalakasin din ng mga piyer na ito ang turismo sa isla ng Mindoro at mga karatig bayan, ayon sa report.

Inaasahan din na ibayong pag unlad ng mga lokal na negosyo, pagluwag ng pagkakataon sa trabaho at pagbilis ang biyahe ng mga kargamento sa tulong ng bagong seaport projects.

Higanteng Christmas tree, inilawan sa 13th Pascocohan sa San Pablo City

0

Tema ng ika-13 Pascocohan: “Pagdiriwang ng Pasko na Puno ng Pag-asa at Pagbabalik Sigla

San Pablo City, Laguna. Inilawan ang higanteng Christmas tree sa sa hagdan ng Old Capitol Building dito, kagabi, Nobyembre 19, 2021, bilang bahagi ng ika-13 taon ng Pascocohan sa tema ng “Pagdiriwang ng Pasko na Puno ng Pag-asa at Pagbabalik Sigla.”

Pinangunahan ni San Pablo City Mayor Amben Amante ang ginanap na programa kasama sina Laguna Governor Ramil Hernandez, San Pablo Vice Mayor Justin Colago, San Pablo City Tourism Officer Ma. Donnalyn Briñas, ABC President San Pablo City Ariston Amante, at San Pablo City Administrator Vicente Amante. Dumalo rin dito ang mga miyembro ng sangguniang panlungsod, hepe ng bawat departamento at mga contracted cultural mappers sa pangunguna ng team leader nito na si Luzviminda Maria S. Migriño. Nanood naman ng fireworks display ang publiko at nakilahok sa programa ng pagbabalik sigla.

Itinampok sa Pascocohan ngayong taon ang Doña Leonila Urban Park kung saan ay kumain ng libreng puto bungbong at suman ang mga dumalo  sa kagandahang loob ni Chairman Benbong Felismino.

‘Mag-ingat tayo ngayon sapagkat natatanaw natin ang pag-asa Dahil hindi po tayo babayaan ng panginoon maykapal,” ayon sa mensahe ni Amante.

Samantala tiniyak naman ng mga volunteers mula sa iba’t ibang civic group sa nabanggit na lungsod at ng mga miyembro Public Safety Assistance Group na nasusunod ang minimum public health standard (MPHS) sa nabanggit na kaganapan, ayon sa report.

Mga larawang kuha ng San Pablo City Information Office.

Mag ingat sa hawahan ng Covid-19 sa bahay, ayon kay Dr. James Lee Ho at Dr. Caponpon

0

Asymptomatic carrier, nadiskubre habang kumukuha ng health clearance

San Pablo City.  Napapanatili sa lungsod na ito ang mababang mga kaso ng Covid mula Nobyembre 12 hanggang Nobyembre 18, 2021, batay sa ulat ni SPC Anti-Covid 19 Task Force Incident Commander Dra. Mercydina Abdona Mendoza-Caponpon kina Mayor Loreto ‘Amben’ Amante at City Health Officer Dr. James Lee Ho .

Sa nakalipas na 7 araw, 24 ang kabuuang naitalang kaso. Walo sa mga ito’y nakitaan ng mga sintomas ng karamdaman. Samantala, may natuklasang isang asymptomatic carrier habang kumukuha ng health clearance at napag alamang 15 ang naging close contact nito.

Ang nabanggit asymptomatic carrier ay natunton na nakapanghawa sa kanyang mga kasambahay na naitala bilang mga bagong kaso.

Mula 913 active cases noong huling linggo ng September ay 37 na lamang ang natitira. Ang  35 nito’y sa loob ng San Pablo City ginagamot at nagpapagaling samantalang 2 ang nasa labas ng kalunsuran.

Patuloy ang nanawagan Si Dr. James Lee Ho at Dr. Caponpon na mag ingat sa hawahan sa loob ng bahay. Ayon sa kanila ay nararapat na manatiling alerto at patuloy na ipatupad ang pag iingat upang hindi magkahawahan.

Upang hindi makapasok ang virus sa loob ng ng bahay, bombahin ng alkohol ang swelas ng sapatos at huwag ipasok sa loob ng bahay, disinpektahin ang mga bagay na galing sa labas gaya ng bag, susi at mobile phone. Ilagay agad sa tubig na may sabon ang damit na hinubad at maligo agad.

Matatandaan na sa mga naranasang surge ng Covid-19 noong buwan ng Agosto ay sa loob ng bahay naganap ang malaking bilang ng kaso ng hawahan, ayon sa report.

Ipinapayo ni Dr. Lee Ho na kung lalabas ng tahanan ay panatilihin ang pagsusuot ng facemask, umiwas sa umpukan ng mga tao, laging maghugas at mag-alkohol ng mga kamay at mag social distancing.

Mariin din ang kanyang mensahe sa mga magulang at guardian na pabakunahan sa lalong madaling panahon ang mga edad 12 hanggang 17 na wala pang bakuna.

Manila Mayor Isko Moreno, nakipag dayalogo sa magsasaka at mangingisda ng Laguna

0

Calauan, Laguna. Nakipag dayalogo si Manila Mayor Isko Moreno, kandidato sa pagkapangulo ng Aksyon Demokratiko, sa mga magsasaka, rice millers at rice traders sa Laguna sa isang rice mill na pag aari ni Arnel Sumadsad, presidente ng Rice Mill Association of Laguna, sa Brgy. Masiit, bayang ito.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Moreno na kasama sa kanyang mga programa ang  pagtatalaga ng agriculture secretary at mga deputy na eksperto sa larangan ng agrikultura upang ganap na mapaunlad ang agraryo sa bansa. Ganon din, ayon sa kanya sa walong bureau na nasa ilalim nito upang mabigyan ng bagong kaalaman at sapat na proteksyon ang sektor magsasaka at mangingisda.

Inilatag din nya ang plano na gamitin ang mga tiwangwang na lupa upang makadagdag sa food production ng bansa sa pamamagitan ng pagpapasunod ng maayos na patakaran sa land conversion at land use.

Kasama ni Moreno sa ikalawa niyang pagbisita sa Laguna ang kanyang vice presidential bet na si Dr. WIllie Ong at mga kandidatong senador nitong sina Karla Balita, Samira Gutoc at Atty. Jopet Sison.

Kasunod nito, ang grupo ni Moreno ay nakipag dayalogo naman sa sektor ng mangingisda sa Brgy. San Pablo Norte sa Sta. Cruz, Laguna kung saan ay punong abala si Sta. Cruz Mayor Edgar San Luis.

Mga sumulat at kumuha ng larawan at video footage: Roy Tomandao at Kevin Pamatmat

PGen Dionardo Carlos, itinalaga bilang ika 27 PNP Chief

0

Itinalaga si Police General Dionardo Carlos bilang ika 27 Philippine National Police Chief matapos niyang tanggapin ang rango na 4 star general mula kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Palasyo ng Malacañang noong Nobyembre 17.

Pinalitan ni Dionardo ang nagretirong si PGen. Guillermo Eleazar.

Si Carlos ay dating Chief of Directorial Staff ni PGen Eleazar. Naging Director for Integrated Police Operations (DIPO) sa Visayas, Director for Police Community Relations (DPCR), Director for Information and Communication Technology Management (DICTM), Director ng Highway Patrol Group, Director ng Aviation Security Group, Regional Director ng Police Regional Office 8 sa Eastern Visayas; at Provincial Director of Police Provincial Offices sa Negros Oriental at Quezon province.

Ang bagong PNP Chief ay alumnus of the Philippine Military Academy “Maringal” Class 1988. Nagtapos sya ng dalawang Master’s Degree in Management sa Asian Institute of Management (AIM) at sa Philippine Christian University (PCU).

Nakatatanda niyang kapatid si Rear Admiral Alberto B Carlos ng Philippine Navy.

Christmas caroling, pinayagan ng DILG ngayon kapaskuhan

0

Pinayagan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Christmas Caroling ngayong taon sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2, noong Miyerkules, Nobyembre 17, 2021.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, pinahihintulutan ang caroling sa kundisyon na mahigpit na susundin ang minimum public health standards (MPHS) at depende sa operational capacity ng venue: 50% at bakunadong indibidwal sa indoor caroling at 70% sa outdoor.

Kailangan ay magsuot ng face shield sa ngayon ngunit ang patakaran ay maaaring magbago matapos makapagpulong ang Inter-Agency Task Force Against COVID-19 ngayong araw upang desisyunan kung aalisin na o ipagpapatuloy ang sapilitang pagsusuot ng protective shield sa mga piling lugar, dagdag pa ni Malaya.

Kaugnay nito, hinihikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na patuloy na sumunod sa health and safety protocols ayon sa kasunduan ng dalawang ahensya na payagan ang Christmas caroling sa mga bata at matanda.

Binigyan diin din ng DSWD na ang mga batang carollers ay dapat bantayan ng mga magulang upang matiyak na ang mga ito ay sumusunod sa MPHS at sa mga alituntunin na itinakda ng awtoridad batay sa alert level status ng kanilang lokalidad.

Kasabay nito, pinayagan na din ng pamahalaan na magbukas ang videoke bar sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2.

Photo credits: Philly in the Philippines

New car vs used car

Bumagsak ang new car sales ng 50.9% noong nakaraang taon mula January hanggang July. Kasabay nito ay lumakas naman ang pangangailangan ng tao sa mobility dahil sa mga restrictions sa public transport. Bukod pa dito ang takot na mahawa sa pagsakay sa jeep o bus kahit one seat apart ang mga upuan nito. Dahil dito ay naging necessity ang personal car. 

Kasunod nito, lumabas ang low down payment at no down payment schemes para mapalakas ang car sales. Maraming na enganyong mangutang ng bagong kotse dahil dito. 

Dahil halos lahat ng industriya ay naging volatile, maraming hanapbuhay at trabaho ang naapektuhan kaya maraming nabatakan ng sasakyan.

Nag uutos naman ang gobyerno na magbigay ng grace period sa hulog sa panahon ng ECQ pero pagkatapos nito ay magbabayad pa rin at mas mabigat dahil nag accumulate lang ang car payments.

Sa first quarter ng 2021, naging mahirap naman ang pag avail ng new car loan. Naghigpit na ang mga financing companies sa type ng customer na pauutangin. Syempre, pipiliin nila ang mga aplikanteng siguradong hindi mawawalan ng source of income.

Tumatagal din ang process ng credit investigation at business verification dahil sa mga health and safety protocols. Pati ang employment verification ay hindi madaling gawin dahil sa limited access sa system ng mga kompanya.

Sa aking palagay ay hindi ito ang tamang panahon para sa new car loan. Hindi kasi tayo sigurado sa mga posibilidad na pwedeng likhain pa nitong pandemic. 

Kung nagbukas ka ng bagong negosyo na kailangan ang service vehicle, pwede naman ang used na sasakyan dahil sigurado ay mas mababa ang hulog nito. Bukod sa mura, tapos na ang bulk ng depreciation nito.

Dahil hindi tayo sure sa mga pwedeng mangyari, ang iisipin natin ay kung alin ang makakaya natin sa ngayon – ang hulog para sa bagong kotse ng limang taon o ang hulog para sa used car na kalahati ang presyo.

Higit sa lahat, may mga advantages din ang pagbili ng used car kagaya ng mura ang annual registration, mababa ang insurance premium, walang exaggerated fees at mura ang customization cost.

Darating din ang panahon na babalik tayo sa normal. Habang naghihintay, mas mabuting maging praktikal muna tayo.

LGUs at mga ospital, pinapayagan ng bumili ng antibody drug na Ronapreve

0

Binigyan na ng pahintulot ng Department of Health (DOH) ang mga local government units at mga ospital makabili at makapamahagi ng Ronapreve, isang monoclonal antibody treatment drug na pumipigil at lumalaban sa SARS-CoV-2 na nagsasanhi ng Covid-19.

Sa isang media briefing noong Lunes, Nobyembre 15, 2021, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang DOH ay naglabas na ng administrative order 2021-0053 na nagbibigay ng pahintulot sa mga ospital at LGU na makabili ng nabanggit na gamot na gawa ng US company na Regeneron Pharmaceuticals Inc..

“So, hindi na kailangang DOH pa ang bumili tapos magpapa-allocate pa lahat ng ospital, para mas mabilis at mas magamit agad ng ating mga kababayang nangangailangan ng ganitong gamot. For us to be able to facilitate the process at hindi tayo magkaroon ng bottleneck, to facilitate the provision of this drug to our hospitals at ma-decentralize natin, gumawa tayo ng administrative order,” Vergeire said.

Noong Oktubre 1, 2021, binigyan ng  emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration ang Ronapreve na gamitin sa mga pasyenteng edad 12 pataas na may minimum na timbang na 40 kilograms. Ang gamot na ito ay hindi pwedeng ipagbili ng mga botika. Tanging ang pamahalaan lamang ang maaaring bumili at mamahagi nito.

Ang Ronapreve ay napatunayang nakakapigil sa pagkakaroon ng malalang sintomas ng Covid-19, nakakabawas sa tsansa ng pagpapa hospital at kamatayan.