Pagpapatigil sa paggamit ng mother tongue sa pagtuturo, tinintahan na ni Pangulong Marcos

0
211

MAYNILA. Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12027 na nagtatakda ng pagpapatigil sa paggamit ng mother tongue bilang medium sa pagtuturo mula Kindergarten hanggang Grade 3, at binibigyang opsyon na ipatupad ito sa mga monolingual classes.

Ang mga monolingual class ay tumutukoy sa mga grupo ng mga estudyanteng nagsasalita ng iisang katutubong wika at naka-enroll sa parehong grade level sa isang school year.

Ayon sa Republic Act 12027, ang medium ng pagtuturo ay dapat ibalik sa Filipino at English, maliban na lamang kung may batas na nagtatakda ng paggamit ng regional language bilang auxiliary medium of instruction.

Sa Senado, naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2457, na may parehong layunin na itigil ang paggamit ng mother tongue bilang medium of instruction. Unanimous ang naging resulta ng botohan, kung saan 22 senador ang bumoto pabor sa panukala.

Si Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, ang pangunahing may-akda ng panukala. Sa ilalim ng kanyang suhestyon, maliban sa mga monolingual classes, ang pagtuturo sa basic education mula Kindergarten hanggang Grade 3 ay magpapatuloy gamit ang Filipino at English, maliban kung may ibang batas na nagtatakda.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang paggamit ng mga lokal na wika bilang auxiliary media of instruction ay isang mas flexible na pamamaraan na tugma sa Saligang Batas. “Ang paggamit ng mga lokal na wika ay hindi ganap na aalisin, ngunit ito’y gagamitin na lamang bilang pantulong na wika,” ayon sa kanya.

Patuloy na pinagtatalunan ang epekto ng mother tongue sa pagkatuto ng mga estudyante, ngunit sa bagong batas, inaasahang mabibigyan ng mas maraming opsyon ang mga guro at mag-aaral sa paggamit ng Filipino at Ingles sa pagtuturo.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo