Pagtatanggol sa katotohanan, pagtataguyod ng pagbabago

0
798

Napakahalaga ng karanasan. Maituturo ang isang bagay kung naranasan ito. Sa etika ng pamamahayag, hindi nakatutulong na ituro ito ng sinumang walang malalim na karanasan sa naturang larangan. Sa kabaligtaran, malilinlang pa nga ang mga bagong sibol na mamamahayag sa kung ano ang dapat nilang matutuhan kung sila’y hindi aral, walang kasanayan o training mula sa mga nakatatandang mamamahayag. Handa na ba ang mundo sa magulong kaisipan ng mga kabataan? Nakakatakot na henerasyon. Pero may pag-asa: tamang pagtuturo.

Kailangang ituro ng tagapagsanay ang mga bagay na kanyang alam. Paano nga ba niya maituturo ang isang bagay kung hindi niya ito alam? Paano nga ba niya maibibigay ang isang bagay kung wala siya nito? Hindi maaari. Pangunahin sa pagsasanay ang kaalaman. Kung wala ako nito, mauuwi sa sapilitan ang pagsasanay ko sa mga kabataang mamamahayag at baka malubha pa ang epekto nito sa kanila at sa lipunan.

Simplehan lang natin: Ituturo ko (at isusulat ko) kung ano ang meron ako. Meron akong karanasan sa Marcopper (environmental journalism); sa Payumo massacre at iba pang krimen (police beat); sa samu’t-saring katiwalian sa tatlong sangay ng pamahalaan (investigative journalism); sa pulitika at eleksyon ng hindi lang isa o dalawa kundi ng pitong pangulo; sa pagsasara ng business page at kinalauna’y sa web page. (Sa huling nabanggit, hindi ko kayo paaasahin dahil masalimuot, mabilis mag-update ang web, ICT, o “Internet of things,” at mas nakaiigi pang mga bata ang magturo sa mga nakatatanda sa mga bagong teknolohiya.) Magandang karanasan din na kaming nagko-cover ng eleksyon sa dyaryo ay pinagrereport “live” sa radyo sa kasagsagan ng noo’y interactive, mas pinalalawak, at mas pinagkakaisahang election reportage na ang hanap ay matugunan ang pangangailangan ng madla sa pinakasariwang balita.

Iba pang karanasan? Sa biyaya ng Diyos, meron akong malawak na karanasang makipagtagisan ng talino, makipagbanggaan ng judgment calls, editorial decisions, magpakumbaba at magbigay-galang sa usaping mayroong deliberasyon ng iba’t ibang editorial boards. Walang Page One ang mga broadsheet kung walang katuwang na reporter/correspondent ang editor. Talagang nagsisilbing mukha ng management ang unang pahina. Bonus na lamang ang byline o pangalan ng mamamahayag dahil naipamumukha niya sa mambabasa ang respetadong pangalan ng kanyang institusyon.

Gumagana ang mekanismo ng pagsita (feedback mechanism) sa pamamagitan ng liham sa patnugot (letter to the editor), o pagkuha ng aksyon mula sa readers’s advocate/ombudsman. Ang taktak at tunog ng makinilya sa seksyong pang-editoryal ay magandang senyales sa kita at pananalapi para sa hindi kalayuang silid o seksyong pang-administasyon ng dyaryo. Walang sulat ng lasing o bagong gising ang makalulusot sa paglalathala, hindi katulad ng kasalukuyang panahon; may account lang sa social media ang bangag, meron na agad siyang “pahayag”. Walang pugot ng patnugot. Sugod lang. Lathala lang nang walang patumangga. Magulo na nga ang porma ng social media, nadaragdagan pa ang mga problema nito sa pagharap sa mali o mapanlinlang na impormasyon, pekeng balita, pinutol putol o pekeng video, pati pekeng pangalan at pagkarami raming dummy account. Bago pa man maiwasto ang isang bagay sa social media, nagkapatong patong na ang susunod na iwawasto. Hanggang sa mawalan ng saysay ang katotohanan o paghahanap ng katotohanan mula sa publiko sa tulong na hatid sana ng makatotohanang pamamahayag at mga alagad nito. Dahil dito, tuloy sa ebolusyon, rebolusyon, at walang ilusyon kundi pagpapaka-“wais” lang ang ginagawa ng mga totoong alagad dahil kung hindi, ika nga, “Kakainin ka ng buhay!” (Sport o handang tumanggap ng makakatuwang ang mga mamamahayag kaya nakonseptuwalisa ang “citizen journalism” na maganda naman ang pakay, ngunit naabuso kinalaunan.)

Nariyan ang pagkukutsabahan ng mga grupo sa social media na sunod-sunod o sabayang nagbibigay ng komento o papuri sa isang personalidad o paksang tinatalakay. Kayang kaya nilang palabasing walang basehan, walang kwenta, may kinikilingan (biased), malisyoso ang mga ulat mula sa radyo, TV, at dyaryo. Ito’y sa kabila ng lalim ng pagkakaorganisa ng media men and women, bukod pa ang deka-dekadang karanasan ng kani-kanilang institusyon sa patas na pamamahayag at mangilan ngilang pagwawasto na may pinagdadaanan namang proseso at deliberasyon. Madaling sabihin at totoo namang “mapagpalaya ang katotohanan”, pero binigyan tayo ng Diyos ng karunungan para labanan ang mga naghahasik ng lagim sa social media at ipagtanggol ang katotohanan o paghahanap nito. Kung wala ang ganitong pagtatanggol, babagsak ang anumang konsepto ng pagtatanggol sa inaapi, paggalang sa bawat dignidad, pangangalaga sa kapaligiran at pakikipaglaban sa mga sumisira nito, pagkakapantay-pantay, at kalayaan. Kung walang tagapag sanggalang ng katotohanan, walang tagapagtaguyod ng pagbabago. Mas nagiging “malaya” tuloy ang political dynasty o pami-pamilya sa munisipyo, sa city hall, sa kapitolyo, pati sa mas mataas pang posisyon ng paglilingkod sa pamahalaan sa kabila ng tahasang paglabag sa Konstitusyon.

Walang masyadong pinagkaiba ang etika ng pamamahayag sa konsepto ng pagkabansa ng maraming nation-states na ang atin ay pamahalaan ng mga batas, hindi ng mga tao (“government should be of laws rtaher than of men”). May sinusunod na panuntunan, sa halip na may sinusunod na taong naghahari dahil sa oras na magkamali ang paghahari, ilulusot na “tao lang”. Kung may panuntunan, may pinagkaisahan. Kung may pinagkaisahan, naroon ang pagkamamamayan. “Sovereign” Filipino people tayo. Ibinibigay natin ang kapangyarihan sa pamahalaan (“all government authority emanates from the people”) na ibig sabihin, gaya ng nabanggit na sa unahan, meron tayong kapasidad na magbigay at magturo kung ano ang gagawin nila sa kapangyarihan, at nakaantabay tayo sa kaganapan – online, offline, lantad, tago, labas o loob ng tanggapan – ng mga sumumpang ipagtatanggol ang panuntunan lalo ang Saligang Batas. Abangan ang ilang halimbawa ng aplikasyon ng etika sa aming larangan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.