Pakikipagkaibigan ng Pilipinas, pagpapalakas, at pagpapahina sa loob

0
329

Pakikipagkaibigan sa lahat ng bansa (“amity with all nations”) ang atas ng Saligang Batas ng 1987. Pero kaya pa ba ng Pilipinas na makipagkaibigan sa Tsina?

Nakatatanggap ng suporta ang Pilipinas sa iba’t ibang bansa sa tuwing nambu-bully ang Tsina. Hindi maitago ng maraming bansa ang inis nila sa pinaggagagawa ng mas malaking bansa, lalo doon sa West Philippine Sea. Malinaw na hindi mabuting kaibigan ang Tsina sa maraming pagkakataon.

Sa kabilang banda, tila naipagkanulo na ang Pilipinas matapos lantarang walang kaimik-imik sa napakainit na usapin si Rodrigo Duterte na nahalal na pangulo matapos mag-angas na kunwari’y sasakay siya sa jet ski at itatayo ang watawat ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo. Nauna na niyang sinabi: “Panahon sa kampanya iyan, at saka iyong biro na iyon, we call it bravado. Iyong bravado ko was just a pure campaign joke.” Tinawag pa niyang “stupid” ang mga mga naniwala sa kanya sa sambit niyang iyon noong kampanya sa pagkapangulo noong 2016.

“Nagyabang ako na pupunta ako sa Spratly, magdala ako ng flag na sakay ako ng jet ski,” sabi ng dating presidente.

Kinalaunan, binigyang diin ni Duterte na hindi raw siya nangakong kukunin mula sa Tsina ang West Philippine Sea. Matatandaang patitigilin din daw niya ang expansion activities ng Tsina sa bahaging iyon na ikinagalak ng mga manonood sa telebisyon, sabay palakpak sa nagtatapang-tapangang kandidato.

Iyon ang mabigat na parte. Meron ding nagpainterbyung mangingisda na ibinuhos ang hinanakit kay Duterte dahil ang buong akala nilang mga mangingisda ay papanigan daw sila at ang kanilang paghahanap-buhay doon. Hindi nila matanggap na biro lang daw iyon. Ulitin natin: mabigat na parte yung kawalan ng kaseryosohan ng Pilipinas noong mga panahong iyon. Bakit Pilipinas ang hindi seryoso noon? Kasi hindi nga seryoso si Duterte habang ang mga pulitiko nama’y pinapalakpakan pa ang lider. Mangilan-ngilan lamang ang nagpaka-stateswoman at statesman sa kanilang pagpapahalaga sa teritoryo at sa sektor ng pangingisda sa kanlurang bahagi ng bansa kahit taliwas pa sa gusto ng presidente. Silang mga kumontra’y mga pinuno rin naman.

Ngayong pangalawang pangulo na ang anak, kataka-taka pa bang Foreign Affairs portfolio ang orihinal niyang nais, sa halip na DepEd? Maraming beses na magkasama ang mag-ama sa mga pagpupulong sa Tsina na naglalayong paigtingin daw ang relasyon ng dalawang bansa sa komersyo at iba pa.

Kung may kumokontra noon, mas marami na ngayon. Ang pagkontra ay nakaangkla sa itinuturo ng Konstitusyon, hindi sa larangan ng masamang pamumulitika. Naroon na tayo, maraming pulitikong sumasabay sa agos ng pagkontra lalo na’t lumalakas ang pwersa ng kung sinumang nakaluklok (“Kahit ako na lang ang matira sa partido,” panibagong pagbibida ni Duterte nang mabalitaan kamakailan na naglilipatan na ng partido ang kanyang dating mga kaalyado.). Pero hinihingi ng pagkakataon ang katalinuhan sa pagkamamamayan, hindi sa pagsuporta sa anumang panig ng pulitika. Ang makikinabang sa katalinuhan sa pagkamamamayan ay ang susunod na henerasyon at ang suportang pulitikal, kadalasan, ay para lang sa ikapapanatag ng mga gustong manatili sa pwesto o makapwesto. Samantala, epekto nito’y walang kapanatagan sa bawat pamilyang sumusuporta sa mga pulitiko dahil sa umpisa pa lamang, pansariling interes na ang nananaig.

Lumabas sa pag-aaral ni Edna Sue C. Leung (1989) na nasa perception ng dalawang kultura ang tungkulin ng kaibigan (“A study in interpersonal relationships between Filipinos and Chinese in Metro Manila”).

Konklusyon ni Leung sa Ingles na may ganitong salin: “Ang relasyon ng mga Pilipino at mga Intsik ngayon ay hindi na ganoong karahas katulad ng dati. Gayunpaman, tumitindi ang tensyon dahil sa kawalan ng kaalaman sa mga ginagawa ng worldviews, cultural values, communication principles and signal systems. Pagtrabahuhan ang kawalan ng kaalaman bilang solusyon sa ikababawas ng tensyon na nanggagaling sa takot at kawalang seguridad at sa isang tiyak na antas, inggit.”

Tunay na kailangan ang mas malawak na pag-uunawaan patungo sa mas positibong pag-uugali. Mas may gantimpala sa ganitong pag-uunawaan.

Ibig ding sabihin, malaking ang tsansang maunawaan tayo ng ibang bansa kung nagkakaunawaan tayo sa ating sariling bakod. Seryoso tayo sa loob, lalabas na seryoso tayo sa ibayong dagat. Walang puwang ang palabiro at palamurang bibig sa Malacanang. Iyon ang bagong pag-asang sinusubukan nating tanawin dahil maayos namang mangusap ang pangulong Marcos Jr. kumpara sa sinundan niya. Pumihit din ang kasalukuyang pinuno ng bansa sa foreign policy na merong mga seryoso at diplomatikong pamamaraan sa Amerika, isang bansang hindi na bago sa ating pakikipag-ugnayan sa tanggulang pambansa at pang-ekonomiya.

Kung patuloy ang paninindigan ng Tsina na labag sa international law at UNCLOS ang arbitral ruling na ikinapanalo ng Pilipinas sa claim nito sa West Philippine Sea, kasabay pa ng dokumentadong pambu-bully ng Tsina na nagaganap sa karagatan, kailangan nating magpalakas. May mga eksperto ring nagsasabing mahalagang kilalanin ang mga nagtatraydor sa Pilipinas pagdating sa isyu ng agawan ng teritoryo sa Tsina dahil kung hindi, mananatili tayong mahina sa mata ng nagpapakilalang kaibigan. Ulitin natin: Habang nagpapalakas, kilalanin ang nagpapahina. Baka ito na ang makabagong tawag ng tungkulin sa pakikipagkaibigan.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.