Pagpapakumbaba, kailangan sa pag-unlad ng sarili at ng lipunan Part 2

0
423

Singapore ka at ipagpalagay din nating umasenso na ang karatig-bansa mong Pilipinas, dapat mo itong ikatuwa. Matutuwa ka dahil wala nang nakatira sa ilalim ng tulay. Naglaho na ang pulubi sa lansangan dahil may kabuhayan na sila. Sapat na ang serbisyo-publiko. Protektado ng pag-unlad ang dagat at lupa. Pahaba nang pahaba ang buhay ng tao. Sa gayong pag-asenso, tataas na ang antas ng inyong pagtutulungan. Kahit pinaghihiwalay kayo ng karagatan, pinagsasama naman kayo ng diwa ng pagtutulungan at pagkakaisa. Lamang man ng isang paligo ika nga, ayos lang ito dahil tanggap ninyong dalawa na hindi naman kailangang sobrang pantay-pantay sa anumang sitwasyon. Dumarating sa puntong ang nakalalamang, nagpapakumbaba. At ang kabila, tinuturing na inspirasyon ang nakalalamang at sisikapin pero hindi pipilitin nang hustong makapantay o makahigit sa kanya, sa halip na kainggitan.

Malayo ang nararating ng pagpapakumbaba, lalo na kung bansa sa bansa. Hindi ito malayo sa katotohanan na naipamamalas ng dalawang magkaklase, magkapatid, magkapit-bahay, at maging magkatunggali sa industriya at palakasan. Pero sa lalong pinagbuklod-buklod (interconnectedness) na mga bukas na ekonomiya sa mundo, mahalaga na ring maipagpatuloy (sustain) ang pakikipagtulungan ng mga bansang mayayaman sa mga mahihirap o papaunlad na mga bansa, kaysa sila-sila lang na mayayaman ang magtutulungan. May maayos at angkop sa panahong depinisyon ang “tulong” na iyon dahil kung hindi, ang tulong ay nauuwi sa bulong, “Nakaloko ba ulit tayo?” Matulungin sila kunwari, ngunit lalong nababaon sa utang ang ilang mga bansa, lalong bumababa ang kanilang produksyon, lalong naghihirap ang kanilang mga mamamayan, lalong napipilitang mangibang-bansa ang ilan para lamang kumita nang malaki-laki sa halip na sobrang laki dahil sa pagkawalay sa kanilang pamilya at sa Inang Bayan.

Nadadaan ang solusyon sa pagsasaayos ng sistema sa pagtulong o international aid. Kung tutuusin, sa maayos na konsepto nabuo ang World Bank, Asian Development Bank, United Nations, NATO, OPEC, APEC, ASEAN, Group of Seven o G7, G20 at iba pa. Hindi mabubura ang katotohanang nakatulong na sila at marapat pasalamatan. Sa kabila nito, malaking bagay pa ring maisaayos at mapagbuti pa ang sistema ng mga pagtulong ng mga bansa. Pero malalim na pagtalakay ito. Saka na natin gagawin iyon. Kailangan lang nating sabihing mahalagang makasama sa monitoring ang galaw ng mga bansang nagkakaisa (o nagkakagulo) at isang salik din sa pag-unlad ng sarili at lipunan ang mga nangyayari sa buong mundo. Balik tayo sa pangunahing paksa: ang kinalalabasan ng pagpapakumbaba para sa sarili at sa lipunan.

Paunlad nang paunlad ang sarili kung paunlad nang paunlad din ang lipunan, bagama’t hindi maiwasang merong napag-iiwanan. Kaya naman, bahagi ng pagpapakumbaba ang pag-abot sa pangangailangan ng kapwa, kasama na nga ang mga napag-iiwanan. Nagbibigay tayo ng fighting chance sa mga mahihirap hanggang sa makaahon sila sa pamamagitan ng 4Ps o pantawid pamilya, pantawid pasada, ayuda, libreng paaral, subsidiya, at iba pang pamamaraan sa pangunguna ng mga ahensya ng pamahalaan. May pangmatagalan, may biglaan, may pansamantala. Ang nakatatanggap ng tulong, dadating ang panahong siya naman ang makatutulong sa iba. Good governance o mabuting pamamahala ang kaagapay sa paunang tulong. Meron ding corporate social responsibility ang mga pribadong kompanya upang makapagbalik ng anumang tulong sa lipunan. Ipinagpapalagay nating gumagawa ng kabutihan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.